WG ALEXANDRA - Part 1

8.1K 160 11
                                    

"ATE, BULAKLAK na naman," sabi kay Alexandra ng nakababata niyang kapatid na si Aleli.

Narinig niya iyon pero hindi niya pinansin. Mas nakatuon ang atensyon niya sa binabasa niyang nobela. Favorite author niya ang may gawa ng suspense thriller na libro. Si NR Cordero.

"Ate, tingnan mo. Ang ganda-ganda, oh! Sariwang-sariwa. Naku! Tiyak na mahal ito."

Padaskol na ibinaba niya nang pataob ang paperback. Kahit kailan, hindi siya marunong gumamot ng bookmark. Alin sa dalawa, itataob niya iyon kung sandali lang niya iiwan o kaya ay itutupi niya ang pahina kung hanggang saan pa lang siya.

"Aleli, inaabala mo ako, hindi naman importante iyan," nakaingos na sagot niya.

Tinaasan siya ng kilay ng kapatid na mahigit isang taon lang ang bata sa kanya sa edad niyang beinte otso. "Mas importante pa pala ang libro na iyan? Ate, pakyawin mo man sa bookstore ang lahat ng libro ng NR Cordero na iyan, hindi ka papansinin niyan, no! Samantalang itong nagpapadala sa iyo ng bulaklak, kahit sulyap lang ang gawin mo doon sa tao ay para ka na ring naghatid ng isang nilalang sa langit."

Napabunghalit siya ng tawa. "What a word, Aleli. Ano ba ako, anghel? Ako nga mismo, hindi ko alam kung ano ang itsura ng langit."

"You'll have an idea kung bibigyan mo lang ng atensyon si Jude. Iyon lang mapag-usapan ka namin, ang saya-saya na niya. Bakit hindi mo siya pansinin kahit kaunti? Tutal wala ka namang boyfriend. Single and very much available ka, Ate. Dapat lang na mag-entertain ka ng manliligaw."

"Bakit kaya hindi na lang ikaw ang magpaligaw sa Jude na iyan? Kesa itinutulay mo siya sa akin, di sa iyo na lang siya. Hindi naman na bago iyong sa tulay nauuwi ang atensyon ng isang tao."

"'Kainis ka!" buwisit na sabi sa kanya ni Aleli. "Excuse me, hindi ako tulay, 'no! Nagkakataon lang na ako ang nakakatanggap ng mga bulaklak kapag nagpapadala siya sa iyo. At nagkakataon lang din na ako ang humaharap sa kanya kapag dumarating siya dahil hindi mo naman siya binibigyan ng oras."

"Di, tulay din iyon!" tatawa-tawang sagot niya.

"Excuse me uli," sabi ni Aleli, pikon na pikon na. "Good catch si Jude. Wala akong maipipintas sa kanya. Pero hindi ako ang gusto niya at hindi ko rin naman siya gusto. Isa pa, marami din akong manliligaw. Mayroon na nga akong napiling sagutin."

Namilog ang mga mata ni Alex. "Talaga? Sino sa mga amoy-pawis na jeepney driver at fish ball vendor sa ibaba na umaaligid sa iyo ang napili mo?"

Matalim na irap ang unang itinugon nito. "Sige, ganyan kang manglait ng tao. Baka mamaya, nagbo-bote diyaryo na tisiko ang magustuhan mo. Nasa akin ang huling halakhak!"

Hinampas niya nang mahina si Aleli gamit ang pumpon ng iba't ibang kulay na Malaysian mums. "Para kang sira! Sobra kang serious, naka isugod kita sa ospital. Dali na, sino ang future boyfriend, aber?"

"Hindi ko sasabihin sa iyo kung sino," sagot nito, pikon pa rin.

At dahil likas siyang may kakulitan, wala naman siyang balak na tigilan si Aleli hangga't hindi ito sumasagot sa kanya nang matino.

"Sino nga?"

"Wala, secret!" at tumalikod na ito patungo sa munti nilang kusina.

Isang buntong-hininga ang ginawa niya at sumunod dito. Dalawa lang sila sa hinuhulugan niyang two-bedroom condo unit na iyon sa Shaw Boulevard. Salo sila sa isang kuwarto habang ang isang kuwarto naman ay ginawa niyang workroom.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraWhere stories live. Discover now