Simula

19.5K 480 70
                                    

Simula

Pinahid ko ang luhang namuo sa aking mga mata at malungkot na napangiti. Napamahal na sa akin ang lahat at napamahal na rin sa akin ang lugar na ito. Ito ang lugar kung saan namulat ako sa tunay na mundo.

Mahirap isiping sa unang pagkakataon ay lilisanin ko na ito at ewan ko ba kung makakabalik pa ba ako. Isang malungkot at mahirap na desisyon ang iwan ito ngunit wala na akong magagawa.

"Syden, tara na? Hinihintay ka na nila." Sabi sa akin ni Sister Martha sabay akay sa aking kamay. Malungkot akong ngumiti kay Juniper. Hinawakan nitong muli ang aking kamay na parang ayaw niya akong paalisin. Tutol man ay ako na mismo ang nagpumilit na alisin ang kanyang mga daliri sa pagkakahawak sa akin. Mas lumakas ang iyak niya at mas lalo pa akong hinatak. Napahikbi ako at hinaplos ang kaniyang buhok.

"Juni, ayos lang. Magkikita pa naman tayo. Alam mo namang hindi kita makakalimutan diba?" paglalambing ko at hinalikan ang kanyang noo. Parang isang kapatid na ang turing ko kay Juniper kaya naman mahirap rin sa akin na iwan siya.

"Ayoko, Syd! Ayoko! Dito ka na lang!" aniya at ikinulong pa ako. Sinulyapan ko ang iilang katuwang ni Sister Martha at katulad ko ay naaawa din sila sa akin-sa aming sitwasyon.

Bakit nga ba kailangang maging ganito? Bakit kailangan naming maghiwalay?

Sumenyas si Sister Martha na ilayo na sa akin si Juniper. Pikit matang nagpaubaya ako at wala nang nagawa nang maghiwalay na kaming dalawa. Iyak nang iyak si Juniper ngunit ngumiti ako. Ngiting nagpapahiwatig na magiging maayos ang lahat. Hindi naman ako lalayo. Bibisitahin ko silang lahat.

"Tara na Syden." Ani Sister Martha at hinawakan na ang aking kamay. Napayuko ako upang ihiwalay ang tingin sa umiiyak na kaibigan. Nagpatuloy kami ni Sister Martha sa paglabas ng orphanage hanggang sa nakarating na kami sa labas.

Doon ko nakita ang mag-asawang ilang ulit nang pabalik-balik dito at palagi akong kinakausap. Masasabi kong mababait naman sila lalong-lalo na ang babae. Ang lalaki naman ay mukhang may lahi dahil minsan ay hindi ko maintindihan ang pagsasalita nito kaya ang mas nakakausap ko ay ang babae.

Ngumiti ang babae sa akin. Sa kabila ng bigat nang loob ay ngumiti ako. Sa mga panahong palagi nila akong dinadalaw-dalaw ay sumibol ang isang pakiramdam na hindi ko pa naramdaman simula noon.

Ang pakiramdam na magkaroon ng mga magulang. Sa mga araw na iyon ay palagi silang may dalang kung anu-ano para sa akin. Hindi na siguro mapapantayan ang kasiyahang nadama ko simula noon.

Naramdaman ko ang pag-aalagang higit pa sa naramdaman ko sa tuwing inaalagaan kami ni Sister Martha.

"Pasensya na Agatha at umiiyak itong si Syden. Hindi nga mabitaw-bitawan ng kaibigan habang nagpapaalam." Sabi ni Sister Martha kay Maam Agatha.
Ngumiti ang huli sa kaniya at nilingon ako.

"Maganda pa rin naman po si Syden kahit na bagong iyak." Aniya. Namula ako sa munting papuri. Narinig ko naman ang mahinang tawa ni Sister Martha at saka ako bahagyang niyakap. Tumingala ako sa kaniya at nagtatanong na tumitig.

"Nasa magandang kalooban ka, Syden. 'Wag na 'wag mo sanang kalimutan ang mga itinuro ko sa'yo. Magpakabait ka doon at pasayahin mo ang bago mong mga magulang." Paalala ni Sister sa akin. Tumango ako at nilingon ang mag-asawa.

"Let's go?" aya ni Maam Agatha sa akin. Nagpaalam na kami kay Sister Martha at sumakay sa itim na sasakyan. Nasa likuran ako habang nasa unahan naman sina Maam Agatha at Sir Lyco.

"Nagugutom ka ba, Syden? We can stop by at the nearest drive thru." Nilingon ako ni Maam Agatha habang huminto ang sasakyan dahil sa traffic. Bahagya akong nahilo dahil hindi ako sanay sa mga ganitong sasakyan at kapag kakain pa kami ay baka masuka pa ako.

If I have Nothing (Absinthe Series 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon