Chapter 21

12.7K 324 1
                                    

 "I'M SO, so happy, anak. Akala ko, mawawala ka na sa akin." Kung hindi lang nangangamba si Georgina na mabalian si Mary, gustung-gusto na niya itong yakapin nang mahigpit. And of course, alam niyang marami pang pagkakataon ang darating para magawa niya ang ganoon dito.

Kagabi ay nag-usap sila ni Cheng sa hotel suite nito kaharap ang kanyang ama at si Lance. Kanina lang ay tumawag sa kanya si Lance, pauwi na raw ito sa Lian.

Bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto, sumilip ang makintab na noo ni George Yulo. "Pahiram nga sa tsinitang 'yan."

"Aayusin ko lang ang diaper, Dad," sabi niya. Giliw na giliw ito kay Mary. Kutob niya, ang malaking bahagi ng rason ay para makabawi ito sa hindi basta-basta pagtitiwala sa kanya. "There." Kinarga niya ang sanggol at ipinasa sa ama. "Dad, gusto ko sa Lian pabinyagan si Mary. Nandoon lahat ng ninong niya."

"Ang layo naman. Pero kung 'yan ang gusto mo." Tumango ito at idinuyan sa mga bisig ang bata. "Nasaan na nga pala yung abogadong kasama mo kahapon? Hindi ba babalik dito?"

"Umuwi na siya. 'Pag bumalik ako sa Lian, Dad, sumama ka sa akin para makita mo yung flower farm na sinasabi ko sa iyo."

Pero hindi sa farm interesado ang kanyang ama. "Boyfriend mo ba ang Lance na 'yon?" tanong nito.

Napatawa siya dahil halata niyang kakaiba ang simpatya nito sa lalaki. "Magkaibigan lang ho kami."

"Kapag niligawan ka, sagutin mo kaagad. Mukhang mabait, saka kasundo ko. Matalino."

"Parang ayoko nang mag-asawa, Daddy," wika niya.

"At bakit?"

"Masaya na ako kay Mary; at saka, marami pa akong gustong gawin. I want to start my own business. Kahit naman nangako si Cheng na susuportahan si Mary, ayokong maging totally dependent sa kanya."

It turned out na hindi naman masamang tao si Cheng. Sa pautal-utal na Ingles, sinabi nitong minahal talaga nito si Maying. Naniniwala naman daw ito sa kagustuhan ng kaibigan niya na iwan na sa kanya si Mary. Iginagalang daw nito ang kahilingan ni Maying. Ang gusto lang daw nito ay ang makita ang anak.

Hindi raw nito intensiyong manggulo. natakot lang ito na baka ilayo niya rito si Mary at hindi na nito makita pa. Pero bandang huli ay napag-isip-isip nito na mas dapat nga silang mag-usap nang maayos.

Humingi rin si Georgina ng paumanhin sa ginawa niyang pagtatakas kay Mary. Tinanggap naman iyon ni Cheng. Ang hiling lang nito ay huwag naman daw sana niya itong pagkaitan ng karapatang kilalanin ni Mary bilang ama, kahit maampon na niya ang bata. Sana naman daw ay bigyan niya ito ng kalayaang dalawin si Mary kung may pagkaka­taon ito.

Hindi naman kaya ng konsiyensiya niyang ipagkait iyon sa lalaki. Nakita naman niya ang pananabik nito sa anak. In fact, she was touched nang kargahin nito ang bata at halos maluha-luha pa habang hinahalikan si Mary. Si Mary man ay parang kilala ang ama, panay ang ngiti kay Cheng.

Alam niyang kapag nagkaisip na ito, kailangan na niyang ipagtapat na ampon lang niya ito, para hindi naman ito magtaka kung ano si Cheng sa buhay nito.

Isa pa, para na rin iyon sa alaala ni Maying. Gusto niyang kilalanin din ni Mary ang kaibigan niya bilang ina na nagluwal dito sa mundo, bagama't hindi na nito nakapiling. She would tell Mary all the wonderful things about Maying.

Sumungaw ang ulo ni Linda sa pintuan. "Ate, may naghahanap sa iyo, Mr. Banaag daw."

Ang kanyang daddy ang nag-react. "Si Lance. Halika sa ibaba, harapin natin." Nauna pa itong lumabas sa kanya. "Maghanda ka ng juice, Linda," bilin pa nito sa maid.

Bud Brothers Series Book 1: Stupid Cupids (Published by PHR, Completed)Where stories live. Discover now