WG ALEXANDRA - Part 7

2.1K 79 2
                                    

"NAIILANG yata ako, Darling?" pabulong na sabi ni Alex dito habang hinihintay nilang bumaba si Al.

Nasa lobby na sila ng condominium at nakatakdang mamasyal sa mall. Pilit siyang isinama ni Darling kahit noong una ay tumatanggi siya. Ang katwiran ni Darling, paano siya mapapalapit kay Al kung hindi siya sasama.

"Sasabunutan kita riyan!" nakangiting banta nito sa kanya.

"Family day ninyo ito, eh. Baka sabihin ni Al, asungot ako."

"May narinig ka bang sinabi niya kanina noong sinabi kong inaya kita?"

"Wala."

Ang totoo, ni hindi nga niya nakitang nagkaroon ng munti mang pagtutol ang mukha ng binata kanina. Nginitian pa nga siya nito.

"Mommy, games," ungot ni Kendrick.

"Okay," mabilis na sagot ng babae dito at bumaling na naman sa kanya. "Kesa nagwo-worry ka diyan, ihanda mo na lang ang sarili mo. Usually, ang malling namin ay sa amusement center. Magkasundo si Kendrick at Al sa games. Ako nagtitiyaga lang na magbantay sa kanila. Pag nainip ako, pumapasyal nang kaunti. Ano, game ka?"

"Oo na." At kulang na lang ay magningning ang kanyang mga mata nang makita si Al na paparating na. "Sana effective itong ginagawa natin, Darling."

"Effective. Trust me."

"Let's go!" sabi ni Al nang makalapit ito sa kanila.

"Sa harap ka na, Alex," sabi ni Darling nang pasakay na sila sa kotse.

"Ha?" aniya at lihim din namang nagdiwang.

"Sa harap ka na at dito na kami ni Kendrick sa likod. Di siya puwede diyan sa harap, masyadong malikot. Nadi-distract si Al sa pagmamaneho."

"Oo nga, Alex. Dito ka na sa harap," segunda ni Al.

Kinindatan siya ni Darling.

"Sige," pa-demure na sabi niya.

Lihim namang siyang kinilig nang nakasakay na. Kahit may ilang dangkal na pagitan sa kanila ni Al ay magkatabi pa rin naman sila. Sumusunod ang tingin niya sa bihasang paggalaw ng mga kamay nito, at ganoon din sa mga binting kumikilos.

Naka-walking shorts lang si Al at sandals na Nike. Matipuno ang mga binti nito at hindi masyadong malago ang mga nakagapang na balahibo. Kasama iyon sa napagtuunan niya ngayon ng pansin dahil nang una niya itong makita, bagaman nakahubad ay masyado na siyang na-attract sa mukha at dibdib nito kaya hindi na niya napansin ang nasa mas mababa pa.

"Hindi ka ba marunong magmaneho?" tanong sa kanya ni Al na ikinagulat niya.

"Hindi, bakit?" sagot niya pagkuwan.

"Kaya pala nakatingin ka sa mga galaw ko, eh. Kapag observant kang ganyan, madali kang matututo."

"Sana nga. Wala pa naman kasi akong sasakyan kaya di ko pinagtutuunan masyado ng pansin ang pagmamaneho. Hanggang ganyan lang muna, patingin-tingin," sabi niya kunwari. Ewan niya kung ano ang iisipin ni Al kung matutuklasan nitong mga binti nito mismo ang pinagmamasdan niya at hindi ang pagmamaneho nito.

Nang makarating sila sa mall ay hindi naman sila agad nagbabad sa amusement center. Kumain muna sila sa Jollibee. Mas gusto sana ng binata na sa restaurant sila kumain subalit nang makita ni Kendrick ang Jollibee ay nagtatakbo na ito papasok doon.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraWhere stories live. Discover now