Twenty Two

2.6K 63 3
                                    

Nakipag-usap ako kay Ashley kahapon. Kinausap ko siya at nakipag-ayos ako. Aminado akong mali talaga ang ginawa ko noong una. Nasaktan ko ang damdamin niya at isa iyong malaking kagaguhan na ginawa ko.

"Alam mo ba Kuya, akala ko sasampalin ako ni Ashley kahapon." Pagkukwento ko sa kanya habang naglalaro kami ng chess sa may balkonahe.

"Ba't mo naman kasi siya sinabihan ng mga masasakit na salita? May topak ka rin, eh," sabi nito na umiiling-iling pa.

"Checkmate," sambit ko at saka sumandal ako sa aking kinauupuan. Tama nga naman ang kapatid ko. Bakit ko naman kasi siya sinabihan ng mga masasakit na salita? Kung gano'n nga ay may topak talaga ako sa utak. Siguro ay nadala lamang ako sa bugso ng damdamin. 'Yong tipong galit na galit pa rin ako sa kanya dahil sa pang-iiwan niya. Ngunit, bakit pa ba ako mag-iinarte? Nandito na si Ashley. Nagbalik na siya. Ano pa ba ang inaarte ko?

"Hay naku naman, ayoko nang maglaro." Sabi ng kapatid ko habang nagkakamot pa ng ulo.

"Sus, tinamad ka na naman." Inis kong sabi sa kanya. "Oh, pa'no na 'yan? Naka-tatlong panalo ako. Libre mo ako."

Ngumiti ng pagak ang kapatid ko saka ito tumayo mula sa pagkakaupo.

"Sa susunod na. Wala akong ipapang-libre sa'yo," natatawang wika nito at mabilis na pumasok sa loob ng bahay.

Napahalukipkip ako at nag-isip muna nang malalim. Ano kaya ang magandang gawin ngayong araw? Maglibot kaya ako sa sentro at isama ko si Ashley? Tama nga siguro, isasama ko si Ashley at ng makabawi naman ako sa kasalanan ko sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin 'yon makalimutan. Mahirap talagang kalimutan ang mga kagaguhang nagawa ko.

Kaagad naman akong tumayo at mabilis na pumasok sa loob para makapag-ayos. Hindi na rin ako nagpaalam sa kapatid ko. Alam kong alam niya na aalis ako kaya't pwedeng hindi na ako magpaalam. Wala naman kasi 'yong sasabihin sa akin kapag magpaalam ako. Kung may sasabihin man siya ito ay ang, "Sige alis na. Huwag ka nang babalik, lesbian," na madalas niyang sabihin sa akin noon. Memorya ko na ang mga linyahan ng kapatid ko kaya wala ng rason pa para magpaalam. Masyado akong mabait ngayon. Sa tingin ko lang.

Bago pa ako lumabas ng bahay ay tinawag muna ako ni Mama. Napansin niya yata na nakabihis ako ngayon.

"Mukhang may lakad yata ang bunso ko ngayon, ah," nakangiting wika ni Mama sa akin. Medyo natawa na lamang ako at napakamot ng ulo.

"Oo nga po, eh," nahihiyang wika ko naman.

"Saan ka naman pupunta? Ba't hindi mo isama ang Kuya mo?" sunod-sunod na tanong nito.

Napangiwi naman ako. "Ma, may lakad kami ni Ashley. Kawawa si Kuya kapag isasama ko siya. Alam mo na. Thirdwheel."

Natawa naman si Mama sa sinabi kong thirdwheel. "Oh siya, siya. Mag-ingat kayong dalawa. Lalo ka na. Baka makita ka na naman ng Papa ni Ashley."

"Ma, wala po rito ang Papa ni Ashley." Sabi ko sa kanya.

"Ha? Si Ashley lang ang umuwi?" tanong naman nito at tumango ako bilang sagot. Nalaman ko lang ito kahapon. Hindi raw sumama si Tito Arthur sa pag-uwi ni Ashley dito sa Pinas. Hanggang ngayon ay nasa Boston pa rin ito kasama ang asawa niya.

"Sige po Ma, alis na ako." Pagpapaalam ko sa kanya at hinalikan naman niya ako sa noo.

"Ingat ka, Arianne," nakangiting wika ni Mama at lumabas na ako ng bahay.

xxx

Kagaya ng dati ay nilakad ko na lamang ang daan papunta sa bahay nila Ashley. Na-miss ko rin kasi ang maglakad papunta sa bahay nila. Noon, kapag tuwing weekends ay palagi akong nasa bahay nila Ashley para mag-movie marathon. O hindi kaya't mag-uusap lang kami ng kung ano-ano. Iyong mga bagay na walang kwenta na pinagkakatuwaan lang namin.

Masarap pala kapag nakakauwi ka sa lugar kung saan ka lumaki. Sa lugar kung saan ka nagkaroon ng mga magagandang alaala. Sadyang masarap lang talaga sa pakiramdam. Bumabalik sa akin ang mga alaala noon habang naglalakad ako patungo sa lugar na pupuntahan ko.

Nang makarating na ako ay hindi muna ako kaagad kumatok sa pintuan. Bubwelo muna ako para sorpresahin si Ashley sa araw na ito.

"Ashley!" tawag ko sa pangalan niya saka malakas na kinatok ang pintuan nila.

Naghintay muna ako ng ilang segundo ngunit hindi pa ito binubuksan. Kaya't inulit ko ang pagtawag at kumatok na naman sa may pinto.

"Ashley! Si Arianne 'to!" tawag ko ulit.

Gayon na lamang ang pagkagulat ko ng biglang bumukas ang pinto at patalon akong niyakap ni Ashley.

"Sinabi ko na nga ba't pupunta ka," nakangiting wika nito at mabilis akong hinalikan sa labi.

"Bakit? Naramdaman mo ba na pupunta ako rito?" tanong ko sa kanya.

Napangiti naman ito at mabilis na tumango. "Oo naman, ramdam kita, Arianne. Iisa lang tayo, alam mo 'yon." Wika nito sa akin.

"Ikaw na ang maraming alam," natatawang wika ko at pinisil ang kanyang ilong. "Mag-ayos ka na, aalis tayo."

"Talaga?" manghang tanong nito kaya tumango-tango naman ako. Ngumiti na lamang ito at mabilis na hinawakan ang kamay ko. "Tara na, hindi na ako mag-aayos. Alis na tayo, Yan," sambit nito.

Napangiti na lamang ako sa ikinikilos ni Ashley ngayon. Halatang masaya siya. Hindi kasi namin nagagawa ang bagay na ito noon. Kaya't alam kong masaya siya dahil malaya na namin itong gawin ngayon.

Nang makasakay na kami ng bus papuntang sentro napangiti ulit ako dahil sa sinabi ni Ashley sa akin. Bakit ba kasi ang hilig-hilig niyang magpangiti ngayon?

"Sana palagi nalang tayo ganito. Masaya lang hanggang sa matapos ang araw," mahinang wika nito at inihilig ang kanyang ulo sa aking balikat.

Mending ArianneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon