WG ALEXANDRA - Part 5

2.4K 101 1
                                    

KAHIT sanay si Alexandra na mag-isa lang siya maghapon sa bahay, mas dama niya ngayon ang pag-iisa. Siguro ay dahil alam niyang pagdating ng gabi ay wala namang Aleli na uuwi. Isang linggo na buhat nang pumisan si Aleli sa napangasawa nito. Oo nga at hindi na niya ito masyadong iintidihin kung anong oras darating pero di niya maiwasang malungkot. Iniisip niya ang buhay nito ngayong nag-asawa na ito.

Bahagya lang nakagaan sa pag-aalala niya rito ang pagtawag nito nang madalas. Sabi ni Aleli ay maayos naman ang kalagayan nito. Madali naman daw pakisamahan ang pamilya ni Henry. Ang mas inirereklamo nito ay ang nararamdamang madalas na panlalambot dala ng paglilihi.

Ilang beses na sumagi sa isip niya ang alukin na lamang si Aleli na doon pa rin sa kanya tumira. Puwede niyang ibigay dito ang kuwartong pinagsaluhan nila dati at lilipat na lang siya sa workroom. Pero siya rin ang kumontra sa sarili. Gusto niyang makita muna nito at ng lalaking pinili nito na kayang manindigan sa sariling mga paa.

At upang hindi siya gaanong malungkot, kung hindi siya nakatambay sa mall ay nakatutok siya sa libro ni NR Cordero. Ang ibang libro nga ng favorite author niya ay binasa na niya uli upang hindi siya masyadong malungkot.

At isa pang ginawa niyang past time upang maibsan ang lungkot ay ang isipin ang kanyang bagong kapitbahay.

Isang linggo nang madalas siyang nagwawalis sa may pintuan niya. Umaga, tanghali at gabi ay nagwawalis siya doon. Ang rasyon niyang diyaryo ay siya na ang kusang pumi-pick up sa lobby upagh magkaroon pa siya ng dahilan na lumabas. Pero ni minsan ay hindi niya nasilayan muli si Al.

Naiinis siya. Pagkatapos nang matagal na panahon ay ngayon lang siya uli nakaramdam ng matinding crush subalit maunsyami pa yata. Kahit na nga ba karelasyon na nito ang Darling na iyon, harmless naman ang pagkakaroon niya ng crush dito.

Napangiti siya sa huling naisip. Ewan niya kung harmless nga ba, pero minsan parang hindi lang crush ang nararamdaman niya para kay Al. Sobrang attracted siya sa lalaki. Kapag naiisip niya ito, mas madalas kaysa hindi ay nakahubad ito sa imahinasyon niya. At gusto niyang bigyan ng katwiran na nakahubad naman kasi ito nang makita niya.

Pero nagtataka na rin siya. Buhat noon ay wala na siyang naramdaman sa kapitbahay. Wala naman sa oras ang gising niya. Minsan ay gising siya kahit hatinggabi pero wala siyang nararamdaman anumang kilos sa kabila. Malamang kaysa hindi ay walang tao doon.

Pero ganoon pa man ay hindi siya sumusuko. Ngayon ay nagpasya siyang bumaba upang magmeryenda sa munting coffee shop sa ground floor ng condominuim building. Tutal ay hapon na, baka-sakali ay matanawan niyang dumarating ang crush niya.

Tunaw na ang yelo sa iced coffee at malambot na ang crunchy cookies na inorder niya subalit wala pa rin ang inaabangan niya.

Unti-unti ay nakakaramdam na si Alexandra ng pagkabagot. Naiinis na rin siya sa kanyang sarili kung bakit nag-aaksaya siya ng mahahalagang oras samantalang mas dapat siyang magpirmi sa workroom at gumawa ng bagong designs para sa imbitasyon. Kailangan din niyang mag-layout para sa mga CD na usong-uso na wedding souvenir ngayon.

Pero alam din naman niya ang sagot. Mientras tila ipinagkakait sa kanya ang isang bagay ay lalo siyang nagpupursige para doon. Kaya naman heto at nagtitiyaga siya sa pagbabaka-sakali na makita ang hinihintay niya.

At nang mapatitig nga siya sa pinto ay nakita niya ang taong laman ng kanyang isip. Papasok din ito sa coffee shop. Iyon nga lang hindi ito nag-iisa. Nakabuntot dito ang babae at isang batang lalaki na anim na taong gulang marahil.

Magkahalo ang tuwa at dismaya niya sa nakita.

At habang iniisip pa niya kung tamang makita siya nito o hindi ay nagkasalubong na sila ng tingin ng babae. Agad na ngumiti ito nang maluwang. Akay ang bata ay sa kanya na ito dumeretso ng hakbang.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon