Twenty Three

2.6K 65 1
                                    

Ilang minuto lang ay kaagad na kaming nakarating sa sentro ng San Vicente. Noong nasa kolehiyo pa lang kami ni Ashley ay madalas kami rito lalong-lalo na sa parke na madalas puntahan ng maraming tao. Maganda kasi ang tanawin dito at malawak pa kaya't masarap talagang balik-balikan.

"Pwesto ka sa tabi ng puno," bulong ko kay Ashley na naka-abrisiyete pa sa akin.

"Bakit naman?" takang tanong nito at kaagad ko namang ipinakita ang hawak kong camera.

Ngumiti na lamang ito sa akin at mabilis na nagpunta sa tabi ng puno. Doon ay sumandal siya at humalukipkip. Nakangiti siyang nakatingin sa akin kasabay naman ng kanyang buhok na umaalon-alon pa dahil sa hangin.

"Okay na ba?" humahagikhik na tanong nito sa akin. Nag-thumbs up naman ako sa kanya at ni-ready ko na ang camera para kuhanan siya ng magandang anggulo.

"One, two, three..." pagbibilang ko at ni-click na ito.

Nang matapos ko nang makunan siya ng litrato ay kaagad ko itong tinignan. Mabilis naman siyang lumapit sa akin.

"Ang galing mo namang kumuha ng litrato, Yan," papuri nito sa akin habang nakatingin pa rin sa kuha ko.

"Hindi naman masyado," sabi ko naman sa kanya.

"Hindi raw. Ang ganda kaya nang kuha mo." Giit pa nito at ipinakita ulit sa akin ang larawan. "Tignan mo nga ulit. Maganda ang kuha mo. Maayos."

Natawa na lamang ako at ginulo ang kanyang buhok.

"Maganda kasi ang modelo ko, eh," nakangiting wika ko.

Ngumuso naman ito sa akin. "Binobola mo na naman ako," sabi nito. Napangisi na lamang ako at kaagad ko siyang inakbayan.

"Bakit naman kita bobolahin?" pagtatanong ko sa kanya habang siya naman ay panay ang kuha ng litrato sa mga tanawin.

"Wala lang," sabi nito at humarap sa akin, "mahilig ka kasing mambola kaya hindi na ako magtataka."

"Ah, gano'n pala, ha?" sabi ko sa kanya at mabilis ko siyang hinabol nang magsimula itong tumakbo palayo sa akin.

Para kaming mga bata kung maghabulan. Pinagtitinginan na rin kami ng ibang mga tao ngunit hindi na namin sila pinansin. Malaya kaming naghabulan sa parke, para kasi kaming bumabalik ulit sa nakaraan.

Tatawa-tawa pa si Ashley nang mamahinga ito sa lilim ng puno. Tawang-tawa siya sa akin habang hinihingal akong papalapit sa kanya.

"Oh, anong nangyari? Ang bilis mo yatang napagod," biro nito sa akin.

Hindi muna ako nagsalita. Tumabi lang ako sa kanya at pinakinggan siya.

"Ba't ayaw mong magsalita? Masyado ka bang napagod?" sunod-sunod na tanong nito sa akin ngunit hindi pa rin ako nagsalita.

"Arianne naman, eh," naiinis nang sabi nito.

"Ano?" natatawang tanong ko naman sa kanya at mabilis niya akong pinalo sa may balikat.

"Para akong tanga na nagsasalita rito. Walang kausap," sagot naman nito at ngumuso.

Mabilis ko namang hinagilap ang kanyang kaliwang kamay at inihilig ko naman ang aking ulo sa kanyang balikat.

"Hindi ka tanga, Ashley, " mahinang wika ko. "Sige, magsalita ka lang dahil makikinig ako."

At katapos ay ipinikit ko na ang aking mga mata. Gusto ko ganito lang kami. Nasa isang mapayapang lugar na walang problema.

xxx

"Tinulugan mo ako kanina." Dismayadong wika ni Ashley sa akin habang naglalakad kami papunta sa isang kainan. Bigla na lamang ako natawa sa aking isipan. Oo nga naman at tinulugan ko siya. Hindi ko naman masisisi ang sarili ko kung bakit mabilis akong tinamaan ng antok. Hindi naman kasi ako nakatulog kagabi nang maayos dahil niyaya ako ng kapatid ko na mag-inuman. Ewan ko ba kay Kuya, puro inom na lang yata ang nasa loob ng kanyang utak at pati pa ako ay kanyang sinasama.

"Pagpasensyahan mo na ako, Ash," sabi ko sa kanya sa tono na naglalambing.

Nakanguso naman itong nakatingin sa akin habang naka-abrisiyete.

"Sige. Ngunit, paparusahan kita," sabi naman nito sa akin.

"Oh, ano naman ang parusa mo sa akin mahal na reyna?" tanong ko sa kanya na naka-angat pa ang dalawang kilay.

"Ililibre mo ako nang maraming ramen," masayang sagot nito, "alam mong paborito ko 'yon. Kaya't halika na sa Ramen House dahil mag-o-order ako nang marami."

Pagkatapos niyang sabihin 'yon sa akin ay mabilis niya akong hinila sa daanan papuntang Ramen House kung saan kami madalas tumambay ng barkada namin noong nasa kolehiyo pa kami. At dahil sa ramen nga ang kakainin, iiyak na lamang ang bulsa ko.

"Isang ramen pa, Yan," sabi nito sa akin pagkatapos niyang ubusin ang pangalawang ramen na inorder namin kani-kanina lang.

"Sasakit ang tiyan mo kapag umisa ka pa," pananakot ko sa kanya para tumigil na. Ngunit, hindi yata epektibo ang pananakot ko dahil mukhang iisa pa talaga siya.

"Ah basta, isang ramen pa. Kung ayaw mo akong ilibre, bibili ako ng sa akin." Sabi nito sa akin at nag-order pa ng isa.

"Ang kulit mo talaga," sabi ko naman sa kanya at pinisil ang kanyang ilong. Bigla naman kaming nagtawanan kahit walang dahilan.

Napatigil na lamang ako sa pagtawa ng biglang mag-ring ang cellphone ko. Siguro si Jacq na naman ang tumatawag sa akin.

"Teka lang Ash, tumatawag ang kaibigan ko." Pagpapaalam ko sa kanya at lumabas muna ako ng Ramen House. At hindi nga ako nagkamali, si Jacq nga ang tumatawag sa akin.

Mabilis ko itong sinagot. Hindi pa nga ako nakakapag-hello sa kanya ay ang boses na mukhang takot na takot na ang bumulaga sa akin.

"Ano? Hindi kita maintindihan, Jacq. Linawin mo ang sinasabi mo," sabi ko sa kanya.

"Tangina! Papunta bukas si Miranda diyan sa inyo, gago!" pasigaw nitong sabi na nagpakaba sa akin.

Mending ArianneМесто, где живут истории. Откройте их для себя