Chapter 10

104 6 1
                                    

Tahimik ang buong Tyrant simula nang maaksidente si Sidine. Nakakabahala nga. Nabagok daw ang ulo niya at hindi pa nagkakamalay hanggang ngayon. Almost two weeks na siyang nandoon sa hospital. Gusto ko sanang dumalaw kaya lang palapit na ang intramurals at ako ang piniling representative ng 4D.

Naging mahigpit na rin si Mama sa akin lalo na't bali-balita sa sentro ang pagkawala ng isang estudyante ng TKA - Main Campus. Kaya naman, pina-transfer agad ni Tito Gerald si Donovan para bantayan ako at ngayon, aaligid-ligid na siya sa akin.

Sa katunayan, katabi ko siya ngayon sa canteen. Wala si Cara at Zion dahil dumalaw kay Sidine sa hospital. Gusto ko sanang sumama pero hindi ako nakaligtas sa mga mata ni Donovan. Bantay sarado ako.

"Gusto mo ng spag?" tanong niya.

"Hindi ako kumakain niyan."

"Juice? Baka may gusto kang inumin?"

"Ayos na ako sa buko juice. Saka, pwede bang umusog ka nang kaunti? Masyado ka nang malapit. Baka ano pang sabihin ng iba."

"Kapatid naman kita."

Umismid ako at tumahimik. Hindi ko talaga alam kung nang-aasar siya o ano. Marami siyang sinasabi na hindi ko gusto. Pilit pa niyang sinisiksik sa pandinig ko na magiging kapatid ko raw siya. Aba, alam kong magiging kapatid ko siya balang-araw. Hindi na niya kailangang ipamukha sa akin.

Natigilan ako nang may bigla na lang umupo sa upuan na nasa tapat ko. Nag-angat ako ng tingin at nagtama ang paningin namin ni Hanson. Seryoso siya at madilim ang awra.

"Sino 'yan, Sera?" tanong niya.

Nakita ko sa gilid ng mata ang pagngisi ni Donovan. "Donovan. May gusto kay Sonya Cetera."

Nanlaki ang butas ng ilong ko at pinaningkitan ko ng tingin si Donovan. "Ano bang sinasabi mo riyan?"

Natawa siya. Bigla niya akong inakbayan. "Magiging kapatid ko na pala 'to, pre. Ikaw, sino ka?"

Tumitig lang si Hanson sa akin bago walang imik na umalis. Ano bang problema ng lalaking 'yon? Napapansin ko rin na palagi niya akong sinusundan. At kahit hindi niya pinapahalata ay alam na alam kong palagi niya akong tinititigan. Sumusulpot lang siya para magpakita kapag nasa paligid ko si Donovan.

Naku naman, ayaw ko sa lahat ang stalker.

Nagpunta ako sa gym matapos ang klase. May practice raw kami para sa Mr. and Ms. Intramurals. Hindi ko talaga gusto ang sumali, pero naalala kong kailangan ko 'to. Para maging maganda, at para maging babae naman minsan. Palagi kasing sinasabi ng mga kapitbahay namin sa compound na baka walang magkakagusto sa akin dahil hindi ko hilig ang magpaganda.

Walang magkakagusto? E, bakit aaligid-ligid 'yong Donovan at Hanson na 'yon? Hay. Hindi ko sinasabing may gusto nga sa akin si Hanson, pero sa ginagawa niya, malamang ay mag-a-assume talaga akong may gusto 'yon sa akin.

Hindi ako assumera, pero hindi rin ako b*** para hindi malamang may pinapahiwatig si Hanson. Teka, bakit ko ba iniisip si Hanson? Hay.

Nilibot ko ang tingin sa gym, at nakita ko ang ilang grupo ng babae at lalaking nagkukumpulan sa gilid. Lumapit ako at nagpakilala sa kanila.

"Sonya Cetera ng 4D. Ito ba 'yong line-up ng contestants sa Mister and Miss?"

Tumango 'yong babaeng tinanong ko. "Hinihintay pa namin 'yong coordinator. Maupo ka muna. Nasa'n ang partner mo?"

"Ah, absent."

Nagbaba ako ng tingin sa relo. Almost 4 P.M. na. Napalingon ako sa entrance ng gym nang may marinig akong mabibilis na yabag. Nakita ko si Donovan, at may kasama siyang isang babaeng maganda. Ngayon ko lang nakita ang babae, baka transferee din.

Huminto sila sa harapan namin. Ngumiti si Donovan at kumaway. "4B. Ito ba 'yon?"

Tumango na naman 'yong babaeng tinanong ko kanina. Tinuro nito ang kasama ni Donovan. "Partner mo?"

"Oo. Si Angelie." Tumingin si Donovan sa akin. Mukhang nagulat pa siya, at maya-maya pa'y napaikhim. "Kasali ka pala, Cetera."

Hilaw na lang akong ngumiti sa kaniya at nag-iwas ng tingin. Nasalubong ko ang tingin ni Hanson. Sandali, papunta siya sa gawi namin. Kasali rin siya?

Nakatitig lang siya sa akin hanggang maabot niya ang gawi namin. Doon lang niya iniwas ang tingin sa akin. Umikhim siya at tumingin sa babaeng tinanong ko kanina. "Umuwi na si Rubia, Carlyn."

"Ha? Paano 'yan? Walang representative na babae sa 4C?"

Tumingin si Hanson sa akin. "Baka pwede si Sera."

Nangunot ang noo ko. "Bakit ako? May partner ako."

Ilang minutong tumitig sa akin si Hanson bago ngumiti. "Wala si Zion. Hindi na siya sasali."

"Ano?" Mas lalong nangunot ang noo ko. "Hindi pwede 'yon. By section ang mechanics. Saka, bakit naman aatras si Zion?"

"Inaasikaso niya ang Ministry. Sila ang inatasan para sa CLP sa susunod na buwan. Sinabi niya sa aking magba-back out siya."

"Sinabi niya sa 'yo?" Naningkit ang mga mata ko sa kaniya. "Paano niya sinabi sa 'yo? Hindi naman kayo close."

Tumaas ang sulok ng labi niya. "Miyembro ako ng ministry, Sera."

Natahimik ako. Wala namang sinabi si Zion sa akin na miyembro pala si Hanson sa club niya. Saka, nakapagtataka naman. Hindi kasi siya 'yong tipo ng mabuting estudyante. Pero hindi naman pwedeng mag-judge sa iba. Baka ako pa ang i-judge.

Nag-iwas na lang ako ng tingin at humalukipkip. "Sabihin nalang natin sa coordinator. Baka hindi niya magustuhan ang suhestiyon mo."

Nagulat na lang ako nang lumapit sa akin si Donovan at inakbayan ako. "Tayo na lang ang partner, Cetera. Iingatan kita."

Mabilis ko siyang tinulak at umismid. "Mangilabot ka nga, Kuya."

Doon lang siya tumahimik at tumagis ang bagang. Sabi ko na. Kung bakit kasi sinabi sa aking may gusto siya, o edi, tutudyuhin ko siya. Ipapamukha ko sa kaniyang magiging kapatid ko siya, para mangilabot naman minsan.

Ako ang kinikilabutan sa pinagsasabi niya, e.

"H-Hans?"

Napatingin kaming lahat sa babaeng bigla nalang tumakbo palapit kay Hanson. Nanunubig ang mga mata niya at namumugto ang mga mata. Ayan na nga ang sinasabi ko. Pinaiyak niya 'yong babae. Mabuti na lang, hindi ako pumayag sa alok niya.

"Ashlee -"

"Hans, please. 'Wag mo akong iwasan," iyak na sambit ng babae tapos yumakap kay Hanson. Ngumiwi ako at nag-iwas ng tingin. Nakakasurang eksena.

"Ashlee, pakiusap. 'Wag kang mag-eskandalo rito." Nakita ko sa gilid ng mata ang pagsulyap ni Hanson sa akin. "Magpa-practice pa kami. If you want, wait for me at the parking lot. Just not in this place, Ashlee, okay?"

"But I can't wait for you at the parking lot. I am a participant, t-too."

"Laura."

Napatingin ako sa lalaking tumawag sa babae. Namumula ang mga mata ng lalaki na para bang galing sa pag-iyak. Teka, love triangle ba ang nakikita ko?

"Laura, halika rito." Hinigit ng lalaki 'yong babaeng yumakap kay Hanson, at dinala sa kabilang bahagi ng gym. Pinagmasdan ko kung paano pinahid ng lalaki ang basang pisngi ni Laura habang nagsasalita. Hindi ko lang marinig ang sinasabi niya.

"Cetera." Napatingin ako kay Donovan. Malungkot ang mata niya. "Gusto mo ba 'yong lalaki?"

Nilibot ko ang paningin. Nakatingin ang lahat kay Laura at sa lalaki maliban kay Donovan. Humalukipkip ako. "Wala akong lalaking gusto. Hindi mangyayari 'yon."

Mas nanlumo ang mukha niya. "Hindi mo talaga ako magugustuhan? Kahit kaunti? Wala talaga, Cetera?"

#060120.11.5A

River Flows in You (Complete)Where stories live. Discover now