KABANATA 15

10.9K 425 60
                                    

[Adara]

"Hindi ko mapalalagpas itong ginawa niyong ito. Tandaan niyo, babalikan ko kayo," galit na utas ng pulis habang hawak ang braso nitong mukhang napilayan ni Christian. Umalis sila at dinuro-duro kami ng mga tanod niyang kasama bago sumunod sa kanya. Napakayabang nila!

Tinawagan ni Christian si Sam at dumating itong may dalang sasakyan. Pinakiusapan kami ni Mang Arturo na tumungo muna sa bahay nila para tingnan ang kalagayan ng anak bago namin siya dalhin sa pagamutan. Nakarating kami sa isang payak na tahanan na gawa lamang sa kahoy at tagpi-tagping mga dayami. Wala silang kuryente at tanging isang lampara lang ang nagbibigay liwanag sa kanila sa gabi. At sa tabi ng lamparang iyon ay laging tambay si Atoy dahil simula nang turuan ko siyang magbasa, lagi na siyang nanghihingi ng kahit anong pinaglumaan kong libro sa eskwela.

"Mang Arturo, ako na lang po ang bababa para hindi na kayo mahirapan sa paglakad," sabi ko pagka-park ng aming sasakyan. Pareho na kasi namin silang dadalhin sa ospital ngayon sa bayan ng Gubat para mapatignan sa doktor. Nangako si Christian na sasagutin ang lahat ng bills nila kaya walang humpay ang pasasalamat ni Mang Arturo sa kanya habang nasa biyahe kami.

"Sige salamat, Adara," masaya nitong tugon. Bumaba na ako ng sasakyan.

"I'll go with you," sabi ni Christian at bumaba rin.

"Magpasama ka na kay Kuya and I'll guard Mang Arturo here," ani Sam. Tumango ako at sabay kaming pumasok ni Christian sa madilim na bahay.

Nagbukas ng flashlight si Christian dahil sobrang dilim talaga sa dinaraanan namin. Lalo akong naawa sa mag-ama na kailangan nilang magtiis sa ganitong kahirapan dahil sa makasariling kagustuhan ng isang mas makapangyarihang tao. Kawawa naman si Atoy at naghihintay siya rito sa madilim nilang bahay nang mag-isa. Tapos may sakit pa siya.

Binuksan ni Christian ang pintuan nilang yari sa sawali. At dahil maliit lamang iyong bahay nila, pagpasok mo ay iyong kabuoan na ng kanilang tahanan ang makikita. Walang nakasinding lampara kaya kinailangan muna naming ilibot iyong ilaw ng aming flashlight para hanapin kung saang parte narito si Atoy.

"Atoy?" tawag ko habang iniilawan ni Christian ang paligid.

"Ayun siya," turo ni Christian sa batang nakadukdok na sa kanyang libro na nasa tabi ng lamparang mukhang naubusan na ng langis. Nakatulog na naman siya sa pagbabasa niya nung binigay kong libro ng El Filibusterismo. Pagkatingin ko sa pahina ng kanyang binabasa, nasa katapusan na siya. Jusko, itong batang ito! Ako nga ay hindi ko natapos basahin ang librong ito!

Nangingiti akong lumapit sa kanya. Dahan-dahan kong hinawakan ang ulo niyang nakadukdok sa libro ngunit sa pagdampi ng palad ko sa kanyang noo, napahinto ako at naramdaman ko ang malakas na pagkalabog ng puso ko. Ito ang unang beses na kinabahan ako nang ganito katindi. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Gusto kong iwaksi ang bagay na pumapasok sa utak ko pero unti-unting nanghina ang mga tuhod ko at napaupo na lamang sa sahig. Nanginginig ang buong katawan ko at walang prenong bumuhos ang mga luha ko.

"A-Atoy... gising diyan..." nanginginig ang boses na sambit ko.

Mabilis na chineck ni Christian ang pulso ni Atoy sa side ng leeg—sa kamay at sa likod ng tuhod nito. Maingat niyang binitawan ang napakapayat na braso ng bata. Naramdaman ko na lang ang pagyakap ni Christian sa akin at hindi ko na napigilan pa ang pagtangis ko.

Wala na si Atoy.

"H-Hindi totoo ito. Sabihin mong nilalamig lang si Atoy, please."

Parang paulit-ulit na pinipiga ang puso ko sa sobrang sakit! Ang sakit sakit! Hindi ako makahinga sa sobrang kirot na nararamdaman ko sa dibdib ko. Parang isang matulis na patalim ang bigla na lang sumaksak sa akin.

STS #1: Dauntless [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon