WG ALEXANDRA - Part 10

2.4K 101 1
                                    

BIHIRANG magbestida si Alexandra pero sa pagkakataong iyon ay pumili siya ng bestida na tiyak niyang magiging magandang-maganda siya. Alam niya, tutuksuhin siya ni Veronica kapag nakita siya nito. Hindi lang siya naka-bestida. Nag-apply pa siya ng makeup at nagwisik ng pabango.

At siyempre, hindi ubrang makakalimutan niya ng isang bagay na pinaka-partikular siya. Isang magandang sandals na binili niya sa Via Vennetto ang itinerno niya sa suot na bestida.

"Ang ganda-ganda mo," sabi sa kanya ni Al nang katukin na siya nito.

Napangiti naman siya nang matamis. Doon pa lang ay sulit na ang mahigit isang oras niyang paghahanda. Matagal na iyon dahil karaniwan nang nakakapaligo siya sa loob ng labing-limang minuto. Hindi naman kataka-takang magtagal siya dahil nag-deep condition pa siya ng buhok at nag-foot spa. Inilubog din niya ang sarili sa milk bath.

"Ikaw din, Al. Mas guwapo kang lalo," sagot naman niya dito. Totoo naman iyon. Nakaparagan ang Lacoste polo-shirt nito sa slacks na signature din. Casual ang gayak nito pero dahil mahusay itong magdala ng damit, talagang mas guwapo itong tingnan ngayon.

Napatawa ito. "Mukhang nagkakabolahan tayo. Tara na nga."

Napatawa din siya. "Pinuri mo ako tapos nu'ng ika ang pinuri ko, sinabi mong magkakabolahan na tayo? Hindi ka naman yata sincere sa pag-puri, eh."

"O, masyado ka namang nagseryoso. Hindi bola ang pagpuri ko sa iyo. Totoo. Bihira kitang makitang naka-bestida. At bagay na bagay sa iyo. Saka ang bango mo pa ngayon. I mean, mas mabango ka kesa sa ibang cologne na naamoy ko sa iyo dati."

"Thanks to Romance. Sabi nga ng iba, sa lahat daw ng pabangong gamit ko, pinakabagay sa akin ang Romance."

"Akala ko, mayroong isang espesyal na taong naghahatid sa iyo ng romance."

Umungol lang siya.

"Sabi ni Darling, wala ka pang boyfriend."

Sandali siyang nag-isip at lihim na kinilig. Senyales na kaya iyon na interesado na rin sa kanya si Al?

"Wala pa nga."

"Bakit naman? You're beautiful, you're nice."

"Salamat." At ikinibit niya ang mga balikat.

"Do you have suitors, Alex?"

Nagulat siya sa tanong nito. Pinakiramdaman niya ang sarili kung mao-offend. Pinili niyang huwag.

"Wala."

"Okay. Mula mamaya mayroon na."

"Ha?"

Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis. "You heard me."



"TAMA PALA ang tsismis," pabulong na sabi sa kanya ni Veronica habang iniinspeksyon nito sa kanya ang gown na isusuot niya para sa kasal ni Donna.

"Anong tsismis?"

"Guwapo nga ang kapitbahay mo. At driver mo pa ngayon, ha? Baka mabalitaan na lang namin, literal nang nagiba ang pader sa pagitan ng units ninyo."

"Gaga!" aniya pero hindi rin maitanggi ang kilig.

"Gaga ka rin," natatawang sabi ni Veronica. "Malapit na ang kasal namin ni Biboy. Kayo na lang ni Mica ang natitira. At malakas ang pakiramdam ko na ikaw ang susunod sa akin. Mukhang kayo na ng lalaking iyon," nguso nito kay Al na nakaupo sa receiving area ng shop nito.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon