Chapter 18

89 5 2
                                    

Halos lahat ng 4E ay bumisita kay Sidine sa ospital. Kaya pala si Aldos lang at 'yong lalaking kausap niya sa hallway ang nandito sa loob ng classroom nila. Hindi ko alam kung mamamangha o ano. Ibang-iba ang classroom ng 4E. May sarili silang pasilidad na wala sa 4D, at sa tingin ko ay mas malawak ito kaysa sa ibang classrooms na nasa ibaba.

Kaya pala halos hindi ko sila nakikita sa hallway. Nandito lang pala sa lungga at hindi lumalabas dahil nandito na sa loob ang mga kailangan. Kunsabagay, sila ang prayoridad ng TKA. Sa tingin ko nga, mas maganda pa ang last section kaysa sa first. Kahit na hindi ako nagpupunta sa classroom ng 4A pero alam kong hindi ganito ka-engrande ang loob niyon.

"Miss."

Kumurap ako at bumaling sa lalaking tumawag sa akin. Siya 'yong may hawak na kamera at kasama ni Guinea.

"Bakit?" tanong ko.

"Iusog mo nang kaunti 'yong silya palapit sa dingding, tapos humarap ka sa gilid habang nakatutok ang mga mata mo sa kamera."

Sinunod ko ang utos niya. Pagkatapos ng ilang shots ay pinatayo niya ako at pinaupo ulit sa harap ni Guinea. May nilagay na recorder sa mesa si Guinea. Ngumiti siya. "Thank you for giving us time, Miss Amarez," pauna niyang salita. "Before we proceed, I want to congratulate you for being so gorgeous in the pageant. But, may I ask what did you do to achieve that look?"

"Ahm..." Lumunok ako. "Sa katunayan, 'yong personal stylist ng ina ni Aldos ang nag-ayos sa akin."

Natahimik siya saglit. Sinenyasan niya 'yong lalaking kasama niya na kumuha ng shots. Tumalima ang lalaki. Umikhim si Guinea at ngumiti na naman. "Personal stylist? Wow, Mr. Alistar's mom must be generous. So, what kind of a partner was Mr. Alistar Domis Dagoon aka Aldos of 4E?"

Napahawak ako sa batok dahil sa tanong niya. Akala ko ba tungkol sa akin ang tanong? Bakit napunta kay Aldos? "Ah kasi..." Napatingin ako kay Aldos na nakahalukipkip lang sa gilid. "Hindi ko masyadong pinagtuonan 'yan ng pansin. Ang akin lang ay makapresenta para sa 4D."

"Really? So, how was the feeling Miss Amarez? Well, this is the first time in last 4 years that someone from 4E was partnered to someone from other section. That was honorable, wasn't it?"

Hilaw akong ngumiti. "Siguro, gano'n na nga."

Tumango-tango si Guinea tapos ngumiti. "But do you know the latest talk of TKA-Marinas? It's about you and Mr. Alistar! What will you say to students who keep on buzzing around, whispering that you and Mr. Alistar are somewhat connected? Let's say... you two are in a secret relationship?"

Nasamid ako bigla ng sariling laway. Napaubo ako at napahinga nang malalim. "Sinong maysabi niyan?"

Humagikhik si Guinea. "Well, that's what everybody is talking about! So, what can you say about this issue?"

Naningkit ang mga mata ko. "Napapansin kong pinagdidiinan mo ang tungkol diyan. Sabihin mo nga, hindi talaga tungkol sa pageant ang interview na 'to. Gusto mong ma-interview ako para may ma-tsismis na naman."

"Miss Amarez." Lumunok si Guinea. "Hindi kasi -"

Tinaas ko ang kamay para patigilin siya sa pagsasalita. "At bakit dito pa sa classroom ng 4E?" Kumunot ang noo ko. "May sariling opisina ang Journalism club. Ah, nahuli rin kita." Tumayo ako at naglakad papunta sa pinto.

"Miss Amarez wait!"

"Hindi. Ayoko na." Lumingon ako kay Guinea. "Ayos na 'yon. At pakisulat na walang namamagitan sa amin ni Mr. Alistar. Naging partner ko lang siya. 'Yong lang yon kaya 'wag na silang magbulungan kasi hindi naman sila mga bubuyog."

Sumulyap pa ako kay Aldos na nakatitig lang sa akin at walang kaimik-imik. Umismid ako at mabilis na lumabas ng classroom. Pabalag ko pang sinara ang pinto para maparating sa kanilang hindi ko gustong naiistorbo dahil lang sa walang kakwenta-kwentang dahilan. Gusto ko sanang manuod sa laro ni Zion pero nawalan na ako ng gana.

HULING araw para sa one-week Intramurals celebration ng Tyrant. Maraming estudyante ang nasa field. May magaganap kasing closing party na inihanda ng SSG Officers. Sayang nga. Wala si Sidine. Siya pa naman ang presidente at alam kong matutuwa siya sa isang successful event.

Napatingala ako sa kalangitang kulay kahel. Malamig na ang simoy ng hangin dahil papalubog na ang araw sa kanluran. Maraming ibon din ang naglipana mula sa kakahuyan sa gilid, at naririnig ko ang tawanan ng mga estudyante. May kakaibang sigla sa mga mata nila na siyang hindi ko maintindihan.

Tumingin ako sa mga kaklase ko. Malapad ang ngiti sa mga labi nila. Naglakbay ang tingin ko kay Cara. Maaliwalas ang mukha niya. Bakit? Anong meron sa kanila?

"Sera! Tingnan mo, may saranggola na naman sa langit!" masayang sambit ni Cara.

Napatingin din ako sa kalangitan. Umihip ang simoy ng hangin habang tinititigan ko ang maliit na saranggolang malayang lumilipad kasama ang mga ibon. Natulala ako. Mayroong lungkot sa kaloob-looban ko. Hindi ko alam kung saan at kailan nagsimula iyon. Parang... may hinahanap ako. Parang may gusto akong gawin na hindi ko magawa. Parang walang linaw, walang laya. Parang nakakulong ako. Gusto kong umiyak pero walang luhang pumapatak mula sa mga mata ko.

Bakit? Anong nangyayari? Naguguluhan ako.

"Nandito na si Zion! Tara guys, praise and worship tayo!"

Nagbaba ako ng tingin sa mga kaklase ko. Nagkumpulan sila palibot kay Zion sabay indian sit sa bermuda grass field. Naupo si Zion habang natatawang nilalabas ang isang gitara mula sa guitar case. "Anong gusto niyong kanta?" ngiting tanong niya sa mga kaklase namin.

"Here in Your presence!" masayang sigaw ni Cara. Bumaling siya sa akin at ngumiti. "Halika rito, Sera!"

Marahan akong ngumiti at lumapit kay Cara. Sabay kaming naupo sa harap ni Zion. Sumulyap pa si Zion sa amin bago nagsimulang mag-strum sa gitara. Nakipalakpak naman ang mga kaklase ko habang ang iba ay kinaway-kaway ang kamay. Napatingin sa amin ang ibang estudyante pero para bang walang pakialam ang mga kaklase ko.

"Found in Your hands
Fullness of joy
Every fear suddenly wiped away
Here in Your presence..."

Nanatiling nakadilat ang mga mata ko habang sila ay tuluyan nang pumikit. Isa-isa ko silang tiningnan. Sobrang payapa ng mukha nila. Nakangiti pa ang ilan habang unti-unting tinaas ang dalawang kamay sa eri. Kumakanta sila sabay kay Zion.

"Heaven is trembling in all of Your wonders
The kings and the kingdoms are standing amaze
Here in Your presence, we are undone
Here in Your presence heaven and earth become one..."

Napa-angat ako ng tingin nang may iilang estudyanteng lumapit sa gawi namin at naupo sa likuran ng mga kaklase ko. Nakita ko ang paghanga ng mga estudyanteng nakapalibot sa amin.

Pinikit ko ang mga mata at bahagyang yumuko sa hiya. Hindi ako sanay na tinititigan.
Nanatili ako sa gano'ng puwesto hanggang mag-iba ang tuno ng tinutugtog ni Zion. Nangunot ang noo ko at bahagyang dumilat. Nakapikit pa rin siya habang nagsa-strum ng gitara.

"You are here, You're moving in our midst
I worship You, I worship You
You are here, You're working in this place
I worship You, I worship You..."

Natulala ako sa ganda ng kanta, at dinagdagan 'yon ng malalim at kasing banayad ng tubig na boses ni Zion.

"Oh... we believe
Way maker, miracle worker, promise keeper, light in the darkness
My God, that is who You are!"

Nadala ako. Pumikit ako at pinakinggang mabuti ang kanta. At habang ninanamnam ko ang pakiramdaman na iyon, hindi ko namalayang marami na palang estudyante ang naupo palibot sa amin at nakisabay sa kanta. Nagtaka lang ako nang bigla na lang lumakas ang mga boses. Pagdilat ko, halos lahat ng estudyante ay nakaupo na sa bermuda grass field, nakapikit, at sumasabay sa kanta.

Hindi ko mapaliwanag ang naramdaman ko sa oras na 'yon. Hindi ako makaimik ni makakibo. Nakakagulat. Sobrang... saya sa pakiramdam na malamang maraming estudyante ang nakiisa sa 4D para mag-praise and worship. Kahit hindi ko ramdam. Kahit sumasabay lang ako at wala talagang naramdamang apoy sa kaloob-looban, masaya akong malamang maraming estudyante ang may mapagkumbabang puso para makiisa.

Napahinga ako nang malalim. Kailan ko kaya maramdaman ang apoy na 'yon?

#060820.1.1P

River Flows in You (Complete)Where stories live. Discover now