Chapter 17

73 4 2
                                    

Tahimik lang naman ang buhay estudyante ko sa nakalipas na taon. Pero mukhang mabubulabog dahil sa kumakalat na isyu. Kanina ko pa binabalewala ang bulungan ng mga estudyante pero mas lalo lang yatang lumalakas ang boses nila. Bumuntonghinga si Cara.

"Tara na nga sa booth natin," sabi niya at hinila ako sa jail booth ng section namin.

Napanguso ako at tumingin sa mga nakapaligid. Tumigil naman sila sa bulungan at nagsi-iwas ng tingin. Huminga ako nang malalim. Nandoon sa loob ng jail booth si Zion kasama si Donny at ilang mga kaklase ko. May iniinom silang juice na nasa isang sealed jar na sa tingin ko ay binebenta sa stall ng 4B. Umupo si Cara sa isang monoblock kaya naupo rin ako sa tabi niya.

"Anong problema?" tanong ni Zion. Lumapit siya sa amin.

Lumabi si Cara. "Topic ngayon si Sera sa buong Tyrant."

Nangunot ang noo ni Zion. "Si Sera?" Napahawak siya sa baba. "Hindi ko alam. Siya pala ang usap-usapan."

Nag-angat ng tingin si Cara. "Nagbibiro ka? Hindi mo sila narinig magbulungan?"

"Narinig ko." Bumuntonghinga si Zion at bahagyang ngumiti. Sumulyap pa siya sa akin saglit. "Hindi ko lang pinansin."

Ngumuso si Cara at inakbayan ako. "Ayos lang, Sera. Mawawala din ang -"

Natigil siya sa pagsasalita nang may biglang sumingit. "Dahil kay Alistar kaya ikaw ang usapan," sabi ni Donny at tumayo sa gilid ko. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Nilagok niya ang soda-in-can habang titig na titig sa akin.

"Alistar? Si Aldos?" Bakit? Anong ginawa ni Aldos?

Natawa si Donny sabay hagis sa soda-in-can sa basurahan. "No'ng isang araw. Hindi mo pansin pero nakatitig sa 'yo 'yong 4E. Nakakatawa nga. Ilag ang seksiyon na 'yon kaya nagtataka sila kung bakit palaging nakatitig sa 'yo si Alistar."

"Ano ngayon?" Napahawak ako sa balikat ko. "Saka... hindi ko alam na nakatitig siya. May gusto kaya 'yong lalaking 'yon kay Clara."

Humawak si Cara sa braso ko kaya napatingin ako sa kaniya. "May sinabi ba siya sa 'yo, Sera?" tanong niya.

"Wala naman." Pero naalala ko 'yong sinabi niya nang niyakap ako. Bumuntonghinga ako at umiling-iling. Wala na akong pakialam ro'n. Isa pa, hindi ko na siya nakita sa hallway pagkatapos ng event. Siguradong kasama niya ang 4E. Sayang. Wala pa rin si Sidine. Magtatanong sana ako kung anong ginagawa ng 4E sa mga ganitong pagtitipon.

Nagulat ako nang may babaeng nagsisigaw habang pinapasok ng kaklase kong lalaki. "Ano ba! I said let me go! I didn't do anything!"

Marahas na bumuntonghinga si Haxon, 'yong kaklase kong nakahawak sa kaniya. "Miss, pwede bang 'wag kang magsisigaw? Hindi naman 'to totoong kulungan. Isa pa, nakakadalawa ka na. Muntik mo na akong masipa sa gitna. Masakit 'yon."

Natawa ang babae at nanlaki ang mga mata ko nang walang anu-ano'y sinipa niya sa gitna si Haxon. Napaluhod si Haxon. Napatayo ako pati na rin si Cara. Mabilis naman dinaluhan ni Donny si Haxon na namimilipit sa sakit.

"Hoy! B-Bumalik ka rito!" daing na sigaw ni Haxon nang bigla na lang tumakbo palabas 'yong babae.

"Hayaan mo na," awat ko.

Huminga nang malalim si Haxon at nanghihinang tumayo. Tinulungan siya ni Donny. Agad namang kumuha ng monoblock si Zion at pinaupo roon si Haxon. "Sino 'yon?" tanong niya.

Pinahid ni Haxon ang namuong pawis sa noo. "Isang freshman." Napabuga siya ng hangin. "Ang sakit niyang manipa."

Natawa si Zion pati na si Donny. Lumapit si Cara at tinapik ang balikat ni Haxon. "Gusto mo nang buko juice?"

River Flows in You (Complete)Where stories live. Discover now