Chapter 4

149 18 3
                                    


Madilim pa pero naglalakad na ako papunta sa kanto. Malamig kaya nagsuot ako ng jacket at nagdala ng isang lot bag kung saan ko nilagay ang mga snack at tubig. Ang sabi ni Donny, susunduin niya ako sa kanto sa may malaking factory malapit sa compound namin. Nakabukas naman ang ilaw ng poste kaya hindi na ako masyadong nangamba. Suot ko rin ang rosaryo na binigay ni Mama noong isang buwan. Hindi naman ako nagrorosaryo pero para daw sa protection kaya kailangang suotin.

Tahimik akong tumayo sa ilalim ng waiting shed. Dalawang oras pa bago mag-alas sais. Wala namang upuan kaya walang choice kung hindi maghintay nang nakatayo. Humikab ako at niyakap ang sarili. Maya-maya pa ay may ilaw na papalapit sa puwesto ko. Napapikit ako at iniharang ang palad sa mukha.

Biglang huminto ang sasakyan sa tapat ng shed.

"Donny, mabuti naman at -"

Umibis sa sasakyan ang isang hindi ko kakilalang lalaki. Malaki siya at nakasuot ng shades. Pasuray-suray siyang naglakad papalapit sa akin. Napaatras ako.

"Miss, ano ngang pangalan mo?" nakangisi niyang tanong. Tinuro niya ako pero dahil lasing ay hindi mapirmi sa iisang direksyon ang daliri niya. Pinili kong hindi umimik at maglakad paalis sa waiting shed. Pero bigla niyang hinigit ang braso ko at inilapit ang katawan ko sa kaniya. "Tinatanong kita, Miss!"

"Kuya, b-bitiwan mo ako."

Nagpumiglas ako pero hindi niya ako binitiwan. Akmang sisipain ko siya nang may humawak sa kamay niyang mahigpit na nakahawak sa braso ko.

"Pre, mukhang mali yata ang kinakanti mo."

Bumaling ang lalaking lasing sa bagong dating. Namungay ang mga mata nito habang tiningnan ang huli. Mukhang nawala ang interes ng lasing sa akin kaya hinablot ko ang braso at mabilis na umalis. Bawat hakbang, palaki nang palaki.

Napatalon ako nang may humintong sasakyan sa tapat ko. Bumaba ang glass window ng Fortuner at nakita ko si Donny na nakakunot ang noo. "Sakay na."

Mabilis kong tinahak distansiya at sumakay. Tumakbo ang sasakyan palampas sa waiting shed pero bigla iyon huminto ilang metro ang layo rito. Sinigawan ni Donny ang lalaking tumulong sa akin at agad itong tumakbo papunta sa amin. Sumakay siya at pinaharurot ni Donny ang sasakyan.

Ilang minutong natahimik ang loob bago nagsalita si Donny. "Kung bakit kasi ang aga mo roon."

"Ayokong nali-late."

"Kaya ka napapahamak, e."

Napanguso ako. "Sino kasing hindi nagbigay ng number?"

Natahimik siya. Umismid ako at binaling ang tingin sa labas ng bintana. May nakikita na akong liwanag sa malayo, ibig sabihin, mag-uumaga na. Nagbaba ako ng tingin sa relo at nakitang malapit nang mag-alas cinco y medya.

"Saan nga tayo ngayon?" tanong ni Donny habang nililiko ang sasakyan sa sentro.

"Sa Fushia. Doon sa gubat malapit sa dagat."

"Ok."

Natahimik na naman. Naghikab ako at sinandal ang ulo sa headrest. Pinikit ko ang mga mata para sana magmuni-muni pero nakatulog lang ako.

Minulat ko ang mga mata nang maramdaman kong may yumuyogyog sa akin. Nakita ko si Donny na nakakunot na naman ang noo.

"Bilis. Tumayo ka na riyan at nandito na tayo. Bakit kasi inako pero tulog-tulog lang pala sa service."

"Anong sabi mo?" Naningkit ang mga mata ko sa kaniya.

"Wala. Tara na."

Nauna na siyang maglakad paalis. Inayos ko ang sarili bago umibis sa sasakyan. Nakita ko naman si Donny na lumingon sa akin at may pinindot dahilan nang biglang pag-ingay ng sasakyan.

River Flows in You (Complete)Where stories live. Discover now