WG ALEXANDRA - Part 6

2.3K 94 1
                                    

SUMUNOD na araw, mas sinipag si Alexandra na magwalis sa may pinto ng unit niya kahit na nga ba may building maintenance naman. Alam niyang may tao sa kabila. Nasabi sa kanya ni Darling na ilang araw muna ito doon. Nagbibiyahe ito ng mga bulaklak pero tuwing weekend lang kung kailan malakas ang demand. Naisip niya tuloy na ipakilala ito kay Caroline na may flower farm sa Baguio.

At dahil na rin kay Darling kaya nagkakaroon siya ng impormasyon tungkol kay Al. Negosyante din si Al. Dealer ito ng computer hardware at binabagsakan ang lahat ng malalaking computer store chain sa Metro Manila.

Sa lahat ng magkakapatid ay ang kambal lamang ang nasa Maynila. Lahat ay naka-base sa Ilocos province kung saan pinagyayaman ang lupang tinatamnan ng bawang at tabako. Sabi ni Darling, gusto rin naman nitong mamalagi sa probinsya. Iyon nga lang, hanggang ngayon ay nahihiya pa rin ito na nabuntis ng walang asawa at may abnormalidad pa ang anak.

Bilang pag-alalay dito ni Al, pinagsikapan na rin ni Al ang sinimulan nitong negosyo sa Maynila.

At dahil doon ay humanga naman siyang lalo sa binata.

Matatapos na siya sa pagwawalis pero hindi pa niya nakikitang lumalabas si Al. Inaasahan na niyang lalabas ito dahil may minamantini din itong munting opisina. At kaya lamang nawala ang mga ito ng ilang araw ay dahil sa may inayos pa ito sa bahay na iniwanan.

Siyempre, ang lahat ng iyon ay nalaman niya dahil na rin kay Darling.

"Ikaw na ba ang maintenance ngayon?" bati sa kanya ni Darling. Ito ang lumabas nang bumukas ang kabilang pinto.

Ngumiti siya. "Minsan kasi, hindi nawawalis na mabuti kaya ako na ang gumagawa. Don't worry, hindi ko naman winawalisan ang buong third floor."

"Maagang umalis si Al," sabi nito at sumandal sa dingding.

Sa ilang umaga na ganoon ang eksena nila, alam niya, nakaandar na naman si Darling na magkuwento. Sa mabilis ngang panahon ay naging kaibigan na niya ito. Naibsan nito ang pangungulila niya kay Aleli.

"Si Kendrick, tulog pa?" tanong naman niya, kunwa ay balewala sa kanya kung nakaalis na si Al kahit na nga ba ang matanaw ito ang misyon niya kaya siya nagtitiyagang magwalis sa labas kahit puwede namang hindi niya gawin iyon. Itinabi na niya ang hawak na walis tutal ay tapos na siyang magwalis.

"Tulog pa. Nag-tantrums na naman siya kagabi. Buti nga at hindi nag-iitsa ng gamit. May dating kasi ang batang iyon na nagiging bayolente. Balak nga namin ni Al na ipasok na siya sa special school.

"Sabi naman kasi ng espesyalista, maggo-grow pa si Kendrick basta nagabayan nang husto. Iyon nga lang, hindi siya kasing-normal ng iba but at least magkakaroon siya ng development. Ang problema ko naman ay ang pagkuha ng yaya. Ang hirap kasing kumuha ng yaya na mapagkakatiwalaan at magtitiyaga kay Kendrick.

"Ang gusto ni Al, tututukan ko si Kendrick at siya na ang bahala sa pangangailangan namin. Nahihiya naman ako. Si Al na nga ang sumasalo sa halos lahat ng needs namin. Iyong kita ko sa mga bulaklak, konti lang iyon kung ikukumpara sa gastos ni Al sa aming mag-ina.

"Iyong tatay ni Kendrick, ayun, buhay-binata pa rin. Wala talagang kuwentang tao. Wala siyang pakialam kahit alam niyang maraming pangangailangan ang anak niya. Kung sabagay, wala ngang gulugod dahil nung nabuntis ako, sa halip na panagutan ako ay tinalikuran nga ako," mahabang litanya nito.

Nakadama naman siya ng awa kay Darling. Sa ilang araw na pagkukuwentuhan nila tuwing umaga, naikuwento na rin nito sa kanya ang sawing pag-ibig nito. At ganoon din ang mataas na pagtingin nito sa sariling kapatid.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon