B2C23

1.2K 108 3
                                    


Chapter 23 – Isang Nakakatuwang Surpresa

Nakatayo noon si Hillman sa isang gilid ng malaking tarangkahan. Nilapitan sila nito ng nakangiti. "Masyado talagang mahigpit ang patakaran dito sa Ernst Institute. Hindi nila ako talaga pinayagang makapasok sa loob at hinayaan lang na hanapin ka ng isa sa mga guwardiya. Hindi ko naman inakala na nasa labas ka pala."

"Yale, una na kayo sa loob. Susunod na lang ako." Baling ni Linley sa mga kasamahan.

Nginitian nina Yale, George at Reynolds si Hillman, at saka pumasok na sa Ernst Institute.

"Uncle Hillamn, bakit ka napapunta dito? Akala ko sa katapusan lang ng semestre mo ako susunduin?" tanong agad ni Linley dito.

"Doon tayo mag-usap." Hinila siya ni Hillman sa isang tabi, sa mukha nito ay naroon ang hindi maitagong kasiyahan. "Linley, may magandang balita ako sa iyo, isang napakagandang balita."

Nagningas ang mga mata niya.

"Anong balita?" agad niyang usisa.

Ngumiti si Hillman. "Linley, tanda mo pa ba ang kaarawan ni munting Wharton?"

"Siyempre naman. Ika-3 ng Enero. Anong kaugnayan ng kaarawan niya dito?"

Tumawa ang lalaki. "Disyembre na ngayon kaya naman halos anim na taong gulang na si munting Wharton. Kagabi lang ay sinuri ng ama mo ang densidad ng Dragonblood sa mga ugat ni munting Wharton sa ancestral hall. At ang resulta? ... haha.." Nagsimula ulit tumawa ng tumawa si Hillman.

Ang pintig naman ng puso ni Linley ay bumilis.

Resulta ng Dragonblood density test?

Huwag mong sabihing...

Nagtanong si Linley, "Umabot ba sa kota ang densidad ng Dragonblood ni munting Wharton?"

Napahalakhak ng malakas si Hillman saka tumango. "Tama ka. Tuwang-tuwa ang ama mo. Tuwang-tuwa siyang nakipag-inuman sa akin kagabi hanggang hatinggabi. Ang sabi ng ama mo ay kayong dalawang anak niya ang pinaka-ipinagmamalaki niya sa buhay. Ang isa ay isang mataas na magus, samantalang ang isa ay Dragonblood warrior. Haha..."

"Mahusay."

Punong-puno ng galak ang puso ni Linley.

Noong una ay nakapataw lahat sa balikat ni Linley ang hinaharap ng limang-milenyong matandang salinlahi ng mga Dragonblood warriors bago ang pagsusuri sa dugo ni Wharton. Dahil sa taas ng dating dangal ng kanilang angkan ay ganoon din ang dinadalang bigat ni Linley.

Pero ngayon...

Ang Dragonblood density ng kaniyang sariling kapatid ay sapat para maging tanyag na Dragonblood warrior ito sa buong mundo matapos lamang ang ilang dekada ng pagsisikap.

"Nagpunta ako dito para ibahagi sa iyo ang magandang balitang ito. Ang sabi ng iyong ama ay kaming dalawa ang pinakamalakas ngayon sa bayan ng Wushan. Pareho kaming warriors ng sixth rank! Ang taas ng kasanayan namin ay hindi sapat para bigyan ng magandang edukasyon ang iyong nakakabatang kapatid. Isa pa, ang paraan ng pagsasanay ng angkan mo ay hindi rin malinaw." Naging seryoso ang mukha ni Hillman. "Kaya naman napagdesisyunan ng ama mo na ipadala sa 'O Brien Academy' sa O'Brien Empire ang kapatid mo para doon mag-aral. Sa makapangyarihang military na Imperyo, sa pinakamahusay na military na akademiya ay matatanggap ng kapatid mo ang pinakamainam na edukasyon."

Sinang-ayunan ni Linley ang puntong iyon.

Kung ang isang tao nga naman ay may natatanging pisikal na lakas pero kulang naman sa kasanayan at taktika ay gaya lamang ng isang malaki at tangang gorilya.

"Saglit." Napasimangot si Linley ng tingnan ang lalaki. "Uncle Hillman, ang tuition sa O'Brien Academy na iyan ay siguradong mataas. Kahit na siguro pinapayagan nilang libre ang bayad sa mga taga-sa kanila, walang duda naman na babawian nila ng mataas na singil ang mga taga-labas na estudyante." Malinaw pa rin kasi sa isip niya kung gaano kalaki ang ibinayad ni Reynolds noong admission sa Ernst Institute.

Tumango si Hillman. "Humigit-kumulang limang libong gold coins ang taunang tuition ng O'Brien Academy. Balak ng ama mo na ipasama kay Wharton si Housekeeper Hiri para may mag-alaga sa kaniya doon. Sa sampung taon, ang magagastos ay limampung libong gold coins."

Katumbas na yata iyon ng buong yaman ng angkan ng Baruch kapag ibinenta.

"Oo nga pala, Uncle."

Nagtatakang tiningnan ni Hillman si Linley habang inilalabas ng bata sa bulsa ang isang magicrystal card. Halatang nagulat ang lalaki. "Isang magicrystal card?" Dati kasi noong sundalo pa rin si Hillman ay nakakita na rin ang lalaki ng magicrystal cards noon.

"Linley, paano ka nagkaroon niyan? Maging ang ama mo ay wala niyan." Tiningnan ni Hillman si Linley ng may pagkagulat.

Hinawakan ni Linley ang kaharap saka sinabi, "Napanalunan ko ito sa isang mayamang batang natalo sa akin sa isang duwelo ng mahika. Tara na sa Golden Bank ng Apat na Dambuhalang Imperyo." Sa pagkakataong ito ay hindi na hinarangan ng guwardiya ang pagpasok ni Hillman dahil namukhaan nito si Linley na isa sa mga umalis sa Institute kaninang umaga.

Para kay Linley ay walang gaanong silbi sa kaniya ang sobrang perang ito. Kung magagamit niya ito para makatulong sa pamilya niya ay sapat na iyon sa kaniya.

...

Bayan ng Wushan, sa loob ng pangunahing bulwagan ng manor ng mga Baruch.

Malalim ang pag-iisip ni Hogg.

Dahil nagkaroon ang angkan niya ng isang inapo na may sapat na densidad ng Dragonblood, nararapat lamang na ang matanggap nito ay isang de-kalidad na edukasyon. Kahit na sila mismo ay mamalimos ay walang kaso iyon. Hindi na kailangan pa ng tanong-tanong!

"Kanino ko kaya ibebenta ang stone carving screen? Masyadong kuripot si Philip, hindi iyon magbibigay ng magandang presyo." Walang-tigil sa kakaisip si Hogg.

Nakakalula sa taas ang tuition na kailangan para maipasok sa O'Brien Academy si munting Wharton. Ang tanong ngayon sa isipan ni Hogg ay kung paano ibebenta ang mga ari-arian ng angkan para sa mataas na halagang iyon.

Maya-maya ay nakarinig siya ng mga yabag.

Pagkalingon ni Hogg ay nasabi niya, "Hillman, nakabalik ka na pala. Uh, ano ba iyang nasa balikat mo?"

Ihinagis ni Hillman ang sakong nasa balikat nito papunta sa sahig. Tumama sa sahig ang sako at lumikha ng mabigat na ingay. Walang duda na napakabigat niyon.

"Lord Hogg, pinakiusapan ako ni Linley na dalhin ito sa iyo." Binuksan ni Hillman ang lalagyan saka ibinuhos ang laman nito palabas. Isa-isang nagbagsakan sa sahig ang mga kulay-gintong sako at bumuo ng isang mababang burol doon. Ang tunog nga mga gold coins sa loob ng mga kulay gintong sako ay malinaw at rumaragasa.

Ang mga kulay-gintong sisidlan na ito ay galing lamang sa Golden Bank ng Apat na Dambuhalang Imperyo. Bawat lalagyan ay naglalaman ng isandaang gold coins.

"Gold coins? Napakaraming ginto. Mukhang mayroong humigit-kumulang sampung libong gold coins dito." Napatingin si Hogg kay Hillman. "Hillman, ang sabi mo ay ipinabibigay sa akin ni Linley ito?"

Matamang sinabi ni Hillman, "Sa pagsusuma, 9900 gold coins. Ipinakiusap ni Linley na ibigay ito sa iyo. Sa Ernst Institute daw kasi ay may isang mayamang estudyante ang nakipag-duwelo kay Linley at natalo, naipatalo rin ang sampung libong gold coins. Itinago ni Linley nung una sa isang magicrystal card ang pera pero ngayon ay iwinidraw niyang lahat."

Tanda pa rin ni Hillman ang mga sinabi ni Linley sa attendant ng Golden Bank ng Apat na Dambuhalang Imperyo. "I-withdraw lahat!"

"9900 gold coins? Kay Linley?"

Habang nakatingin sa munting burol ng mga ginintuang sako ay natahimik si Hogg.

0

Coiling Dragon Book 2 (Growing Up)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें