Rosa

9.3K 14 1
                                    

Kaibigan ko si Rosa. Matalik ko siyang kaibigan dahil siya talaga ang napili ko noon. Napakaganda kasi niya kaya lagi ko siyang sinusundan. Hanggang sa naging mabait siya sa'kin dahil na rin lagi kaming magkasama. Doon na nagsimula ang adventure. Tuwang tuwa ako kasi marami ang nakakapansin sa akin nang dahil sa kaniya. Lalo na ang mga gwapong lalaki na nagpapapansin lang kaya pati ako madadamay. Sa ganda kasi ni Rosa, hahabol at hahabol talaga ang mga lalaki kaya minsan ako pa ang nagiging tulay ng mga manliligaw niya. Ang mga hindi ko dapat maranasan na makausap ang mga gwapo ay nagagawa ko dahil kay Rosa. 

Actually, gusto ko ngang magkaboyfriend siya para may kasama naman kaming gwapo kapag gagala. Okay lang naman sa'kin na makipagdate siya nang hindi ko alam basta ba hindi niya ako kakalimutan. Isama niya parin ako kahit man lang paminsan minsan para ma-enjoy ko naman ang bawat sandali na makasama ang isang tao na hindi ko makakasama kung hindi dahil kay Rosa.

Tanggap ko naman na hindi ako kagandahan kaya tanggap ko din na walang pumapansin sa'kin at si Rosa ang kadalasan na mapansin at nadadamay lang ako. Tapat siyang kaibigan sa'kin dahil ayaw na ayaw niyang may mang-aapi sa'kin. Inaaway niya talaga. Lalo na ang mga lalaking malakas mang asar. Tanggap ko naman na siya talaga ang bida sa'ming dalawa kasi ginusto ko naman ito. Ang magkaroon ng kaibigan na kahit saan kami pumunta ay pagtitinginan talaga. Minsan tinatanong ko ang sarili ko, masaya ba ako na ganito kami? 'Yung tipong dapat sana mapansin ako, dapat sana makita nila kung sino ako at magpakatotoo man lang na hindi dawit si Rosa. Lagi talaga siya ang sentro kapag kami ang magkasama.

Unti unti, napag isip isip ko na layuan siya. Gusto kong bumuo ng sarili kong imahe. Lagi kasi akong makadikit sa kaniya kaya wala na yatang nakakakilala kung sino talaga ako dahil nasa anino lang ako ni Rosa. Napansin din naman ni Rosa na lumalayo ako. Hindi ko mapagtapat sa kaniya ang totoong dahilan dahil nakakahiya. Alam ko na ang sasabihin niya na huwag kong intindihin ang iba. Ang mahalaga, masaya kami at balang araw ay magkakaroon ng asawa.

Magkasama parin kami pero hindi na talaga tulad nang dati pinipilit ko siyang lumabas para mapansin ako. Nag-iba na ang gusto ko. Tanggap ko naman na maganda siya pero baka nakakasira din ako sa kaniya. Kaya kung may lakad siya'y hindi na ako madalas sumama.

Hanggang sa nakilala ko si Terrence. Ang lalaking nagpatibok ng puso ko. Na-in love talaga ako kasi ang bait bait bait niya. At may chance na maging kami dahil ang gusto daw niya sa babae 'yung mabait at hindi siya lolokohin. At imposibleng hindi niya makilala si Rosa dahil magkaibigan kami. Pinakilala ko siya kay Rosa labag man sa loob ko. Wala naman akong karapatan kay Terrence dahil hindi naman siya nanliligaw. At alam kong gusto siya ni Rosa dahil bukod sa gwapo siya ay mabait pa. Nakita ko na naging close sila kaya sobrang nalungkot ako. Hanggang pinagtapat sa'kin ni Rosa na nahulog na ang loob niya kay Terrence. Ganito pala ang kapalit ng lahat. Sa kagustuhan kong mapansin ng mga tao ay lalo akong nawalan. Hindi ko naisip na magmamahal ako balang araw. Naging sila na nga kasi imposible naman na hindi siya magustuhan ni Terrence. Pero bakit si Terrence pa?

Saka ko naisip lahat ng lalaki basta kasama ko si Rosa ay si Rosa talaga ang pipiliin kaya hindi na dapat ako magtaka kung sa halip na sa'kin ay kay Rosa napunta ang atensyon ni Terrence.

Ang sakit sakit. Hindi ko matanggap na ako ang una pero kay Rosa ang bagsak niya. Umiyak talaga ako dahil si Terrence naman ang may kasalanan kung bakit ako na-in love sa kaniya. Pinakitaan niya ako ng kabaitan sa kabila ng hindi ako kagandahan. Kailan pa ako makakakita ng magmamahal sa'kin kung laging nandiyan si Rosa. Dapat may pag-asa sana na kami ni Terrence ang magkatuluyan dahil hindi naman siya mapili, nagkataon lang na may choice siya dahil mabait at maganda si Rosa.

Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng boyfriend at gusto nila akong isama sa lakad nila. Hindi nila maramdaman na nagseselos ako. Hindi nila inisip na may damdamin din ako. Ang nakikita lang nila ay 'yung ugali kong mapagbigay sa kaibigan, hindi nila napansin na posible din na ma-in love ako kay Terrence. Kasi akala nila, alam ko sa sarili kong hindi kami bagay ni Terrence. Totoo naman pero hindi ko parin matanggap na nasasaktan ako dahil mas pinili niya ang mas maganda.

Ayoko na. Ititigil ko na ang pagkakaibigan namin ni Rosa. Sawang sawa na ako sa nangyayari. Tanggap kong mas napapansin siya pero sobra na. Mali ako inaamin ko at nagsisisi na ako kung bakit ko pa siya kinaibigan na hanggang ngayon hindi ko parin alam ang dahilan kung bakit gusto niya akong kasama. Baka nga dahil para siya ang mapansin kung magkasama kami.

Ayoko na kaya pinilit niya akong magtapat kung bakit lumayo na ako nang tuluyan. Ayokong sabihin ang dahilan dahil alam ko na ang kasagutan. Isa akong estupido dahil sa kinikilos ko. Hindi dapat ako naiinggit pero hindi ko alam ang magiging reaksyon niya kung sasabihin ko ang totoo. At ayaw kong sabihin dahil baka umiwas na siya nang tuluyan at sabihing "tanggapin ko ang katotohanan" kahit gusto ko na talagang iwasan niya ako. Ayokong malaman nila na kaya kami naghiwalay magbestfriend ay dahil sa lalaki. Ililihim ko na lang.

Hanggang sa kinausap niya uli ako. Hindi ko na kinaya dahil naiinis na ako sa kaniya. Sinabunutan ko siya, sinaktan at pinagsalitaan ng masasakit. Pero hindi ko parin inamin na nagseselos ako. Wala na siyang nagawa kundi umiyak dahil wala akong mapakitang magandang dahilan kung bakit ko siya iniwan.

Hanggang sa tinigilan na niya ako. Saka ko naalala ang mga masasayang ala-ala namin. Pero hindi sapat ang mga ala-ala para mapatawad ko siya o makipag-ayos sa kaniya. Hanggang sa nagkaroon ako ng isang panaginip.

Nagkabaliktad kami ni Rosa. Ako ang maganda at si Rosa ang hindi pinapansin. Pinadama sa'kin ng aking panaginip na ako ang sentro ng lahat at si Rosa ay kasa-kasama ko lang. Tuwang tuwa ako sa panaginip ko at sa panaginip kong iyon ay iniwan ako ni Rosa dahil may minahal akong lalaki. Naalala ko sa panaginip ko ang nakaraan namin kaya alam ko ang dahilan kung bakit siya lumayo. Naawa ako sa kaniya. Awang awa at ako naman ay hindi ko alam ang gagawin ko. Alam ko kasing isang lalaki lang ang minahal namin at nasasaktan siya nang walang kalaban-laban. Umiyak ako dahil pakiramdam ko'y ang sama-sama kong tao hanggang nagising ako. Nagpasalamat ako't panaginip lang ang lahat dahil mas pipiliin ko talagang masaktan kaysa makasakit ng tao. Sa panaginip ko, nasasaktan parin ako dahil nakasakit ako ng kaibigan na hindi ko sinasadya. Paano na lang pala kung hindi ko alam ang dahilan ng pag-iwas ni Rosa? Masakit sa'kin na mawalan ng kaibigan dahil lang sa walang kwentang bagay.

Tumakbo ako at nagpunta kay Rosa. Nakipag-ayos ako sa kaniya. Naisip kong magiging sila na ni Terrence at pagkatapos nun ay wala nang ibang lalaki na manliligaw sa kaniya. Ang sarap sa pakiramdam na natanggap ko na ang lahat. Ako lang pala ang kalaban ng sarili ko. Hindi ang mga pumapansin kay Rosa. At marami na pala akong pinalampas na pwedeng magmahal sa'kin pero hinayaan ko lang dahil nasanay ako sa kapaligiran na kasama si Rosa na mga gwapo ang pumapansin.

Lahat tayo ay pantay pantay. Totoo 'yan kaya walang swerte pagdating sa pag-ibig. Maraming nasasaktan diyan dahil hindi naman tayo lahat perpekto. Lahat tayo ay pantay pantay sa paningin ng Diyos kaya pantay pantay din tayo sa pagpili ng itsura ng mamahalin. Hindi pwedeng ikaw ang paboran ng Diyos at ibigay Niya sa'yo ang mas sobra dahil malulugi ang taong mamahalin ka kung sa'yo pabor ang lahat. Kailangan din natin na pumabor sa tao at hindi tayo ang laging papaboran. Tignan muna natin ang kalagayan ng iba bago tayo magalit dahil kung puro sarili mo lang ang iisipin mo ay magagaya kayo sa'kin na may mamumuong galit na hindi magpapatahimik sa inyo sa matagal na panahon.

End..

One Shots CollectionWhere stories live. Discover now