WG ALEXANDRA - Part 3

2.7K 114 1
                                    

AT SA KABILA ng basted na si Jude nang gabing iyon ay nagpaka-genteman pa rin ito na inihatid si Alexandra sa bahay niya. Magaan naman ang loob niya. Alam niya, kahit nasaktan niya si Jude ay mananatili pa ring intact ang pagkakaibigan nila. Sport naman si Jude. Ipinaramdam man nito sa kanya na nalungkot ito sa desisyon niya ay inirespeto naman nito iyon.

"Thank you, Jude," aniya dito nang nasa may pintuan na sila.

"Don't mention it," nakangiti namang sabi nito.

Natawag ang pansin niya sa katabing condo unit. Inilalalabas ang mga kasangkapan doon.

"Saan ang punta, Michelle?" nakangiting tanong niya sa babaeng nakatira doon.

"Lilipat na kami sa Laguna." At lumapit pa ito sa kanila. "Puwede na naming tirhan iyong bahay na kinuha ni mister. Excited na nga ako, eh. Sa wakas, makakatikim na rin ako ng bahay na may sariling bakuran. Saka wala na akong iintindihin na babayarang upa buwan-buwan." At sa tono nito ay halata namang excited nga.

"Mawawalan na pala ako ng kapitbahay," aniya.

"Baka mayroon ding agad na mag-occupy dito. Noong isang buwan pa namin sinabi sa may-ari nitong unit na aalis kami. Malamang, naipaanunsyo na ng may-ari na mababakante ito. Siyangapala, kukumbidahin kita pag nagpa-housewarming ako, ha? Mga one month from now iyon siguro. Siyempre, aayusin ko muna iyong bahay."

"Sure! Basta sabihan mo lang ako."

"Of course. Magpapagawa rin ako ng imbitasyon sa iyo."

"Okay. Bibigyan kita ng discount."

"Thanks!" at makahulugan itong tumingin kay Jude.

"Si Jude nga pala," maagap namang sabi niya. "Kaibigan ko." At pinagkilala niya ang dalawa.

Ngunit tila hindi kumbinsido si Michelle. "Alex, kapag ikinasal ka, kumbidahin mo rin ako, ha?" nanunudyo pang sabi nito.

"Naku! Malabo pa iyon, 'no!" nakatawa na lang na sagot niya.

Iniwan na sila ni Michelle at ipinagpatuloy nito ang paghahakot ng gamit.

Kinapa niya sa bag ang susi. Sarado at madilim sa unit niya. Inaasahan na niya iyon dahil nagpaalam si Aleli na mayroon ding date. At bigla ay naalala niya ang isang bagay na dapat ay kanina pa niya itinanong kay Jude.

"Teka nga pala, may kilala ka bang NR Cordero?"

"Oo naman. Nagbabasa din ako ng libro ng taong iyon," mabilis na sagot ni Jude. "Di ba, marami ka ring libro ng writer na iyon?"

"Ang ibig kong sabihin, kilala mo ba siya personally?"

Mabilis din itong umiling. "Hindi. Bakit?"

Napapalatak siya. "Hay, naku, si Aleli talaga," nasabi na lang niya.

"Bakit?" tanong uli ng lalaki.

"Sabi ni Aleli ay kaibigan mo raw si NR Cordero."

Gumuhit ang pagtataka sa anyo ni Jude.

"Hayaan mo na lang iyon, kalimutan na natin."

Alam na niya ngayon na trick lang ni Aleli na kunwa ay kaibigan ni Jude si NR o ang kung sinumang boyfriend nito upang makipag-date siya sa lalaki. Pero hindi naman siya galit. Naisip niyang nakabuti na rin na nakipag-date siya kay Jude. Ngayon ay alam na rin ng lalaki na wala itong aasahan sa kanya.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraWhere stories live. Discover now