WG ALEXANDRA - Part 2

3K 111 2
                                    

"JENNA, alam mo namang mahal na ang lahat ng materyales ngayon. Hindi na nga ako nagtaas ng price kahit tumaas ang kuha ko ng supplies. Sabihin mo na lang diyan sa client natin na quality paper talaga itong invitation, acid free. Imported pa from Thailand iyong napili niya," paliwanag ni Alexandra kay Jenna habang magkausap sila sa telepono.

"Alam ko naman," natatawang sabi nito. "Hindi na ako naninibago sa mga kliyente natin. Kahit na can afford iyong iba, nagbabaka-sakali pa na maka-discount. Don't worry, ako na ang bahalang dumiskarte. Impressed sila sa designs mo kaya sigurado akong kakagat din sila sa presyo mo."

Napangiti siya. "Thanks! Just tell them, bibigyan ko na lang sila ng extra three invitations kapag mahigit sa isandaang piraso ang ipapagawa nila."

"Tatlo? Di ba, dati, lima ang free mo?"

"Ikaw naman, di ba, nga, mataas na ang kuha ko ng supplies?"

At nagkatawanan sila.

"Oo nga pala, papaalala ko sa iyo iyong Wedding Expo sa SM Megatrade Hall. Two weeks from now na iyon. Okay na yung slot na nakuha ko. Iyong mga brochure na ipamimigay natin doon, okay na ba?"

Taon-taon ay sumasali si Jenna sa expo ng wedding suppliers. At bilang wedding girls nito, kinukuha nito sa kanilang lahat ang mga business cards nila at brochures kung meron man upang ipamigay doon. Marami rin silang kliyenteng nakukuha dahil sa expo. At nagkakaroon din sila ng link sa ibang suppliers.

"Okay na iyong para sa akin. Ewan ko iyong sa ibang wedding girls. Sabi nila, magpapa-layout sila sa akin ng bago para daw mas updated. Si Veronica, magpapa-picture pa raw para sa latest creation ng wedding gowns niya. Wala namang kumokontak sa akin."

At dahil printer nga siya, basta may kinalaman sa layout ng printed materials ay sa kanya na rin nagpapagawa ang ibang wedding girls.

"Huwag mo nang asahan si Veronica. Masyado siyang in love sa mga panahong ito. Siguro, iyong dati na lang niyang brochure ang gagamitin tutal iyon pa naman ang contact numbers niya."

"Ibig sabihin, sila rin ng Biboy na iyon? Iyong best friend niya?"

"Ano pa nga ba. Katatawag lang dito ni Veronica. Kasalan na raw agad at hindi na pagtatagalin pa."

"Lahat ng wedding girls, nagpapakasal na!" bulalas niya.

"Parang ganoon na nga. Kayo na lang ni Mica ang hindi pa. Pero palagay ko ay malapit na rin iyan."

Tumikhim si Alexandra. "Si Mica siguro, puwede. Eh, ako? Sino naman ang pakakasalan ko?"

"Gasgas nang dialogue iyan ng mga wedding girls pero bigla na lang tatawag sa akin at sasabihinan akong ayusin ang kasal nila. So, I guess, hindi ka rin maiiba sa kanila."

"Hindi ako kagaya ni Veronica na may best friend na lalaki para bigla na lang magising na sila pala sa bandang huli."

"Ows?"

"My life is empty."

Humalakhak sa kabilang linya si Jenna. "Napakadramang pangungusap," tudyo nito.

Nagtawanan pa sila at nagkuwentuhan nang kaunti bago nagpaalam sa isa't isa.



NAGKAKILALA sina Jude at Alexandra sa kasal ni Jenna at Jaime. Kaibigang matalik ni Jude si Faith, isa ring wedding girl noong panahong sekretarya at assistant pa lang si Jenna ng Romantic Events ni Eve Olivares.

Wedding Girls Series 23 - AlexandraWhere stories live. Discover now