Kabanata 30

11.2K 600 11
                                    

Nagdahilan ako na masama ang pakiramdam upang makauwi na si Mateo. Hinatid ko siya sa labas ng bahay at hinintay makaalis bago ako lakas loob na nagtungo sa itaas upang tingnan kung ayos lamang si Nicolo.

Una akong nagtungo si silid-aklatan ngunit si Isabella ang nadatnan ko roon.
"Umalis na si Matt?" Tanong niya. Hawak ko pa pala ang mga bulaklak at hindi ko alam ang gagawin dito.
"Umuwi na." Sagot ko. "Maaari mo bang ilagay ito sa altar?"
"Sure ka? Ayaw mong ilagay sa kwarto mo?" Nanunuksong tanong ni Isabella.
Umiling ako at inabot sa kanya ang mga bulaklak.
"Ayaw mo lang magalit si Kuya Nico."

Napabuntong hininga ako.
"Ayaw kong magalit siya, totoo. Nakita mo ba ang mukha niya kanina ng papasok sa bahay?"
Natawa si Isabella. "Puntahan mo na nga. Nasa kwarto niya nagmumukmok."
Nag-aalinlangan ako. Iyon ay silid ng Ginoo kahit na nasa makabagong panahon na ako. Hindi pa rin tama na pumasok ako sa silid niya.
Umikot ang mga mata ni Isabella. "Maiwan ka na lang dito, ako na ang tatawag."
Tumayo siya at iniwan akong mag-isa sa silid-aklatan dala ang bulaklak.

Nakaupo ako sa sofa at hinihintay si Nicolo ng maisip ko na kailangan kong makausap ni tala. Marahil ay mamaya. Sana ay hindi ko siya maistorbo sa pagkain dahil tiyak na magagalit na naman iyon.

Sa lalim ng iniisip ko hindi ko narinig ang pagbukas ng pintuan. Naramdaman ko na lang na may tumabi sa akin sa sofa. Si Nicolo. Napatingin ako sa galos sa braso niya na namumula pa hanggang ngayon.
"Nilinis mo na ba ito?" Tanong ko sa kanya.
Naku Antonia, kakalbuhin kita.
"Okay lang, Muning. Nasaan ang manliligaw mo na ginagawa kang poon at may pabulaklak pang nalalaman?"
Natawa ako ng bahagya at binitawan ang braso niya.
"Pinauwi ko na. Ang sabi ko ay masama ang aking pakiramdam."
"Eh di babalik pa yun. Sana sinabi mo na may kasintahan ka na."

Mas lalo lamang akong natawa.
"Seryoso ako Muning. Huwag mo akong tawanan."
"Hindi kita tinatawanan. Natutuwa lamang ako sayo." Wika ko.
"Alam mo ba ang sabi ni Mateo sa akin kanina?"
Sumimangot si Nicolo. "Ayaw kong pag-usapan."
"Nadagdag na naman daw si Antonette sa listahan ng pinaiyak mo. Tunay bang may listahan ka?"
Napalaki ang mata ni Nicolo at saka humarap sa akin.
"Una Muning, wala akong listahan. HUwag kang naniniwala kay Matt. Pangalawa, ikaw ang huling babae sa buhay ko. Pangako."

Heto na naman ang kilig. Ngunit kasabay noon ay ang lungkot.

"Huwag mong sabihin iyan. Ako ay aalis din, Nicolo."
"Stop... Ayaw kong marinig." Pigil niya sa akin.
"Magmahal ka ng iba. Ngunit maari ba kapag wala na ako upang hindi ko makita?"
"Hay, sabi ng stop. Hinto na, Muning."
"Makinig ka sa akin." Humarap ako kay Nicolo at hinawakan ang mukha niya ng dalawang kamay ko upang hindi siya gumalaw-galaw.

"Ikaw ang makinig, Muning. Nagawa mong pumunta rito, hindi ba? Sa tingin mo pakakawalan kita ng ganoon lang?"
Umiling ako kay Nicolo. "Mahirap ang buhay sa panahon ko kung nasanay ka na sa panahong ito."
"Kanino ka humiling? Kay Tala? Ang sinasabi mong diwata?" Tanong niya.
"Naniniwala ka ba? Hindi siya isang diwata sa mga hindi naniniwala. Isa siyang kathang-isip sa mga taong ayaw siyang paniwalaan. Sa panahon namin, kakaunti ang naniniwala sa kanya. Mas lalo na siguro sa panahon na ito kung saan pati ang Diyos ay hindi na pinapaniwalaan." Paliwanag ko kay Nicolo.

"Ikaw ang isa sa pinakamagandang nangyari sa akin sa panahon na ito."
Naiinis si Nicolo na inalis ang dalawang kamay ko.
"Huwag kang magsalita ng ganyan. Para kang nagpapaalam. Basta sabihin mo kay Matt, kasintahan mo ako." Wika niya.
"Magsisinungaling ako?"
"Hindi ka magsisinungalin. Iyon ang totoo." Napipikon na sagot ni Nicolo sa akin.
"Hindi ka naman nanliligaw." Giit ko.
"Hay, Cat. Kung hindi lang kita mahal, sinakal kita." Wika niya.

Ha?

"Ano iyon?"
"Bingi...bingi ka." Sagot ni Nicolo.
Siya naman ang humawak sa magkabila kong pisngi at iniharap ako sa kanya. Diyos ko, kay lapit ng mukha niya.
"Ang sabi ko... Kung hindi lang kita MAHAL, sinakal kita." Pag-uulit niya. Pinakadiin ang salitang MAHAL.
"Kanina sabi mo..."
"Kalimutan mo ang sinabi ko kanina. Basta tandaan mong mahal kita. At..."
Pinigilan niya akong magsalita.
"...tandaan mo rin na mas gwapo ako kay Nicolas."
"Magkahawig nga kayo." Sagot ko naman.
Umiling si Nicolo. "Hindi. Mas gwapo ako doon. At mas matalino."
"Iisang angkan lang kayo nagmula." Katwiran ko.
"Huwag mo ngang ipagtanggol." Naiinis na sagot niya kaya natahimik ako.

Parang doon pa lang tumimo sa isipan ko ang sinabi ni Nicolo. MAHAL niya ako...

"Mahal mo ako?" Bulong ko sa kanya.
"Hay, ang Binibini ay hindi nakikinig. Maganda nga ngunit bingi." Sabi niya.
"Mahal kita. Okay na? Malinaw na?"

At ewan ko ba, kusang tumulo ang luha ko.

"Hala, Muning huwag kang umiyak." Niyakap ako ni Nicolo ng mahigpit.
Panginoon ko kay hirap naman nito. Kung magiging tapat ako sa sarili ko at aaminin na iniibig ko si Nicolo, saan kami hahantong? Galing kami sa magkaibang panahon. 

"Di ba dapat kinikilig ka? Bakit umiiyak ka?" Tanong niya na nagpaiyak lalo sa akin.
"Teka, may tula akong naisip para sayo." Pinunasan ni Nicolo ang mga luha ko.
Ako'y iyo at ikaw ay akin
Saksi ang bituin, buwan at hangin
Kung ako ay hihiling ay hindi sa tala
Kung hindi sa buwan, na bilog at dakila

Napatitig ako kay Nicolo.

"Hindi ko pa nga lang tapos." Nakangiting wika niya.

Narinig ko na iyan. Oo, natatandaan ko iyan. Iyan ang tula na tinatangay ng hangin noon. Noong humiling ako kay Tala.

"Marami ng humihiling sa Tala. Sa bilog na buwan naman ako hihiling." Sabi niya.
"Sa ilalim ng puting ilaw. Sa bilog na buwan, Muning." Natatawang wika niya.

Bakit mapaglaro ang kapalaran? Ngayon ko gustong pagsisihan ang hiling ko kay Tala. Gusto kong hilingin na sana hindi na ako bumalik sa panahon ko. Gusto kong maniwala na kaya akong mahalin ng tunay ni Nicolo.

One Last Wish- CompleteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon