Chapter 17

11.6K 297 27
                                    

NAGISING si Georgina dahil bigla siyang nainitan. Bumangon siya at kinapa sa may pinto ang switch ng ilaw.

Brownout? Pero nang mapatingin siya sa bintana, may bahagyang liwanag na naglalagos doon buhat sa labas. Binuksan niya ang bintana para sumilip. May ilaw sa poste ilang metro mula sa bahay. Pati iyong mga ilaw sa labas ng bahay na katapat nila ay may sindi.

Bakit kami lang ang walang ilaw? Isasara na uli sana niya ang bintana nang may marinig siyang nagsasalita. No, umungol. Iginala niya ang paningin sa paligid. Sa labas nanggagaling ang kakaibang sound. Parang nagsasalita iyon, pero sa sobrang lalim ng pinanggalingan ng tinig, parang ungol na lang iyon.

Napadako ang mga mata niya sa puno ng mangga na halos katapat ng kuwarto nila. May pigurang nakatayo roon. Naningkit ang mga mata niya sa pag-aninag kung ano iyon.

Ganoon na lang ang pagkamangha niya dahil hugis-tao ang nakikita niya. Pero hindi iyon basta tao, malaking-malaki at mataas na mataas na tao. Ang ulo at mukha niyon ay natatakpan ng mga dahon at isang parang malapad na sombrero.

Gumalaw ang isang kamay niyon. Napanganga siya nang makitang tila isang malaking sigarilyo ang tangan niyon, may sindi. Parang doon din nagmumula ang kakaibang ungol.

"Vicente! Enteng!" sigaw niya. Umungot si Mary. "Sshh!" alo niya rito at kinapa ang pinto. "Enteng!" tawag niya sa lalaki.

Narinig niyang bumukas ang pinto sa kuwarto nito. Pagkatapos ay ang yabag at tawag din nito.

"Georgina?" He sounded alarmed. Nakarinig din siya ng malakas na kalabog, pagkatapos ay—

"Ouch!" Nabunggo siguro ng kung ano ang lalaki.

"Enteng, biliss!"

"Bakit ba?"

Sa dilim ay kinapa niya ang bulto nito. Nahagip naman niya ang balikat nito. "May kapre sa labas! Bantayan mo si Mary. Pupuntahan ko iyon!" Pagkasabi niyon ay iniwan na niya ang lalaki. Kinapa uli niya ang pintuan pati ang mga kandado niyon.

"Anong kapre? Bakit ba blackout?" parang naguguluhang tanong ni Vicente.

"May kapre sa puno ng mangga, huhulihin ko!" Nabuksan niya ang pinto at mabilis na lumabas.

"Paano mo mahuhuli ang kapre?" ani Vicente na humabol sa kanya.

Dahil nga may ilaw naman sa labas, hindi siya nahirapang pumunta sa kinaroroonan ng puno. Wala na roon ang kapre.

"Hoy, kapre, nasaan ka?" tawag niya. Naramdaman niyang nasa tabi na niya si Vicente. Nilingon niya ito. "Kitang-kita ko riyan kanina 'yong kapre. Ang laki, may sigarilyo pa!"

Naaninag niyang kunot ang noo nito.

"Paano naman magkakakapre rito?"

"Basta, nakita ko. Nagsasalita pa nga, pero hindi ko maintindihan."

Halatang hindi ito naniniwala. "Bumalik na nga tayo sa loob—" Natigilan ito, hinagod siya ng tingin. "Biliss, pumasok ka na't baka may makakita pa sa iyo!" Halos itulak siya nito pabalik sa bahay.

Saka lang na-realize ni Georgie na iyong T-shirt lang pala nito ang suot niya at bikini briefs. Wala rin siyang sapin sa paa. Pero sa halip na mag-panic, napahalakhak pa siya nang mapagtanto rin kung ano ang ayos ni Vicente. Naka-briefs lang!

"Mas malaswa ka, 'no!" wika niya.

He groaned, realizing what he was wearing. Nauna pa itong pumasok sa bahay.

Bud Brothers Series Book 1: Stupid Cupids (Published by PHR, Completed)Where stories live. Discover now