Kabanata 1

136K 1.8K 108
                                    

San Vicente- 1890

Ang aking puso ay tumatangis
Bakit ako ay iyong tinitiis?
Ang pag-ibig ko ba ay hindi mo na nais?
Kaya ikaw ay magpapari at aalis?

"Catalina," Sigaw ni ina mula sa ibaba.
Naiiling akong isinarado ang talaarawan na aking sinusulatan. Paano ako makakatapos ng isang tula kung palagi akong tinatawag sa ibaba?
"Bakit po, ina?" Tanong ko mula sa pintuan ng aking silid.
"Ikaw ay pumanaog at kami ay may sasabihin ng iyong ama," sigaw muli ni ina.
Ano na naman iyang pag-uusapan natin? Panginoon ko, sa loob ng isang linggo ay nag-usap kami ng hindi lamang iisang beses at ang mga Del Castillo lamang ang aming pinag-uusapan.

"Binibini, kayo ay pinapatawag sa ibaba ng iyong ama at ina," wika ng humahangos na muchacha.
"Si. Los escuche." (Oo, narinig ko.) Naiinis na sagot ko.
Mabilis na umalis ang muchacha nang maunigan ang aking boses na hindi natutuwa.

Nakangiti akong sinalubong ni ama nang ako ay pumanaog.
"Hija," wika niya. Inakay ako sa upuan na malapit sa aming hardin.
"Dumating na ang magkapatid na Nicolas at Patricio mula sa Espanya kanina lamang." Panimula ni ama. Muntik ng umikot ang aking mga mata.

Ang mga Del Castillo- mayaman at makapangyarihang angkan. Ang abuelo ng kanilang abuelo ay isang Peninsulares at binigyan ng kapangyarihan sa aming bayan. Hanggang ang kapangyarihan na iyon ay minana ng kanilang buong angkan. Lahi sila ng mga purong kastilla hanggang sa nakapangasawa si Ginoong Santiago ng isang Mestiza. Si Ginang Luciana Del Castillo y Dela Paz. Sila ang magulang ni Nicolas, Patricio at Isabella Del Castillo.

Kung tama ang aking pagkakatanda kay Nicolas, siya ang panganay na palalo. Ubod ng yabang at hambog sa katawan. Isa na marahil siyang arkitekto kung tama ang pagkakatanda ko sa mga usap-usapan sa bayan.

"Si Nicolas ay isa ng arkitekto," pagbabalita ni ina. "at si Paticio ay doktor naman."
At ang kanilang pinsan na si Mateo ay magpapari. Hay Panginoon ko, ang puso ko ay mabibiyak kapag iyon ay natuloy.
"Sa Sabado ay may pagtitipon sa kanilang tahanan at tayo ay dadalo," wika ni ama.
Siya nga?
"Dadalo rin ba sa pagtitipon ang buong San Vicente?" tanong ko. Kailangan ko ng impormasyon kung makikita ko doon si Mateo.
"Pili lamang ang dadalo. Ang mga makapangyarihan at may kaya lamang sa lipunan," sagot ni ama.

At sa kasamaang palad ay kasama kami sa may kaya sa lipunang angkan. Si Ama ay Mestizo at gayon din si ina. Malawak din ang aming lupain na taniman ng palay at iba pang mga gulay. Mayroon din kaming taniman ng tubo na ginamait sa paggawa ng asukal.

"Ang mga angkan ni Ginang Luciana marahil ay dadalo." Kunwari ay walang ganang wika ko.
"Marahil," sagot ni ina.

Noong isang araw ay nakatanggap ako ng liham mula kay Mateo. Nakikipaghiwalay siya sa akin at siya raw ay tinatawag ng Diyos upang maglingkod sa simbahan. Labis ang aking pagtangis dahil umasa ako na isang araw ay magkakalakas siya ng loob na hingin ang aking kamay sa aking ama. Oo nga at nakakaangat kami sa buhay hindi gaya ng kanyang pamilya, ngunit ang pag-ibig ay hahamakin ang lahat, hindi ba?

Lihim ang aming relasyon ni Mateo at sa liham lamang kami nakakapag-usap. Ang puso ko ay tumibok sa mga liham niya at matatamis na pangako. At dahil kaibigan ko si Isabella, ang bunso ng mga Del Castillo at pinsan ni Mateo sa ina, naringgan ko siya minsan na umaawit sa hardin nila Isabella ng minsan akong naparoon. Ang puso ko ay lumukso sa ganda ng kanyang tinig. Mula noon ay minahal ko si Mateo sa sulyap hanggang sa nakatanggap ako ng unang liham galing sa kanya at doon na nagsimula ang lahat.

"Ngayon, kailangan nating pumunta sa mananahi upang magpagawa ng bagong damit para sa iyo," wika ni ina na hindi papatinag.
"Ngayon na po?" Nagtatakang tanong ko.
"Kung ikaw ay kikilos sa iyong pagkaka-upo ay makakaalis na tayo. Hala... Lavantate." Si ina ay pilit akong pinatayo at inakay papunta sa naghihintay na karuwahe.

Bakit ba kailangan pa ng bagong damit? Hindi naman ang prinsepe ng Espanya ang dumating.

Iba ang sigla ni ina habang kausap ang mananahi. Iba ang kanyang ngiti at mukhang may mangyayaring hindi ko magugustuhan.

"Kay ganda naman talaga nitong si Catalina," wika ni Ginang Maria.
"Salamat. Inaalagaan namin ang kanyang kutis, Maria," sagot ni ina.
"Naliligo siya ng katas ng mga bulaklak at gatas ng kalabaw."
Hay ina, kailangan mo bang sabihin sa buong bayan ang aking ginagawa sa paliligo?
"Siya nga? Ay, kaya pala ang kinis ng balat," sagot ni Ginang Maria.
Tumango si ina. "Ang kanyang buhok ay alaga sa langis ng niyog."
"Marunong din iyang magluto at maari ng pakawalan sa buhay may asawa." Pagmamalaki ni ina.

Panginoon ko, ako ay narito ngunit kung pag-usapan ay parang wala ako sa kanilang harapan.

"Mapalad ang ginoo na iyong mapapangasawa," wika ni Ginang Maria na parang hinihingi ko ang kanyang opinyon.
"Iba pa rin na may alam sa kusina ang isang babae kahit na may mga tagalingkod." Dagdag niya pa.

Marahil ay wala akong magiging tagalingkod kung si Mateo ang aking mapapangasawa kaya inaral ko talaga ang mga gawain sa bahay. Sa lahat ng mga kapatid ni Ginang Luciana, ang ama ni Mateo na si Ginoong Matias ang walang kaya sa buhay. Iyon ang aming suliranin ni Mateo, ang katayuan ko sa lipunan ang siyang hadlang sa aming pag-ibig at ngayon nga ay nadagdag ang kanyang bokasyon.

"Nakita mo na ba si Ginoong Nicolas?" tanong ni Ginang Maria.
Nauwi na naman sa Del Castillo ang usapan. Kailan ba matatapos ang pagiging tanyag ng magkapatid na Del Castillo na ito?

One Last Wish- CompleteWhere stories live. Discover now