WG ALEXANDRA - Part 8

2.2K 96 3
                                    

"I'M REALLY sorry, Alex. Napapansin ko lately na madalas dito si Kendrick. Sinabihan ko nga si Darling na baka nakakahiya na sa iyo. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, mas lalo akong hindi papayag na dito pa dumadayo ng laro ang pamangkin ko."

"Wala namang kaso sa akin kung nandito si Kendrick. Mag-isa lang naman ako dito. Nalilibang din naman ako na nandito siya." At kahit na may usapan sila ni Darling na bahagi si Kendrick upang mapalapit siya kay Al, totoo rin naman sa loob niya ang mga binitiwang salita.

"Eh, kung ganito uli ang mangyayari, malilibang ka pa rin kaya?" tila tudyo ni Al pero nasa tinig pa rin ang paghingi ng dispensa.

"Mag-iingat na lang sa susunod. For one thing, hindi na muna maglalaro ng bola. Dapat naman kasi sa basketball court naglalaro ng bola," nakangiting sabi niya.

"Nakukuha mo pang magbiro. Ano na nararamdaman mo? Masakit pa ba?"

Masyado siyang nata-touch sa pag-aalala nito kaya sininghalan niya agad ang sarili na baka bigla ay maghihiyaw siya doon sa tuwa at kilig.

"Masakit pa rin," medyo padaing na sabi niya. Kungsabagay ay totoo namang masakit pa. Hindi nga lang niya masyadong iniinda dahil nangingibabaw sa kanya ang kilig na si Al ang mismong nag-aasikaso sa kanya.

"Tara na sa ospital. Kailangang matingnan iyan ng doktor." Ibinalik na nito ang yelo sa bucket. "Open your eyes, Alex. Hirap ka bang dumilat?"

Natawa siya. "Siyempre. Masakit nga, eh. saka, basang-basa ang mukha ko ng natunaw na yelo."

"Sorry," sabi naman agad ni Al.

Dumampi sa mukha niya ang panyong kasing-bango ng cologne na naaamoy niya dito kanina pa. Nakadama siya ng takot dahil kaunting-kaunti na lang ang pagpipigil niya na lumutang ang kilig na nararamdaman niya. Baka anumang oras ay bumigay siya at masira ang maganda nang eksenang iyon.

Inalalayan siya ni Al sa pagtayo. Sa isang pagyuko nito ay nagsalubong ang mga kilay nito. "May pasa ka din dito?" sabi nito at hinaplos pa ang hita niya.

Napalunok siya. Kagaya ng sa mata niya ay masakit ang naging paghaplos ni Al pero hindi niya maintindihan kung bakit ang mas namamayani ay ang kilig.

"T-tumama ako sa sofa nu'ng bumagsak ako kanina."

Napapalatak ito. "Talaga ngang dapat kitang mapatingnan sa doktor."

Gusto niyang magpahayag ng pagtanggi pero naisip niyang tiyak na ipipilit din ng binata na dalhin siya sa doktor kaya tumango na lamang siya.



GAYA NG inasaahan ni Alexandra ay mas may pinsala ang mukha niya kaysa hita. Kaunting bugbog lang ang nangyari sa hita niya. Natural na magkaroon iyon ng pasa sa susunod na ilang araw pero mawawala din naman iyon. Binigyan naman siya ng assurance ng doktor na inumin lang niya ang gamot para sa mga mata niya ay lilipas din ang kirot at pamamaga niyon.

Si Al ang maagap na nagbayad ng bill. Kinuha rin nito ang reseta at siyang bumili ng kumpletong gamot.

"Gumastos ka pa pati nsa gamot," nahihiyang sabi niya nang nasa kotse na uli sila.

"Dapat lang iyon," sagot nito. "Kung hindi dahil kay Kendrick ay hindi mangyayari sa iyo iyan."

"Hindi ko naman sinisisi ang bata."

"Kahit na."

Ilang minutong katahimikan ang naghari sa kanila. Nakatutok sa pagmamaneho ang atensyon ni Al pero nilingon din siya nito nang may madaanan silang restaurant.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon