Thirty

6.3K 146 29
                                    

Limang buwan na ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay nanghihinayang pa rin ako sa pagkakataon na sinayang ko. Pagkatapos naming maghiwalay ni Ashley ay nabalitaan ko na lamang na bumalik na ito sa Boston. Ayon sa kapatid ko ay ibinebenta na nga ang lupa't bahay nila sa San Vicente. Mukhang wala na yatang balak bumalik sa Pilipinas ang kanilang pamilya. Habang ako naman ay bumalik ulit dito sa San Miguel baon ang pag-asang magkikita ulit kami ni Miranda ngunit mukhang malabo na yata.

Bumalik ulit ako sa pagtatrabaho at kasama ko na rin ngayon si Jacq sa inuupahan naming bahay. Nang bumalik ako rito ay wala siyang tigil sa pangungulit sa akin na magkwento tungkol sa mga nangyari do'n sa lugar ko. Wala naman akong nagawa kundi ang sabihin sa kanya ang lahat at pagkatapos no'n ay pinagtawanan niya ako. Naaalala ko nga ang sinabi niya sa akin noon. Sabi niya, "Nakakatawa ka talaga, Ar. Kapag nagpupunta ka ng San Miguel palagi kang heartbroken. Mukhang may sagot na yata ang katanungang 'where do broken hearts go?'."

Kapag naaalala ko ang sinabing iyon ni Jacq ay natatawa na lamang ako. May punto naman kasi siya. Nang magpunta ako no'ng una rito ay heartbroken din ako. Tapos ngayon naman ay heartbroken na naman ako. Nakakatawa talaga.

Bago pa ako no'n bumalik dito ay tinukso pa ako no'n ng kapatid ko. Sabi niya hindi raw nagkamali ang hinala niya sa aming dalawa ni Miranda. Mukha raw may kakaiba sa amin na hindi maintindihan. At sa pagkakataon na 'yon, naintindihan ko na ang mayroon sa aming dalawa. Ang kaso lang ay pinakawalan ko siya. Sabi pa naman niya sa akin, siya raw ang magbibigay sa akin ng mga magagandang alaala ngunit nakalimutan niya yatang sabihin sa akin na baka masaktan din niya ako.

Kaya, no'ng nasaktan niya ako sa bigla niyang pag-alis ay hindi man lang ako nakapaghanda. Nakipagbuno na naman ako sa sakit na mag-isa.

Ngayon ko lang natutunan na mahirap pala kapag hindi mo nagawa ang mga bagay na gusto mong gawin. Ang abutin ang taong gusto mong maabot. Kaya lang abot-kamay ko na siya ngunit pinakawalan ko pa. Ang mahirap lang kasi do'n nahulog ako sa kanya sa maling panahon. 'Yon lang ang bagay na nagpakomplikado sa lahat.

Kaya pinapangako ko sa sarili ko na kapag magkita ulit kami ni Miranda ay hindi ko na siya papakawalan pa. Handa na akong hawakan ang kamay niya. Handa na akong gawing tama ang naging maling simula naming dalawa.

"Oras ng trabaho, uy! Huwag kang tumunganga." Nakangising wika ni Mikaela sa akin pagkatapos niya akong batukan.

"Salamat, ha?" sarkastikong pagkakasabi ko sa kanya sabay haplos ng ulo ko.

Humalakhak naman ito.

"Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako makapaniwala na bumalik ka na nga ng trabaho," sabi nito.

"Sus! Sabihin mo na lang na na-miss mo ako." Wika ko sa kanya sabay kindat. Bigla naman niya akong binato ng ballpen at mabuti na lang ay nailagan ko ito.

"Isusumbong kita kay Bryan," pananakot ko sa kanya.

"Ano naman ang isusumbong mo?" tanong nito sa akin na mukhang naghahamon.

Ngumisi naman ako. "Sasabihin ko sa kanya na picture niya ang wallpaper mo sa cellphone."

Nanlaki naman ang mga mata ni Mikaela at napatingin sa cellphone niyang umiilaw sa may counter. Kaagad naman niya itong kinuha at mabilis na ipinasok sa kanyang bulsa.

