WG ALEXANDRA - Part 4

2.4K 107 1
                                    

AWTOMATIKONG nagsalubong ang kilay niya. Ilang sandaling pinakinggan niya kung saan nanggagaling ang tunog.

"May occupant na agad sa kabila?" sabi niya sa kanyang sarili matapos matukoy kung saan nagmumula ang ingay.

Hinayaan lang niya ang tila pagpupukpok. Mas nakabaling ang atensyon niya sa pag-iisip tungkol kay Aleli. Pero nang mapansin na tila hindi titigil ang ingay na iyon ay hindi na rin siya nakatiis.

Iritado siyang nagmartsa palabas ng unit niya at kumatok sa kabila.

Sa isip niya ay nag-uunahan na ang mga bagay na gusto niyang sabihin. Ipapamukha niya sa kung sinumang bagong lipat na alas onse na ng gabi. Gabi na ang ganoong oras para sa nakararami at nakakaistorbo na ito.

Pinindot niya ang doorbell. Lumipas ang ilang saglit na walang nagbukas sa kanya. Lalong nadagdagan ang iritasyon niya. Pinindot niya ang doorbell nang dalawang ulit.

Pagigil siyang bumuga ng hangin. Hindi niya alam kung tinitirya siya ng kung sinumang bagong lipat. Pumindot siya uli sa doorbell, sunud-sunod upang iparamdam sa kung sinumang nandoon na hindi na siya natutuwa.

Sa paglipas ng mga segundo na naghihintay siya sa pagbubukas ng pinto, pakiramdam niya ay dragon siya na nakahanda nang magbuga ng apoy anumang oras.

At nang sa wakas ay bumukas ang pinto ay bumuka din ang kanyang mga labi.

Subalit anumang salita na balak niyang sabihin ay hindi niya nagawa. Bumuka ang kanyang mga labi subalit pagkatapos niyon ay wala na. Daig pa niya ang isang taong natuka ng ahas at napatanga na lang sa kaharap.

Gusto niyang kurutin ang sarili. Gusto niyang makatiyak kung gising pa ba siya o nananaginip na.

Hindi iyon ang pagkakataong nakaharap niya ang isang guwapong lalaki. Matangkad, maganda ang tindig at maganda rin ang katawan. Ilang beses na ba siyang nakakita nang ganoong eksena sa mga palabas sa TV at pelikula?

Pero ngayon lang nangyari na sa mismong harapan niya nakatayo ang lalaking hindi niya tiyak kung Pinoy version ng namayapang si JFK, Jr. Guwapo na ay sexy pa. Bakit ba hindi ay nakahubad ito. Tanging tuwalya lamang ang nakatabing sa buong katawan. Makinis ang morenong balat. Tumutulo ang tubig sa buong katawan at naaamoy pa niya ang bango ng sabong pampaligo na ginamit nito.

Isang malakas na tikhim ang tila gumising sa kanya.

"Miss, may kailangan ka?" tanong nito, kaswal ang tono at suwabe ang tinig.

Hindi rin siya agad nakasagot. Kahit alam na niya ngayon na hindi pala siya dinadaya lang ng paningin ay pinagmasdan pa rin niya ito. Siguro ay naloloka na siya dahil wala siyang pakialam kung hantaran man ang gawin niyang pagtitig dito.

Hindi araw-araw na mangyayari yaong makakakita siya ng isang lalaking guwapo na ay halos nakabilad pa ang kahubdan sa kanya. He was so sexy. Agad na naglaro sa imahinasyon ni Alexandra kung ano kaya ang pakiramdam na yakap ng lalaking ito.

"Miss..." Higit na malakas ang tinig ng lalaki. At ang tono ay walang dudang ipinapaalam sa kanya na hindi lingid dito ang ginawang "pamimmiyesta" ng kanyang mga mata.

Parang noon naman siya biglang napahiya.

At tila noon lang din niya siguro napansing kanina pa nakaawang ang mga labi niya kaya mabilis niya iyong itinikom. At biglang pantakip sa pagkapahiya ay ibinalik niya kung ano ang nararamdaman niya kaninang bago siya pagbuksan nito ng pinto.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon