WG ALEXANDRA - Part 13

3.4K 130 1
                                    

"HELLO, Al," sabi agad ng babae at para bang basahan siya na ni hindi nito pinagkaabalahang pukulin ng tingin. Sosyal ang kabuuan ng babae. Maging ang amoy ng pabango nito ay sosyal din.

Naglatang ang galit sa dibdib ni Alexandra. Kumapit siya kay Al na tila gusto niyang ipakita na sila ang magkarelasyon ngayon.

Pagtataas ng kilay ang tanging naging reaksyon ng babae doon.

Lalo naman siyang nagalit. At pinukol ito nang masamang tingin.

"Akala mo, hindi ko malalaman itong nilipatan mo?" tingala nito kay Al. "You underestimate me, Al. We have unfinished business. At hindi mo dapat ipinagwawalang-bahala iyon."

"You're right, Bea. Kailangan nating mag-usap." Tila isang nagtitimping paghinga ang pinakawalan ni Al. "I'll see you later, Alex," baling nito sa kanya. Binuksan nito ang pinto ng kanyang condo at naramdaman niya ang bahagya nitong pagtulak sa kanya upang pumasok na.

Nagtagis ang mga bagang niya. Lalong kumapal ang galit na nasa dibdib niya. Ni hindi nag-abala si Al na ipakilala siya sa kung sinumang babaeng iyon. Pakiramdam niya ay wala siyang iniwan sa isang sapatos na agad itinago sa ilalim ng sofa.

Lalo siyang nanggigil nang ilapat na ni Al ang pintuan. Hinawakan niya ang door knob at lalabas sanang muli subalit tila may pumigil sa kanya. Sa halip, ikinandado niya ang tatlong lock niyon at halos nagmamartsa siyang tumungo sa sofa at padabog na naupo doon.

Ilang sandali na nagkandahaba ang nguso niya sa inis at galit subalit maya-maya ay humupa rin ang galit niya.

Ngunit hindi iyon doon natapos. Ang mabilis na umatake ay ang matinding insekyuridad.

Bea. Naalala na niya ngayon na iyon ang babaeng sinasabi ni Darling, ang babaeng naghahabol kay Al.

Hindi niya alam na magsisisi siya ngayon. Nawala na sa loob niya ang babaeng iyon. Kungsabagay ay masyado kasi siyang masaya nitong mga nakaraang araw. Halos buong araw niya ay umiikot kay Al. Iilang oras lang ang magkahiwalay sila dahil sa kanilang mga trabaho pero pagkatapos niyon ay sila na naman uli ang magkasama.

Noong una ay natakot siyang magkasawaan sila. Pero hindi pala. Kapag mahal mo ang isang tao, mas gusto mo na palagi kayong magkasama. Na kung maaari lang ay huwag na kayong maghiwalay.

Nakalimutan niya na hindi puro saya lang ang buhay. Nakalimutan niya na darating ang ganitong pagkakataon na magkakaroon sila ng problema.

At puno siya ngayon ng agam-agam. Dinig na dinig niya ang sinabi ng babae. We have unfinished business. Ano ang ibig sabihin niyon? Sapat na ba ang pangungusap na iyon upang maputol ang kanyang saya? O ma mabuting balewalain na lang niya iyon?

Pero mahirap gawin ang huli dahil nga umaatake sa kanya ang insekyuridad.

Napaiyak siya sa labis na tensyon. Oo nga at kung babalikan niya ang maikling panahon ng kanilang relasyon ni Al ay tigib iyon ng saya. Pero mayroon ding kulang.

Hanggang ngayon, hindi niya naririnig sa binata ang gusto niyang marinig. Hindi siya nito sinasabihan ng I love you. Ilang beses na rin niya itong gustong tanungin tungkol doon pero hindi naman niya nagagawa.

Naiisip niyang malamang ay likas lang dito na hindi mapagbitiw ng ganoong salita. Samantalang siya, wala yatang sandali na pinalipas niya na hindi niya ito sinabihan ng I love you.

Nakadarama siya ng disappointment kapag hindi ito nag-a-I love you too sa kanya subalit mabilis din namang napapawi iyon dahil malambing si Al. at kinokonsidera rin niya na hindi man nito sinasabi ang salitang iyon, ramdam naman niya sa kilos ni Al na mahal siya nito.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraWhere stories live. Discover now