Chapter 13

97 7 3
                                    

Ibang-iba si Francine kay Cara. May pagka-conyo siya at maarte pero hindi 'yong tipong nakaka-offend. Parang alam niya kung saan ilulugar ang arte. At 'yan ang nagpaganda sa kaniya.

"Hindi mo dapat binibigay ang total weight mo sa heels. It should be that you will tingkayad para hindi mabali 'yong heel."

Tumalima ako sa sinabi niya. Bahagya kong tiningkayad ang paa. Ngumiti siya. "Good. Ngayon, maglakad ka from here to there." Tinuro niya ang puwesto sa kabilang bahagi ng gym.

Naningkit ang mga mata ko nang makita ko ang ilang kalalakihan doon. "Pwede bang sa ibang puwesto nalang?" tanong ko.

Umiling siya. "Come on, straight ang path na 'yan. That's good for a beginner like you."

Bumuntonghinga na lang ako at sumunod sa sinabi niya. Tumingkayad ako nang husto habang naglalakad. At oo, medyo hindi gumewang ang heels, kaso 'yong binti ko naman ang nanginig. Pinagpawisan ako. Hindi ko alam na ganito kahirap ang mag-suot ng heels. Hindi ko pa kasi nasusubukan sa tanang buhay ko.

Naabot ko ang dulo kung saan nakaupo sa monoblocks ang ilang kalalakihan. Nakatitig sila sa akin. Ang iba pa nga ay nakangisi at nakahalukipkip. Napalunok ako nang uminit ang pisngi ko sa pagka-asiwa. Iikot sana ako pero hindi na kaya ng binti ko. Napasalampak na naman ako sa sahig.

Narinig ko ang tawanan ng mga lalaki. Sinamaan ko sila ng tingin at dahan-dahang tumayo. Pulang-pula na ang mukha ko sa inis. Napahinga lang ako nang malalim nang maglakad palapit sa akin si Francine.

"You don't have to tingkayad to the fullness. Ang purpose sa tingkayad nang kaunti is to lessen your weight. Different ang high-heels sa ordinary sandals. Too skimpy pa, so you should adjust your weight. Balancing is the key there."

Napabuga ako ng hangin. "Sige. Susubukan ko." Ngumiti pa ako at naglakad papunta sa puwesto ko kanina. Nakasunod lang si Francine sa akin.

Nagpaikot-ikot pa ako hanggang makuha ko ang balanse, at tamang tingkayad. Napangiti ako at napatingin kay Francine. Tinaas ko ang hinlalaki para sabihin okay na. Ngumiti rin siya at sumenyas na fight lang!

Hindi nagtagal ay tinawag na kami ng coordinator. Pinalinya kami at pinagpares na naman para sa sports at formal attire. Ilang oras pa ang lumipas bago kami natapos sa practice. Nag-thumbs up pa sa akin ang coordinator at sinabing isa ako sa mga mabilis matuto. Ngiti lang ang sinukli ko sa kaniya.

"Francine," tawag ko.

Huminto siya sa paglagay ng gamit sa shoulder bag niya at lumingon sa gawi ko. Ngumiti siya. "Yes?"

"Salamat pala sa tinuro mo."

"Oh, no worries. I want to give tulong din naman."

Kumaway siya bago pinagpatuloy ang pagligpit ng gamit. Nang matapos ay tumayo siya nang tuwid at tumingin sa akin. Natawa pa siya. "Hey, don't give too much gratitude. It's just a small thing."

"Kasi, gusto kitang samahan palabas ng gate. Pasasalamat ko na rin sa tulong mo."

Nag-isip siya saglit. "Okay lang naman. My driver hasn't arrived yet so I'll wait for him outside na lang. So, we can have small chitchat habang naglalakad palabas."

"Sige. Tara na?"

Ngiti siyang tumango. Tahimik kaming lumabas ng gym at padiretso sa campus gate. Nakita ko pa sa gilid ng mata si Hanson. Mukhang palapit siya sa gawi ko kaya hinawakan ko ang braso ni Francine. Nagulat pa siya. Ngumiwi ako at inalis ang kamay sa braso niya. "Pasensya na. Pero pwede bang bilisan natin?"

"You have something to do?"

"Ah, gano'n na nga."

"Alright. Walang problema."

River Flows in You (Complete)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz