CHAPTER 29

4.8K 309 44
                                    

❦❦❦

Ipinatong ni Layla ang puting belo sa pulang buhok ni Ellis, mula sa manipis na tela ay kitang kita mo ang magandang ayos ng buhok ng dalaga.

Nakapuyod ito at pinapalamutian ng mga puting maliliit na bulaklak, may kakaunting hibla din ng buhok niya ang nakaladlad at kinulot nila ito saka pinalamutian ng ornamento.

Simple lang ang kolorete ng prinsesa sa mukha, bahagyang dampi ng mga kulay na mapula at ginto. Parang tema ng taglagas ang mga kulay na nilagay nila sa mukha ng dalaga na babagay sa maputla nitong balat.

Ang manipis na labi niya ay kinulayan ng maputlang kulay ng pula at simpleng mga alahas naman ang isinabit sa kaniya upang bagayan ang puti niyang bistida.

Tila siya na ang pinakamagandang babae sa buong emperyo sa mga oras na iyon, halos puriin din siya ng bawat makakita sakaniya miske ang kaniyang ina na puno ng luha sa mata.

Ngunit sa kabila ng kagandahang panlabas na iyon ay ang paghihirap niya sa loob dahil sa sakit niyang dinadala.

Sa mga lumipas na araw ay damang dama niya ang mga sintomas at atake ng sakit niya sa puso. Ngunit iniinda niya ang lahat ng ito at dinadala sa gamot upang matuloy lang ang araw na ito.

"Aww, napakaganda talaga ng kapatid ko," napalingon siya sa kapatid nakararating lamang.

"Ba't ngayon ka lang? Saan ka na naman humarot bago mo puntahan ang maganda mong kapatid?" Tumawa lang ito at niyakap ng mahigpit si Ellis.

"Hoy! Kuya yung damit ko magugulo," sabi nito ngunit hindi umiimik ang maingay niyang kapatid at patuloy lang sa pagyakap sakaniya.

"Hayaan mo muna si kuya na yakapin ka bago kita ialay sa Dark Lord na iyon," napatawa na lang siya kahit na halata niya sa tono ng boses ng kaniyang kapatid ang panginginig nito.

Tila pinipigilan ang pag-iyak at nagpapakatibay para sa mahal niyang kapatid.

"Argus! Bitiwan mo na ang kapatid mo at baka magulo pa ang ayos niya!" Utos ng kanilang ina at mabilis na bumitaw si Argus sa kaniyang kapatid sabay lahad ng braso nito.

"Tara na?" Tanong niya at tumango si Ellis sabay sungkit ng kamay niya sa braso ng kapatid.

Pumunta sila sa Royal garden kung saan namumukadkad ang mga pulang bulaklak na simbolo ng house Mc Allister.

Sa tabi ng sapa ay may nahandang lugar para sa gaganapin na kasalan, sobrang simple lang ng pagkakaayos dito at halos bilang lang ang taong pwede dumalo.

Kaya naman lahat ng importanteng tao sa buhay nilang dalawa ang maaaring umupo sa mga bakanteng upuan doon.

Tumunog ang isang musika na sobrang lamig sa tenga, kasabay nito ang paglakad ng mga panauhin sa kani-kanilang upuan.

Pagpwesto nila ay agad nilang nilingon ang bride na papalapit na sa altar kasama ang kaniyang ama.

"Pa, handa ka na ba?" Bulong niya sa kaniyang ama na halos maiyak na at mahigpit ang kapit sa mga kamay niya.

"Hindi pa ata anak," banggit nito at natawa na lang si Ellis saka naglakad kasabay ng pagbabago ng musika.

Nang simulan nila umapak sa pulang alpombra na nakalatag sa damuhan ay nagsipalakpakan ang mga bisita at dinama ang imahe na tatatak sa kaniyang isipan.

Re:WriteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon