Timmy

35K 458 4
                                    

                  CHAPTER ONE

LUMABAS ng silid ang batang si Timmy matapos nitong ayusin ang mga damit sa plastic drawer na inilaan ng nanay niya para sa kanya.  Walang tao sa sala.  Sumilip siya sa kusina, na isang display cabinet na gawa sa kahoy lamang ang nakapagitan mula sa maliit na sala ng bahay, wala ding tao.  Lumabas siya ng bahay.  Doon niya nakita ang tiyuhin na nakaumpok sa grupo ng mga lasenggo sa ilalim ng malaking puno.

“Tito Kaloy, nakita mo po ba si Nanay?”

“Namalengke ng makakain para sa hapunan.  Marunong ka bang maghugas ng pinggan?”

Tumango siya.  Sa murang eded ay maaasahan na siya sa mga simpleng gawaing bahay. 

“Hugasan mo ang mga pinagkainan sa lababo.  Tapos hanapin mo nga si Bimbee, pag-igibin mo ng tubig at pagsibakin mo ng panggatong.”

Bumalik siya sa loob ng bahay.  Hinugasan niya ang mga nagkalat na pinagkainan sa kusina, pati ang kaldero at kaserola na parang uling na sa itim ang puwet dahil sa kalan na de-gatong.  Sa bahay na pinanggalingan nilang mag-ina sa Olongapo City ay may kalan na de-gas at gripo, dito’y talagang buhay probinsya.  

Hindi man lang nakatapos ng high school ang nanay niya dahil nabuntisan ng nobyo at iniwan.  Sanggol pa lamang siya ay napilitan na itong magtrabaho para buhayin siya.  Iniiwan lamang siya nito noon sa kapitbahay. Dahil wala itong sapat na pinag-aralan ay nauwi ito sa pagiging GRO.

Husto lamang magtapos ang klase nang ibalita ng nanay niya na lilipat sila ng tirahan.  Ngayon ay dito na daw sila titira sa bahay ng panganay na kapatid nito kasama ng anak nitong lalaki. 

May dalawang maliit na silid sa bahay na ito at isang banyo na nasa likuran ng bahay.  Ang dingding nito ay gawa sa hollowblocks at walang kisame ang mababa nitong bubong.

Pagkatapos niyang magwalis sa kusina ay lumabas siya sa likuran para hanapin ang pinsan.  Ayon sa tiyuhin niya ay madalas itong naliligo sa patubig kaya nagpunta siya sa direksyon ng malawak na palayan. 

Ilang bahay din at malalaking puno ng bulak na nakahilera sa gilid ng daan ang nadaanan niya. 

Tinawid niya ang makitid na lupa na nagsisilbing tulay sa mahabang palayan hanggang sa makarating siya sa gitna.  Nilingon niya ang pinaggalingan.  Nasaang hukay  ka na ba naroroon, Kuya Bimbee? 

Mula sa kung saan ay may narinig siyang nagtatawanan at nagsisigawan.  Sinundan niya ang pinagmulang ng ingay.  Habang papalapit ay naririnig na niya ang malakas na lagaslas ng tubig mula sa irrigation pump.  Excited na tumakbo siya palapit.  Pagyuko niya sa hukay ay nakita niya ang ulo ng dalawang batang lalaki na lumalangoy.  Wow, swimming pool!         

“Kuya Bimbee!”

Sabay na napalingon ang dalawang bata. 

“Nyaaaa! Ano'ng ginagawa mo dito?”

“Pinapatawag ka na ni Tito Kaloy.”

“Oo, mamayang konti susunod na ako."

Malinaw ang tubig at mukhang hindi naman malalim kaya nae-engganyo siyang lumukso din at maligo.  Naaaninaw niya ang malalaking bato sa ilalim na parang sadyang inilagay sa paligid ng hukay para hindi bumigay ang lupa.

“Inggit ang bata!  Wala nito sa pinaggalingan mo, ‘no?”

“Puwede ba akong makiligo din, Kuya?”

“Halika na.  Ang dungis mo!”

Akma siyang maghuhubad ng suot na sando nang pigilan siya ng pinsan. 

“Hoy!  Ano'ng ginagawa mo?  Bakit ka naghuhubad?  Hindi ka ba nahihiya kay Third?”  Nanlalaki ang mga mata nito sabay nguso sa isa pang batang lalaki na nakatingin sa kanya.

Ngayon lamang niya ito napagtuunan ng pansin.  Sa tingin niya ay kasing-edad lamang ito ng pinsan.

“Paano ako maliligo?  Wala naman akong dalang damit.”

“Lumukso ka na dito dahil malapit nang gumabi.  Ang dami mong arte.”

“Hindi ako marunong lumangoy.”

“Ang dami mo namang problema!”

Maya-maya pa ay may naisip siyang paraan. Dahan-dahan siyang bumaba sa makipot na hukay na dinadaluyan ng tubig na nagmumula sa malalim na hukay patungo sa mga palay.  Nagkasya na lamang siya sa pagbabad ng munting katawan doon hanggang sa makaramdam na siya ng panginginig dahil sa lamig ng panghapong hangin.  Umahon siya at tumalungko sa damuhan, yakap ang mga binti.

“Sino siya?”  tanong ng batang lalaki na kanina pa pasulyap-sulyap sa kanya.

“Pinsan ko iyan.”

“Ano'ng pangalan niya?”

Hinarap siya ni Bimbee.  “Hoy, Pia, magpakilala ka nga kay Third.  Sa kanila ang malawak na palayan na ito kaya magpapaalam ka muna sa kanya bago ka maliligo dito.”

“Ako si Timmy,” tipid na sabi niya sa nangangatog na baba.

“Bakit Pia ang tawag niya sa ’yo?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Pia, as in piyatot,” sagot ng haragang si Bimbee, saka ito tumawa nang malakas.  “Para siyang naglalakad na walis tingting.” 

Halos maiyak siya sa pambubuska ng pinsan.  Tumayo siya para umuwi na.  Dahil maluwag na ang garter ng basang shorts na dumikit sa hita niya ay nahatak ito pababa nang bigla siyang tumayo.  Mabilis niya itong hinatak pataas, pero napansin na iyon ni Bimbee.

“Ahahaha!  Laglag salawal ng bata!”

Tuluyan na siyang napikon. Tinakbo niya ang daan pauwi.

Fall All Over AgainWhere stories live. Discover now