"Bakit kasi ayaw mo na lang aminin na may gusto ka kay Bryan? Sinisikreto mo pa." Pang-iinis ko sa kanya. Sinamaan naman niya ako ng tingin ngunit pinagtawanan ko na lamang siya.

"Tseeee!" inis na sambit nito at tumalikod na sa akin.

xxx

Tawang-tawa si Jacq nang ikwento ko sa kanya ang naging reaksyon ni Mikaela kanina. Sabi niya sa akin ay mayroon na raw siyang ipanunukso rito.

Nasa may balkonahe kami ngayon at nag-iinuman na naman. Limang buwan na mula noong bumalik ako rito ngunit parang pagbabalik ko pa lamang ngayon. Sa tuwing nag-iinuman kami ni Jacq ay ganito na lang lagi ang pakiramdam ko. Ewan ko ba. Mukhang na-miss ko rin yata ang lugar na ito.

"Anong plano mo ngayon?" tanong sa akin ni Jacq habang tinatagayan ako.

"Hindi ko alam," sagot ko sa kanya.

"Kung puntahan mo na lang kaya siya at sabihin mo sa kanya na siya ang pinili mo." Sabi pa ni Jacq ngunit umiling lamang ako. Ininom ko na ang alak at sumandal sa may upuan.

"Huwag na. Paano na lang kung ipagtabuyan niya ako? Paano kung galit siya sa akin? 'Wag na, Jacq. Masasaktan na naman ako."

"Gago," sambit nito. "Nandiyan na naman 'yang mga paano mo. Paano kung ganito? Paano kung ganyan? Nakakasawa na sa pandinig. Pero bakit, Ar? Hindi ka na ba nasasaktan ngayon? Lokohin mo ang sarili mo, huwag ako."

Tinawanan ko lamang siya.

"Bakit ba ikaw ang namomroblema sa sitwasyon ko?" natatawang tanong ko sa kanya.

Sinimangutan naman niya ako at kinuha nito ang gitara na nasa tabi.

"Kaibigan mo ako Ar at gusto kong maging masaya ka," inis na wika nito, "ang kaso lang ay ginagago mo ako sa tuwing seryoso ako."

Natahimik ako sa sinabi ni Jacq. Tama naman ang sinabi niya. Heto na naman ako sa mga maling akala ko. Siguro ay kailangan ko namang sundin ang payo sa akin ni Jacq. Tumayo ako sa aking kinauupuan at nilapitan ko siya para yakapin.

"Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong nito bago ko pa buksan ang gate.

"Sa bahay ni Miranda."

xxx

Kahit gabi na ay nagpunta pa rin ako sa bahay ni Miranda. Nagbabaka sakali na nando'n pa rin siya. Gusto ko siyang makita, gusto ko siyang yakapin, gusto kong sabihin sa kanya ang mga salitang hindi ko nasabi noon.

Nang makarating ako sa tapat ng kanilang bahay na nabuhayan ako ng loob nang makita kong bukas ang ilaw nito. Kahit amoy alak ako ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa na kumatok sa kanilang pintuan.

Hindi nagtagal ay nagbukas na rin ang pinto. Halos maiyak ako nang makita ko si Miranda sa aking harapan. Siya naman ay gulat nang makita ako. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon. Mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit. Lahat ng takot at pangamba ko ay nawala nang yakapin naman niya ako.

"N-Nayakap na rin kita," bulong ko, "sa wakas."

Humigpit naman ang pagyakap niya sa akin.

"May tanong ulit ako, Ar," wika nito.

"Ano naman 'yon?" tanong ko sa kanya at kumalas mula sa kanyang pagkakayakap para makita ko ang kabuuan ng kanyang mukha.

"Nahulog ka na ba?"

Napangiti naman ako.

"Hulog na hulog na ako, Miranda," sagot ko sa kanya. "Iyong tipong hindi na ako makaahon sa nararamdaman kong ito."

Lumuluha naman itong nakangiti sa akin. Hinagkan ko siya sa kanyang labi sa tapat ng kanilang wind chime na gumagalaw pa.

~*~

"If you love two people at the same time, choose the second. Because if you really loved the first one, you wouldn't have fallen for the second."

Johnny Depp

Mending ArianneWhere stories live. Discover now