Tragedy

13.5K 296 1
                                    

CHAPTER FOUR

KASALUKUYANG nagpapa-baga ng kalan si Timmy sa likod ng bahay nang marinig niyang bumukas ang pinto sa harapan.

“Nanay, ikaw ba ‘yan?”  kinakabahang tanong niya.  Nalimutan niyang isukbit ang kandado ng pinto kaninang pumasok siya. 

Ang pinakamalapit nilang kapitbahay ay ilang metro pa ang layo, at kahit magsisigaw siya ay malamang na hindi siya mapansin ng mga ito.

“Ako nga.  Hindi na ako pumasok sa trabaho,” sagot nito.
Doon pa lamang siya nakahinga nang maluwag.  Sinilip niya ito at napansin niya na bago na naman ang suot nitong bestida.  Disente ang pagkakayari nito, hindi katulad ng mga isinusuot nito sa pagpasok sa club na halos wala na ring takpan.  Naisip niya na baka may bago na naman itong karelasyon. 

Muli siyang nanggatong ng tuyong kahoy sa kalan at pinaypayan ito nang malakas.  Ibinaling niya ang isip sa ibang bagay.  Tuksong pumasok sa imahinasyon niya ang mukha ni Third na nakangiti habang nakatingin sa kanya.

  Napahawak siya sa mga labi at napangiti.  Isang linggo pa lang ang lumipas mula nang huli silang magkita ng lalaki, pero sa tindi ng pananabik niya dito ay parang isang taon na ang nagdaan.

Naputol ang pantasya niya nang makarinig ng kaluskos mula sa likuran niya.  Napalundag siya sa gulat nang malingunan ang isang bulto sa gitna ng dilim.  Sisigaw na sana siya, pero mabilis itong nakalapit at natakpan ng palad ang bibig niya.

“Nasaan ang babaeng pumasok sa bahay na 'to?”  galit na tanong nito habang dahan-dahang inaalis ang kamay nito sa mukha  niya.

Nagtataka man ay tinawag niya ang ina.  Pagbungad pa lamang nito sa pinto ay hinablot na ito ng hindi inaasahang bisita.

“Punyeta kang babae ka!  Asawa ko ang nilalandi mo!  Buburahin ko ang pagmumukha mo!”

Hindi man lamang nagawang sumagot ng nabiglang si Mercedes.  Pilit itong kumakawala mula sa pagkakahablot ng babae sa mahabang buhok nito.

“Tama na po!  Parang awa na po ninyo,”  pilit na inaawat ni Timmy ang kamay ng estrangherong babae.

    Sa galit nito ay malakas siyang itinulak nito palayo.  Tumilapon siya sa ere at sumadsad sa mismong nagliliyab na kalan.  Dahil nakatihaya at nasaktan sa pagbagsak ay hindi siya agad nakabangon.  Patagilid na nagpahulog siya sa lupa.  Pero kinapitan na ng apoy ang manipis na T-shirt niya.  Nagsisigaw siya sa takot at sakit.  Nagpagulong-gulong siya sa lupa para patayin ang apoy.

Parehong natigilan ang nagpapang-abot na babae.  Patakbong dinaluhan siya ng nanay niya. Ang estranghero naman ay napaatras.  Bago ito tuluyang umalis ay binantaan pa nito ang ina niya.

   “Huwag lang magku-krus muli ang landas nating babae ka, dahil higit pa diyan ang mapapala mo.”

    Isinugod siya ng ina sa pinakamalapit na ospital sa bayan.  Dahil sa tindi ng mga sunog niya sa likod ay kinailangan siyang ipasok sa operating room para mabigyan agad ng lunas.

Nang magkamalay siya ay nasa ward na siya.  Ang nanay niya ay walang tigil sa pag-iyak at paghingi ng tawad dahil sa nangyari sa kanya.

“Hindi ko ginustong madamay ka sa gulong iyon.”

“Sino po ang babaeng 'yon, ‘Nay?”

“Siguro ay siya ang asawa ni...”

“Bakit kailangan mo pang makipag-relasyon sa may asawa?”

“Patawarin mo ako, Timmy.  Mahina lang ako.  Kailangan ko ng taong makakapitan para magkaroon ng lakas.” 

Wala siyang nagawa kundi intindihin na lang ang ina, na madalas niyang ginagawa. 

Nagtagal siya ng dalawang linggo sa ospital.  Ngayong puwede na siyang lumabas ay pambayad naman sa ospital ang problema nilang mag-ina.  Naghingi sila ng tulong sa Tito Kaloy niya, pero kulang pa rin ang iniabot nito.

“Dapat po kasi’y inilabas na ninyo agad ako dito.  Paano niyan, saan tayo kukuha ng pambayad?  Puro utang na rin kayo sa pinapasukan ninyong club.”

“Huwag kang mag-alala, makakaraos din tayo.”

“Ano po ang sinabi ng karelasyon ninyo tungkol sa nangyari?” 

Dahil doon ay tumulo ulit ang luha ng nanay niya.  “Siya nga sana ang inaasahan kong tutulong sa atin, pero hindi na siya nagpakita ulit sa tagpuan namin.”

Kinabukasan ay may maganda itong ibinalita sa kanya.  “Habang nakikiusap ako sa kahera ay may isang mama sa likuran ko na kumausap sa akin.  Matapos kong ikuwento sa kanya ang kalagayan mo ay nag-alok siya ng tulong,” masayang sabi nito.

“Ano naman daw ang kapalit?” nagdududang tanong niya.

“Bibigyan niya ako ng trabaho.  Ikakaltas na lang daw niya sa suweldo ko ang ipambabayad niya dito sa ospital.”

“Anong trabaho?”
“Mamamasukan akong kasambahay sa kanila.  Doon na tayo titira, Timmy.  Libre na ang tirahan at pagkain natin.”

Hindi niya alam kung matutuwa siya, o malulungkot o kakabahan sa balitang iyon.

Nang araw ding iyon ay nailabas siya ng ospital.  Ang mama na sinasabi ng nanay niya ay halatang mayaman, base na rin sa porma at kilos nito.  Ang edad nito ay siguro nasa kuwarenta pataas, at mukha namang mabuting tao.  Sinamahan sila nito sa bahay nila para hakutin ang mga damit nila.

  Minabuti nilang iwan na lang ang ibang kagamitan sa bahay at ipinagbilin iyon sa pinakamalapit na kapitbahay.

Sa loob ng higit isang taon ay naging simpleng katulong ang nanay niya sa malaking bahay ng mga Lacson sa lungsod ng San Fernando.  Siya ay nagpatuloy ng pag-aaral sa public school sa kabisera. 

Sa loob ng mga panahong iyon ay hindi niya nakita minsan man ang asawa ni Ted Lacson.  Ayon sa labanderang kasama ng nanay niya sa mansion ay hiwalay daw ito sa asawa.  Nasa America daw ang dating asawa nito at ang nag-iisang anak na babae.  Marami daw itong negosyo dito sa Pampanga, at likas itong matulungin sa mga mahihirap. 

Hindi na siya nagtaka nang minsan ay ipagtapat sa kanya ng  nanay niya na may lihim itong relasyon sa among lalaki.  Nakikita naman niya kung paano pagmasdan ng lalaki ang nanay niya, na maganda at sexy pa rin sa edad nitong treinta.  Kalaunan ay pinatigil na ito ng lalaki sa pagtatrabaho.

Isang taon pa ang mabilis na lumipas.  Lingid sa kaalaman ng lahat, pinakasalan na ni Ted ang  nanay niya.  Sobra ang saya niya dahil sa wakas ay liligaya na rin ito sa piling ng isang lalaking nagmamahal dito, sa kabila ng nakaraan nito at ng hamak nitong pagkatao. 

Sino ba ang makapagsasabing ito ay nanggaling sa ganoong buhay?  Sa tindig at ayos ng nanay niya ngayon ay hindi na ito pahuhuli sa mga socialites sa lugar na ito. 

Sa una ay wala siyang nakikitang problema dahil talaga namang mabait ang amain sa kanilang mag-ina.  Pinag-aral pa siya nito sa private school nang makatungtong siya sa kolehiyo.

Ang lahat ay nagbago nang umuwi sa Pilipinas ang anak nitong si Savannah. Nag-asawa ulit ang Mommy nito sa America at hindi nito kasundo ang Amerikanong stepfather nito.  Ngayong nandito ito sa Pilipinas ay lalong hindi nito matanggap ang uri ng babaeng ipinalit ng ama nito sa sariling ina.

Madalas ay sinasagot ni Savannah ng pabalang ang nanay niya.  Pero sadyang mahinahon si Mercedes dahil minsan man ay hindi nito pinatulan ang kagaspangan ng dalaga. 

Matanda lamang siya ng dalawang taon dito, pero dahil spoiled brat ito ay parang dose anyos lang ito kung umasta.  Naiintindihan naman niya kung bakit ganoon na lang ang animosity nito sa kanilang mag-ina.  Parang nakikipag-kumpetensya ito sa atensyon ng ama.  Lahat ng mayroon siya ay hinahangad nito sa kahit paanong paraan.

Fall All Over AgainWhere stories live. Discover now