"Bakit Nga Ba Tayo Natatakot?"

2.3K 18 0
                                    

Bumibilis ang paghinga,
ang pintig ng puso,
sumisikip ang daluyan ng mga dugo, nagreresulta
nang pamumutla,
tensyonado ang mga kalamnan, nagtataasan ang mga balahibo,
nanlalamig, nauutal, hindi kumukibo.
Sa madaling salita, natatakot.

Bakit nga ba tayo natatakot?

Dahil ba nakondisyon ang utak sa makakapagpahamak, nakondisyon ang utak sa may mga masamang balak? Takot ka sa hindi kontrolado, takot ka sa hindi mo kabisado. Takot ka sa wala, takot kang walang magawa.

Takot ka sa hindi mo kakilala, takot ka dahil kilala mo na. Takot ka sa hindi mo pa nakikita, eh minsan nga mas nakakatakot kapag nasaksihan ng mga mata.

Hindi ka takot sa matataas na palapag, takot ka mahulog dahil wala kang pakpak. Hindi ka takot sa malalalim, takot kang malunod at sa pampang ay di makarating.

Hindi ka takot mag-isa takot kang nakikitang mag-isa. Dahil kapag mag-isa ka, kakaawaan ka nila, at iisiping sayo'y walang gustong sumama.

Hindi ka takot lumuha, takot kang nakikitang lumuluha, dahil maraming mag-uusisa, pag-uusapan ang problema.

Hindi ka takot sa madla, takot kang mapuna, takot kang mapahiya, ayaw mong magmukhang mahina.

Hindi ka takot magmahal, takot kang sumugal, dahil baka di na naman magtagal, kaya mas gugustuhin na lang maghintay.

Hindi ka magiging malakas kung palagi kang tumatakas. Hindi ka makakausad, kung sa kadiliman nakababad.

Ikaw ang gumagawa ng sariling mong multo, kaya wag kang magtataka kung hindi ka natututo. Hindi na aasenso, hindi na makakaalis sa puwesto. Hindi na, hindi na, hindi na natututo, hindi na umasenso, hindi na naging tao.

Hindi na naging tao. Dahil andito ka pa sa mundo pero ang buhay mo ginawa mo nang impyerno.

Ano? Hahayaan mo pa rin bang takot ang kumontrol sa'yo?

Pero takot nga ba ang nananaig sa'yo? o pagkabahala? Pagkabahala kung saan wala pa ngang panganib grabe na sa pag-aalala. Pagkabahala, kung saan wala pa naman ang problema agad nang nababalisa.

Dahil ang takot ay pangunahing mekanismo sa pagkaligtas ng buhay, nagaganap bilang tugon sa partikular na estimulo gaya ng banta o panganib na naghihintay.

Ang takot ay likas na emosyon, ang sinasabi mong takot ay baka isa lamang ilusyon.

Hindi masamang matakot, ang masama ay sa takot magpasakop. Kung saan lumiliit ang ginagalawan mong mundo, nagiging limitado. Nagtatago, ayaw mabigo, ayaw magpasaklolo.

Harapin mo ang mga ipinapagawa sa iyo ng uniberso, tandaan mo maraming aalalay sa'yo | lalo na sa mga sandaling hindi kinakaya ng puso.

Wag kang matakot mabigo, wag kang matakot sumubok ng bago, wag kang matakot tumayo sa entablado, wag kang matakot sa kritisismo, wag kang matakot maging iba, wag kang matakot ipaglaban ang tama, wag kang matakot unahin ang kapwa, wag kang matakot maniwala. Wag kang matakot dahil kung sakaling di umayon sa 'yo ang pagkakataon maraming beses ka naman pwedeng umahon.

At kung hindi talaga kaya, kung wala nang magagawa, itaas mo na lang sa Kanya. Dahil lahat ng pangamba ay gumagaan at kayang mawala kung kikilalanin mo lang ang kapangyarihan ng Dakilang Lumikha

Spoken PoetryWhere stories live. Discover now