13

44 6 0
                                    

Huling Sayaw

Ang hirap na kasi minsan kapag sobrang sakit na,
Umiyak man,
Magwala, alam nang hindi na sasapat pa.
Pagod ka na,
Ayaw mo na, pero wala kang magagawa.
Tiisin na lang,
Namnamin na lang, bawat hiwa ng talim ng mga kilos at salita nila.

Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy pa ring humihiling na sana—
May isang taong dumating o ‘di kaya‘y manatili na,
Panyo‘y nakahanda sa bawat pagpatak ng mga luha,
Kahit isang salita‘y wala, ngunit alam niyang puso‘y pasuko na.
Nais mapag-isa ngunit nais ring may kasama,
Nangungulilang puso‘y punan sana kahit yakap pa,
Maiinit na halik na siyang nagkukubli,
Nagniningas na apoy, kung maituturing ay isang pising nakatali.

Nakatali bawat pisi ng mga pusong uhaw,
Mga mata‘y namumugto habang tahimik na sumisigaw,
Mga kamay na unti-unting naghahanap ng kalinga‘t galaw,
Nagsasabing iaahon at aalalayan sa isang sayaw.

Haplos sa baywang ay tila isang apoy,
Nagniningas sa sobrang init, tila gumugunita sa isang panaghoy,
Ng pusong may pagnanasang sumabay sa saliw ng tugtugin,
Na siya ring magiging daan ng isang matagal nang mithiin.
Ngunit ilang minuto pa‘y biglang tumigil bawat indayog mo,
Maiinit na haplos mo‘y tila naging isa nang abo,
Unti-unting nanlalamig mga palad at damdaming sumisilakbo,
Bakit?
Teka, anong nangyari? Bakit iba na ang nasa bisig mo?
Sumabay naman ako sa tiyempo,
Dinama ko bawat ritmo‘t liriko nito,
Ngunit bakit paglingat ko,
Iba na ang kasayaw mo?

Tula ng hindi MakataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon