Chapter 8

104 6 1
                                    

Hindi naman siya gwapo. Hindi rin charming. At mas lalong hindi cute. Pero ewan, isa siya sa mga head-turner ng Tyrant. Kanina pa nga siya nililingon at sinusulyapan ng mga estudyante sa paligid pero mukhang wala naman siyang pakialam. 

Diretso lang ang tingin niya sa akin na para bang ako lang ang nakikita niya. Wala nang iba. Ngumiti siya bigla at tumayo. "Ngumiti ka naman minsan."

Humalukipkip ako at tumingala sa kaniya. "Ano bang ginagawa mo rito? Saka, kalagitnaan pa ng first semester. Sa Nobyembre pa magbubukas ang tanggapan ng Registrar."

"Kasi..." Nagkamot siya ng batok at nag-iwas ng tingin. "Pinalipat na agad ako ni Papa."

"Pinalipat?" Nangunot ang noo ko. 

Tumango siya. "Baka bago matapos ang taon, magpapakasal na sila ni Tita. Lilipat na kami rito sa Ubando. Bumili si Papa ng bahay doon sa Marinas Subdivision."

Napatitig ako nang husto sa kaniya. Bago matapos ang taon? Mukhang gustong-gusto na ni Tito Gerald na matali kay Mama. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Papa na kung gusto kong matigil ang pakikipagkita ni Mama kay Tito, kailangan ko siyang kausapin nang masinsinan. Pero kasi... hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin.

"Cetera?"

Huminga ako nang malalim. "Saan nga 'yong b-bahay niyo?"

"Sa Marinas Subdivision. Gusto mong bumisita minsan? Lot 2, Block 9 'yong bahay. Kung gusto mo nang shortcut, pwede kang dumaan sa Marang. May junction doon sa dulo ng sementeryo papunta sa subdivision. Pero mas magandang tawagan mo ako kung gusto mong bumisita para masundo kita sa inyo."

"Gano'n b-ba?" Lumunok ako at nag-iwas ng tingin. "Save ko na lang 'tong number mo," sabi ko. Nagbaba ako ng tingin sa cell phone at binura ang number niya. Hindi ko naman alam na nakita niya ang ginawa ko.

"Maalam kang magsinungaling."

Pumikit ako nang mariin at huminga na naman nang malalim. Nilampasan ko siya pero hinuli niya ang braso ko at pinaharap ulit sa kaniya. Mariin siyang tumitig sa akin bago nagsalita. "Masama ang magsinungaling."

"Kung gusto kong magsinungaling, magsisinungaling ako. Wala ka nang pakialam doon, Donovan."

Naningkit ang mga mata niya bago pinakawalan ang braso ko. "Bibisita kami sa inyo mamaya."

"Tapos?" Bumuga ako ng hangin. "Wala rin naman akong magagawa kung gusto niyong bumisita, 'di ba? Bayaan mo akong matahimik. Nanahimik ako rito pero binubulabog mo ang araw ko," sabi ko bago naglakad palayo. 

Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan na ako ng mga estudyante. Nakita ko pa nga na nagbubulungan pa 'yong iba. Napailing na lang ako. Sana naman, makita ko si Cara. Nagbaba ako ng tingin sa relo. May thirty minutes pa ako bago magsimula ang unang subject. 

Dumaan na muna ako sa canteen para bumili ng coke-in-can at Pillows. Saka lumabas at naglakad papunta sa M.A. building. Napansin ko ring medyo nabawasan na ang estudyante sa field. Siguro, nagpupunta na sa kani-kaniyang classrooms. 

"Good morning, Sera."

Napasinghap ako nang may bigla na lang nagsalita sa likuran ko. Paglingon ko, nakita ko si Hans. Iyong Hanson Seda ng 4C. Bahagyang nakataas ang gilid ng labi niya at nakasuksok sa bulsa ng trouser ang dalawang kamay. 

"G-Good morning din," sabi ko.

Natawa siya. "Gulat ka masyado."

Naningkit ang mga mata ko sa kaniya at napailing. "Bigla-bigla ka lang kasing nagsasalita sa likuran."

"Hmm..." Tumango-tango siya. "Nakita mo ba si Cara?"

"Hindi. Baka late 'yon ngayon. Nagpuyat 'yon dahil sa project."

"Ah." Tumitig siya sa akin at bahagyang umabante. Tumaas na naman ang sulok ng labi niya. "In love ka ba? Mas maganda ka pa sa umaga."

"H-Ha?" Napaatras ako at napahawak sa pisngi. "Hindi naman. Ahm... baka ma-late tayo. T-Tara na?"

Tumawa siya bago tumango. Sabay naming nilakbay ang covered pathwalk hanggang maabot namin ang hallway ng M.A. building. Dumaan kami sa 4A, 4B, at tumigil nang maabot namin ang 4C. Humarap sa akin si Hanson at ngumiti. "See you around, Sera."

Tumango ako. "Sige, mali-late na ako." 

Kumaway siya bago pinihit ang seradura ng pinto at pumasok sa loob. Mabilis din naman niyang sinara ulit ang pinto. Nakapagtataka talaga. Anong meron sa loob at bakit laging nakasara ang pinto? Saka, ni minsan, hindi pa ako nakakasilip sa loob. Simula pa lang yata noong first year pa kami. Mula 1C, 2C, 3C, hanggang 4C, nakasara pa rin ang pinto.

"Sera!"

Lumingon ako sa pinanggalingan namin ni Hanson. Nakita ko si Cara na hinihingal, pawisan, at buhaghag ang buhok na mukhang hindi pa nasuklayan. 

"Ba't ganiyan itsura mo?" tanong ko.

"E kasi..." Hiningal siya. "Sera! Malapit na akong ma-late! Mabuti na lang nakita kita rito sa hallway kaya alam kong hindi pa rin ako late!"

"Shh," saway ko. "Nasa hallway na tayo. Tara na sa classroom."

Mabilis siyang tumango tapos sumunod sa akin. Tinulungan ko na lang siya sa pagbitbit ng mga librong yakap niya kanina. Nakabukas pa ang pinto ng 4D kaya agad kaming pumasok. Nag-angat ng tingin si Zion tapos ngumiti sa amin bago muling nagbaba ng tingin sa binabasang libro.

Tahimik akong naupo sa upuan ko sa dulo pero nagitla ako nang may humawak sa balikat ko. "Bakit ngayon ka lang?"

"Donny!" saway ko at malakas na tinapik ang kamay niyang nakahawak sa balikat ko. Natawa siya at umikot papunta sa harapan ko. Ngiting-ngiti siya kaya nangunot ang noo ko. "Masaya ka na?" 

Tumango siya. Napailing na lang ako at humalukipkip. Ewan ko ba kung saan nagmana itong si Donny. Palagi na lang akong kinukulit. Sa tingin ko nga, mas makulit pa siya kaysa kay Cara. Tinuro ko ang upuan niya. "Bumalik ka na ro'n," utos ko. 

Kumindat pa siya bago tumalima sa utos ko. Hay nako. Napahinga na lang ako nang malalim. Naghintay ako ng ilang minuto bago pumasok ang teacher namin. As usual, nag-lecture lang kami tapos nag-quiz, bago siya nagpaalam. Sinisilid ko na sa bag ang notebook ko nang may tumawag sa akin. 

"Sera! May naghahanap sa 'yo."

Nag-angat ako ng tingin. "Sino?"

"Hanson."

"Hanson?" Nangunot ang noo ko. Ano namang kailangan ni Hanson sa akin? Sandali, hindi naman kami close. Saka, hindi ko siya kaibigan kaya bakit niya ako hinahanap? 

Tumayo ako at lumapit sa pinto. Luminga ako sa labas at nakita ko siyang may kausap na babae. Mas maliit sa kaniya at pamilyar. Nakita ko na 'yong mukha no'ng babae pero hindi ko maalala kung saan. Narinig ko siyang nagsalita.

"Magkita na lang tayo mamaya, Ashlee."

"Pero Hans..." Hinawakan ng babae ang kamay ni Hanson. "Please, hindi ko alam kung bakit ayaw mo na akong kausapin. Kung tungkol na naman 'to sa grades ko, pagbubutihin ko na next time. Just don't ignore me. Nasasaktan ako, Hans."

"Ashlee." Hinawakan ni Hanson ang pisngi ng babae. "Hindi pa 'to ang oras natin. Wala rin akong balak na saktan ka kaya tigilan na natin 'to."

"H-Hans." Naiyak ang babae bago tumalikod at tumakbo palayo. 

Nangunot ang noo ko at lumapit kay Hanson. Humalukipkip ako sa harap niya. "Pinaiyak mo?" tanong ko.

Bumuntonghinga siya bago bumaling sa gawi ko. "Si Cara ang hinahanap ko."

"Ha? Pero akala ko..." Napabuga ako ng hangin. "Sige. Tatawagin ko lang siya."

Tumalikod ako at akmang papasok ulit pero hinuli ni Hanson ang kamay ko. Lumingon ako at nagbaba ng tingin sa kamay kong hinahawakan niya. Pinisil niya 'yon. "Sera, may gusto sana akong ipakiusap. Pwede ka bang maging tulay?"

Nangunot ang noo ko. "Tulay?"

"Oo. Gustong-gusto ko si Cara pero hindi ko kayang sabihin ang nararamdaman ko sa kaniya. Kaya, kung sana, ikaw ang gagawin kung tulay para mapansin niya ako."

Mabilis kong binawi ang kamay. "Pasensya na. Pero hindi ko gustong makatuluyan mo si Cara. Pinaiyak mo 'yong babae, at alam kung gagawin mo rin 'yon kay Cara. Hindi ako papayag."

#053020.7P
R.V.

River Flows in You (Complete)Where stories live. Discover now