Twenty Seven

2.5K 64 8
                                    

Parang bata si Miranda habang nagpapaikot-ikot sa daan patungo sa may parke. Kanina ko pang gustong sapakin ang sarili ko. Heto, parke na naman. Nasa parke na naman kami. Kamakailan lang ay dito ko rin dinala si Ashley. Pero, ano pa nga ba ang magagawa ko? Dito ko siya dinala sa sentro. Hay naku Arianne, palpak ka na naman.

"Ar!" tawag sa akin ni Miranda. Tuwang-tuwa naman itong nakatingin sa akin habang naghihintay do'n sa nagtitinda ng cotton candy.

Mabilis naman akong naglakad papunta sa kanya. Ewan ko ba, parang ang gaan-gaan ng loob ko kapag kasama ko siya. Sa isip ko, para wala akong nagawang kasalanan kay Ashley ngayon. Oo, nobya ko siya ngunit ipinagpalit ko naman ang imbitasyon niya para samahan si Miranda. Isa nga naman 'yong malaking kalokohan. Nagsinungaling ako sa kanya.

Muntikan pa akong masubsob nang hinila ako ni Miranda nang pagkalakas-lakas. Hindi ko inakala na may tinatagong lakas ng katawan pala itong babaeng 'to.

"Ang lalim nang iniisip mo." Nakangusong wika nito sa akin saka niya inabot sa akin ang biniling cotton candy.

Napangisi naman ako at napailing. Kinuha ko naman ang ibinigay na cotton candy saka ako sumubo ng konti.

"Gano'n ba?" pilyong tanong ko sa kanya at sinundot ko siya sa tagiliran.

Napaatras naman si Miranda at humagalpak ng tawa. Tinuro niya ako at tumawa pa ulit. "Ikaw, ha! Gusto mong makipagkulitan."

Tumango-tango naman ako kahit natatawa sa inaasal niya. Bago pa siya makabawi ay mabilis akong tumakbo palayo sa kanya. Habang siya naman ay tuwang-tuwa pa na humahabol sa akin.

"Tigil na, Ar!" sigaw nito ngunit hindi pa rin ako tumigil.

"Ar-Ar naman, eh!" sigaw pa ulit nito kaya tumigil na ako. Tumatawa pa ako habang lumalapit sa kanya. Ang bilis namang mapagod ni Miranda, mukha siyang bata.

"Nakakapagod kang habulin," wika nito sa akin saka niya ako niyakap. Napangiti naman ako at niyakap siya pabalik.

"Sa susunod kasi hayaan mo na akong pagtripan ka," pagbibiro ko sa kanya kaya't mabilis naman itong kumalas mula sa pagkakayakap sa akin.

Nakasimangot naman itong tumitig sa akin at kaagad ko naman siyang hinalikan sa noo.

"Nagbibiro lang ako. Huwag mo nang seryosohin," sabi ko sa kanya.

Ngumiti naman ito. "Sige, sabi mo, eh."

xxx

Naglakad-lakad lamang kami ni Miranda habang siya naman ay panay ang kuha ng litrato gamit ang cellphone niya. Pinagmasdan ko lamang siya at hindi ko maipaliwanag nang mabuti ang nararamdaman ko. Basta, masaya ako ngayon. Pakiramdam ko ay hindi ako nasasakal. Parang ang laya-laya ko ngayon.

"Ar," tawag nito sa akin kaya't napatingin ko sa kanya. Pinisil ko na lamang ang kaliwang pisngi niya nang marinig ko ang tunog ng camera.

"Stolen," natatawang sambit nito habang nakatingin sa screen ng cellphone niya.

"Burahin mo na. Sigurado akong ang sama-sama ng kuha ko diyan," sabi ko sa kanya ngunit hindi siya nakinig. Umiling-iling itong nakatingin sa akin at inilagay na sa loob ng bulsa niya ang kanyang cellphone.

"Hindi pwede, Ar. Remembrance ko 'yon," sabi nito saka naman siya umabrisiyete sa akin.

Hindi ko na siya sinaway. Hinayaan ko na lamang siyang gawin 'yon sa akin. Tatawid na sana kami nang may namataan akong pamilyar na tao. Lumakas ang kabog ng dibdib ko nang maalala ko ang mukha niya. Tama, si Roger nga at kasama pa si Gerald!

Nataranta na ako ng sobra na para bang hindi ko na alam ang gagawin ko. Mabilis kong tinanggal ang kamay ni Miranda na nakapulupot sa akin at kaagad ko itong hinawakan nang mahigpit.

Tumingin ako kay Miranda at tumingin naman siya sa akin na parang naguguluhan.

"T-Teka, Ar, ano ba ang nangyayari?" kinakabahang tanong nito. Tinignan ko ulit ang pwesto nila Roger at Gerald para masiguradong hindi nila ako nakita.

Ngunit, kapag minamalas ka nga naman. Nakita ako ni Gerald.

"Ar!" sigaw nito at napatingin kay Miranda na pilit kong itinatago. Hindi ko na pinansin ang tawag ni Gerald. Nang nakita kong tumayo naman si Roger mula sa pagkakaupo sa may flower box ay mabilis ko namang hinila si Miranda para tumawid ng daan.

Kahit hindi pa oras para tumawid ay tumawid kami kaagad. Patakbo naming iniiwasan ang mga sasakyang humaharurot. Ramdam ko naman ang lamig ng kamay ni Miranda kaya't kinausap ko siya.

"Huwag kang lilingon. Malapit na tayo," sabi ko sa kanya at mabilis naman kaming nakarating sa kabilang daan. Kaagad kaming humalo sa maraming tao nang namataan ko ulit sina Roger at Gerald na tila hinahabol kami.

"Sino ba 'yon?" tanong sa akin ni Miranda na hanggang ngayon ay nakahawak pa rin sa kamay ko.

"Sina Roger at Gerald. Mga kaibigan ko." Hinihingal kong sagot sa kanya saka ko mas hinigpitan ang hawak sa kamay niya ng mas dumami pa ang tao sa dinaraanan namin.

"Bakit mo naman sila tinatakbuhan? Ano ba ang problema?" sunod-sunod na tanong nito na akmang lilingon pa sa likod namin. Buti na lang at mabilis ko siyang napigilan.

"Problema ito kapag nakita ka nila. Magtataka sila kung bakit hindi si Ashley ang kasama ko. 'Pag nagkataong makita ka nila baka magsumbong 'yon kay Ashley na may iba akong kasamang babae." Pagpapaliwanag ko sa kanya at mas binilisan pa namin ang lakad.

"Ayun! Ayun si Ar-Ar!"

Dinig ko sa boses ni Roger kaya't tumakbo na kaagad kami ni Miranda kahit marami na kaming nababanggang mga tao.

"Pasensya na po," sambit ni Miranda nang mabangga niya ang isang babaeng may mga dala.

Mas madami ang tao, mas mabilis makapagtago. Nang madaanan na namin ang eskinitang kanina ko pa tinitignan ay kaagad kong hinablot papasok sa loob si Miranda para makapagtago. Isinandal ko siya sa may pader at tinakpan ang bibig kahit pareho na kaming hinihingal.

Nang makita kong dumaan na sina Roger at Gerald ay kaagad ko nang tinanggal ang kamay ko.

"Mas masaya 'yon kaysa sa beauty pageant," natatawang komento ni Miranda.

"Oo nga," sambit ko at mabilis ko siyang hinalikan sa labi.

Sa unang pagkakataon, ako na ang humalik sa aming dalawa.

Mending ArianneWhere stories live. Discover now