Chapter 50

244K 9.9K 2.4K
                                    

Chapter 50


Simula nang maging kapitbahay ko si Rashid, bihira na akong lumabas ng bahay sa takot na baka magkasalubong kami. Gusto man ni Bello na lagi akong dalawin at ihatid araw araw hindi na niya ito magawa dahil abala siya sa negosyo ng kanyang pamilya.

Hindi naman ako katulad ng ibang girlfriend na sobra kung humingi ng oras o atensyon, naiintindihan ko na hindi lang sa akin umiikot ang buhay niya. Kaya para maging panatag ang loob niya, ako na mismo ang tumatawag sa kanya tuwing gabi para sabihin na ayos lang ako at wala namang nangyayari na dapat niyang ipag alala.

Sinipat ko ang aking wristwatch. Mag aalas diyes na, sobrang gabi ko nang umuwi. Nag overtime ako ngayon sa trabaho at dumaan pa ako sa library para sa mga librong kakailanganin ko. Malapit na naman ang exams namin.

Malayo pa lang ako sa bahay ay agad ko nang napansin si Rashid na nakaupo sa maliit na terrace ng apartment, inilihis ko ang aking paningin sa kanya at tumingin ako ng diretso sa bahay.

"Bakit gabi ka na? Hindi ka hinahatid ng boyfriend mo?" matabang na tanong niya sa akin. Sa pagkakatanda ko, bihira niya lang akong ihatid noon.

Tuwing uuwi ako nang gabi ay lagi ko na lang siyang nakikitang nakaupo sa terrace na parang inaabangan ako.

Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy ako sa paglalakad.

"Aurelia.." sinimulan ko nang kuhanin ang susi sa bag ko at halos mag init ang ulo ko nang hindi ko agad ito mahanap.

"Aurelia.." muli niyang tawag sa akin. Alam kong dala lamang ng kaba ang biglang pagbilis ng pagtibok ng puso ko. Wala na akong nararamdaman sa kanya.

"Baby please? Talk to me.." mas lalo akong naalarma nang marinig kong papalapit ang boses niya sa akin. Sinabi ko sa sarili ko na sa halip na pansinin ko ang mga ginagawa niyang paraan para lumapit sa akin pipiliin ko na lang tumahimik at isiping wala siya sa paligid.

Pinagpatuloy ko ang paghahanap ng susi at sa pangngangatal ng kamay ko ay nabitawan ko pa ang bag ko.

"Fvck! Fvck!" Iritado akong yumuko at sinimulan kong pulutin ang mga nagkalat na gamit ko.

Inilabas ko na ang flashlight ng telepono ko at nagmamadali akong nagbalik ng mga gamit sa bag ko. Akma akong tutulungan ni Rashid nang hindi ko na mapigilan ang ilang araw ko nang tinitimping gustong gawin sa kanya.

Malakas kong inihampas sa kanya ang hawak kong bag.

"Fvck you! Kung akala mo katulad pa rin ako ng dati na halos mabaliw sa'yo nagkakamali ka nang taong binabalikan! Wala na Rashid! Wala na! Tigilan mo na ako! Masaya na ako kay Bello! Masaya na ang buhay ko nang wala ka!" agad kong dinampot ang susi at marahas kong inagaw ang mga gamit na hawak niya.

Hindi ko sinubukan tingnan ang mukha niya at mabilis ko siyang tinalikuran para agad magbukas ng pintuan. Akala ko ay pababayaan niya na ako pero halos kumulo ang dugo ko nang makapasok siya sa loob ng bahay. Siya mismo ang nagbukas ng ilaw at nagsarado ng pinto.

"Muntik na akong maniwala sa'yo Aurelia. But why do you still have this?" nanlamig ako nang makita kong hawak niya ang singsing na ibinigay niya sa akin noon.

Sa lahat ng pwede niyang makita at makuha bakit ang singsing pang ito? Huminga ako nang malalim bago ko sinalubong ang kanyang mga mata.

"Ilang beses ko na 'yang isinangla at tinubos Rashid, ginagamit ko ang singsing mo kung may kailangan akong pera. Wala nang ibang dahilan pa ang singsing na 'yan sa akin. You can have it, I don't want to give you false hope." Lumapit na ulit ako sa pintuan at pinagbuksan ko siya nito.

The Prince Who Stole My Glass Slippers (Prince Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon