Simula

16 1 0
                                    

Dalawampung minuto na ako dito sa restaurant. Bagama't kinakabahan, nagagawa ko pa ring ngumiti sa bawat restaurant crew na lumalapit sa akin upang kunin ang order ko. Ilang beses ko na ring sinabi sa kanila na may hinihintay lang ako.

Panay ang tingin ko sa aking cellphone upang alamin kung may mensahe ba si Arthur. Tumawag siya kanina at sinabing magkita kami ng alas siyete ngayong gabi. May mahalaga daw siyang sasabihin sa akin na di na makakapaghintay hanggang bukas. At iyon ang nagbibigay kaba at tuwa sa akin.

Sa loob ng apat na taong relasyon namin ni Arthur, palagi kong inaasam na ayain na niya akong magpakasal. Lahat naman siguro ng babae nangangarap na makapagsuot ng wedding gown at lumakad sa altar patungo sa lalaking gusto niyang makasama habambuhay.

Wala na akong ibang mahihiling pa. Para sa akin, si Arthur ang ideal man ko. Bukod sa may itsura, mabait, mapagmahal at may pangarap sa buhay si Arthur. Ako ang priority niya. Ni minsan, hindi niya ipinaramdam sa akin na mag-isa ako. Palagi siyang nariyan kahit hindi ako perpektong girlfriend. Puno ako ng imperfections, pero minahal niya rin mga iyon. Sabi nga niya, "Hindi ikaw si Alex na mahal ko kung hindi ka tampuhin at inaatake ng PMS minsan."

Napangiti ako sa isiping iyon. Naalala ko bigla kung paano niya ako suyuin sa tuwing nagseselos ako. Wala talaga siyang kinakausap na kahit sino, lalo na ang mga babae niyang kaklase. Naalala ko rin kung gaano siya nalungkot noong hindi ko siya pansinin ng ilang araw.

Makalipas ang ilang minuto, nakita ko na si Arthur sa may entrance ng restaurant. Itinaas ko ang aking kanang kamay at kumaway sa kanya. Nakita naman niya agad ako at dali-dali siyang lumapit sa akin.

He kissed me on the cheek and whispered, "I'm sorry to keep you waiting, Babe. Heavy traffic pa rin ang kalaban."

"It's okay. Nandito ka na naman," ngumiti ako.

Tinawag na niya ang waiter at ibinigay ang order namin. Masaya kaming kumain habnag nag-uusap. Kahit parang stressed ang itsura ng boyfriend ko, panay ngiti naman siya kaya hindi ko na lang pinansin. Baka overthinking lang ako.

"So, Babe, ano pala 'yong mahalaga mong sasabihin?" excited kong tanong.

Natigilan siya at ngumiti nang bahagya. "May pupuntahan tayo ngayon, Babe." Bumilis ang tibok ng puso ko ngunit hindi ko ipinahalata sa kanya ang kaba ko.

Sinuklian ko iyon ng isang matamis na ngiti. Mukhang kalmado ako sa panlabas, pero ang totoo ay nais nang magwala ng puso ko.

Nagtungo kami sa isang pamilyar na lugar. Walang gaanong tao dahil gabi na. Maganda sa paningin ang ilaw ng paligid. Kaysarap din sa pandinig ng mga ingay ng sasakyan. Wirdo man para sa iba, pero hindi ako naiirita sa tunog ng mga sasakyan.

Tila bumalik kami sa nakaraan kung saan kami unang nagkita ni Arthur. Gabi rin noon at nagkasalubong kami dito sa overpass sa labas ng mall.

Hinawakan niya ang kamay ko at tumingin nang diretso sa aking mga mata. "Naaalala mo ba kung anong meron sa lugar na 'to?"

Tumango lang ako bilang tugon. Pakiramdam ko babagsak na ang mga luha ko anumang oras pero pinipigilan ko iyon.

Ayokong mag-expect pero di naman nakikinig ang puso ko sa totoo lang.

"Para sa ibang tao, normal lang na may makasalubong tayo araw-araw. May dumaan man, simpleng dumaan lang sila. Pero sa kaso natin, iba eh. Hindi pwedeng hayaan lang kitang dumaan sa harap ko." Pagkasabi no'n ay muli niyang tinanaw ang kalsada sa baba ng overpass.

"Noong araw na 'yon, apat na beses tayong nagkasalubong. For me, that's fate. Ibinigay ka sa akin. We were strangers back then... but look at us now."

Pakiramdam ko talaga bibigay na ang tuhod ko. Ang sarap sa pandinig ng mga sinasabi niya.

Humigpit ang hawak niya sa kamay ko. "Dati, pangarap ko lang na maging successful sa buhay. Ngayon, tanging ikaw na lang ang pangarap ko," dugtong pa niya at sabay kaming natawa nang mahina.

"Alam kong marami pa akong pagkukulang sa'yo, pero sana hayaan mo akong punan lahat ng iyon."

This time, hindi ko na kinayang pigilan pa. Nag-unahan na sa pag-agos ang mga luha kong kanina ko pang iniipon. Alam ko na ang kasunod nito, pero parang hindi pa rin ako makapaniwala.

"Maraming salamat dahil binuo mo ang buhay ko. Salamat sa totoong pagmamahal na ipinaranas mo sa akin.

"Salamat sa paglalagay ng ngiti sa aking mga labi.

"Salamat sa kakulitan mo dahil nagulo ang boring kong buhay."

Dahan-dahan siyang lumuhod habang lumuluha. Di ko na alintana ang pailan-ilang taong dumadaan sa overpass. Gusto ko lang damhin ang tagpong ito.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Sobrang saya na sobrang kaba. Bagama't umiiyak ay pinipilit ko pa ring iayos ang itsura ko.

"Babe, will you marry me? Will you be my Mrs. Alexa Ortiz?" patuloy ako sa pagluha na parang sira. Hindi ako makapagsalita nang maayos kaya tanging tango na lang ang naging tugon ko sa kanya.

Ngumiti siya at dali-daling isinuot sa akin ang singsing na kanina niya pang hawak. He stood up and hugged me tight. Niyakap ko rin siya nang mahigpit.

Noon ko na-realize na umiiyak na rin si Arthur. Umiiyak ang lalaking mahal na mahal ko. Pero masaya ako dahil hindi dahil sa lungkot kaya siya umiiyak.

"I love you, Alex. Thank you. Sobrang saya ko. Mahal na mahal kita," bagama't umiiyak ay nagawa niya pa ring makapagsalita nang maayos.

"I love you, too. Sobrang mahal kita Arthur. Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya ngayon. I can't believe that we're now engaged."

Dati, natatakot ako na baka wala talagang plano si Arthur na pakasalan ako dahil ni minsan, di namin napag-usapan ang bagay na ito. Pero ngayon, sobrang saya ko dahil nasabi na niya ang magic words na matagal ko nang hinihintay.

Nanatili kami sa ganoong posisyon. Kahit malamig ang simoy ng hangin, wala kaming pakialam. Ramdam ko ang tibok ng puso naming dalawa. Walang mapaglagyan ang kasiyahang nararamdaman ko ngayon. Ganito pala ang pakiramdam. Para akong nanghihina pero di maikakailang sobrang sarap sa pakiramdam.

Ito na ang hinihintay kong simula ng "happily ever after" naming dalawa ni Arthur. Napakasaya ko sapagkat dininig Niya ang panalangin kong matagpuan na ang taong nararapat para sa'kin.

Kaya ngayon, anuman ang dumating sa aming dalawa, sabay namin iyong haharapin nang magkasama. Dahil natagpuan ko na ang forever ko, nasisiguro kong magiging masaya ang future naming dalawa.















Are We on the Same Page?Where stories live. Discover now