Chapter Twenty-five

7.9K 227 11
                                    

Richiel

"Bunso!"

"Tita Richiel!"

Nakangiting sinalubong ko ng yakap at halik ang mga pamangkin ko. Kinuha naman ng mga kapatid ko ang dala ko'ng mga pasalubong para sa kanila.

"Himala at naisipan mo'ng bumisita. Nasaan ang girlfriend mo?" tanong sa akin ni Kuya Raymond nang makapasok kami sa bahay.

"Dumiretso sa Lucena pagkatapos niya ako'ng ihatid dito. May aasikasuhin lang daw siya," sagot ko saka nagmano kina nanay at tatay.

"Talaga lang, ha? Siguraduhin lang niyang hindi babae ang inaasikaso niya at talagang sasamain siya sa akin," asik naman ni kuya.

Sinamaan ko naman siya ng tingin saka hinampas siya sa braso.

"Tama na nga, 'yan. Kumain na tayo. Sakto lang ang dating mo para sa merienda," tawag naman ni nanay sa amin kaya naglakad na kami papunta sa hapag.

"Wow! Tamalis!" bulalas ko saka mabilis na kumuha ng isa at binalatan iyon. Specialty ng Sariaya ang tamalis. Para siyang sumang malagkit pero pa-square ang hugis niya. Hindi siya kagaya ng tamalis sa ibang probinsya na gawa sa mais.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit madalas ako'ng bumisita kina nanay. Si nanay kasi ang pinaka da best sa paggawa ng tamalis sa sitio namin. Masaya ako kasi sa ngayon ito na ang kabuhayan nila bukod sa paggawa ng ibang kakanin kagaya ng puto, sapin-sapin, kutsinta, biko, at suman na gawa sa kamoteng kahoy. Kaya kahit abala ang tatay at mga kuya ko sa bukirin, may ibang paglilibangan si nanay bukod sa mga apo. Katulong naman niya ang asawa ng mga kuya ko kaya hindi siya gaanong mahihirapan.

"Dalhan mo si Jemimah ng tamalis kapag babalik ka na ng Lucena," sabi ni Nanay.

Tumango naman ako habang isinasawsaw ang tamalis sa sinangag na niyog na may asukal. "Opo."

Wala ako'ng ibang ginawa maghapon kundi ang makipaglaro sa mga pamangkin ko. Sa totoo lang na-miss ko sila. Kaya sinusulit ko ang oras na kasama ko sila.

"Richiel, anak."

Inayos ko muna ang pagkakahiga ng pamangkin ko'ng si Tonton na mahimbing nang natutulog bago ko pinuntahan si nanay sa kusina.

"Bakit po?" tanong ko sa kanya nang makaupo ako sa mahabang upuan na katapat niya.

"Nahalata ko lang na masyado ka'ng masaya. Dahil ba 'yan sa pagbisita mo sa amin, o dahil kay Jemimah?"

Napangiti naman ako saka napakamot sa batok. "Pareho lang ho, 'Nay."

Masaya naman talaga ako kasi nakabisita ako dito sa kanila. Pero iba pa rin talaga kapag kasama ko si Jemimah.

"Iba ang kinang ng mga mata mo kapag kasama mo kami. Iba rin ang kinang niyan kapag nandiyan si Jemimah. Talaga palang napapasaya ka niya ng higit pa sa kaya namin. Mahal na mahal mo talaga siya, ano?"

Namula naman ang mukha ko dahil doon kaya tumungo na lang ako. "Ang hirap ngang ipaliwanag, 'Nay. Ni hindi ko nga ho maipaliwanag kung bakit mahal na mahal ko siya."

"Anak, sa pagmamahal, hindi mo kailangan ng paliwanag o eksplinasyon kung bakit mahal mo ang isang tao. Kusa na lang iyong mararamdaman ng puso. At sa oras na tumibok iyan para sa isang tao, wala ka nang magagawa. Parang kayo ni Jemimah. Hindi lang tadhana ang naglapit sa inyo," itinuro niya ang dibdib ko kung nasaan ang puso ko, "Pati ito."

Napaisip ako. Tama siya. Bago pa man mangyari iyong insidente sa pool noon, ramdam ko sa sarili ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko pagkakita kay Jemimah noon. Siguro nga natakot lang din ako noon dahil pareho nga kaming babae at hindi pa gaanong tanggap ang same sex relationship. Pero heto kami ngayon. Limang taon man ang lumipas na hindi kami nagkita, pinagtagpo pa rin ng tadhana ang mga puso namin. Corny mang tignan pero totoo. Kung hindi ko lang siguro binigyan ng chance ang sarili ko'ng mapalapit kay Jemimah, malamang hindi ako ganito kasaya ngayon.

See You Again (GirlxGirl) COMPLETEWhere stories live. Discover now