KABANATA XIII

83 57 9
                                    

JESSICA


Nakakagulantang kong isinara ang pinto ng sasakyan ko sapagkat hawak ko sa magkabila kong braso ang mga pinamili ko.

Dahan-dahan akong pumasok sa compound nina Chlea habang binabati ang ilang mga panauhin sa labas na umagang-umaga pa lamang ay dumako na upang bisitahin siya.

Ilan pang mga hakbang bago ko masapit ang mismong pinto ng kanilang bahay ay naramdaman kong may humawak sa mga paa ko.

Agad ko itong liningon sa baba dahil sa pagkagulat at nakita ko ang munting dilag  na pilit kong hinuhuli ang mukha sa likod ng mga pinamili ko.

"Hello po tito Jimuel." Sabi ni Jessica na mahigpit ang pagkakapulupot ng mga kamay sa aking kaliwang paa habang tumitingala sa akin.

Bakas sa kaniyang mga mata ang kawalan ng muwang sa mga nangyayari. Walang problema, walang inaalala at walang alam na ang kanilang ina ay pumanaw na.

"Oh, bakit ka narito sa labas Jessica?" Tanong ko habang tinitingnan pa rin siya na nasa paa ko.

"Kanina ko pa po kayo hinihintay e." Sabi naman niya at tinanggal na ang pagkapulupot nito sa kaliwang paa ko.

Dahil sa pagkangalay ng mga braso ko kasabay ng pagngalay ng aking leeg, ibinaba ko ang anumang mga bitbit ko at itinupi ang mga paa ko upang maharap ko ang munting dilag na si Jessica.

Agad naman itong kumawala at nagmistulang magkasukat na ang aming laki. Aking hinaplos ang kaniyang malambot na buhok at may katamtamang haba na naiayos gamit ang kaniyang mala-rosas na kulay ng headband.

"Sana hinintay mo na lang ako sa loob." Sabi ko at bahagyang ngumiti siya.

"Pati po kasi si mama hinihintay po kayo." Sagot naman niya habang itinuturo ang loob ng kanilang bahay.

Bigla akong napangiti dahil sa kawalan ng muwang ng batang ito. Ang kaniyang mga mata'y dalisay na ipinapakita ang pagkainosente sa bawat pagsambit niya ng kaniyang mga salita.

"Ganun ba? Oh siya sige. Pasok na tayo." Yaya ko sa kaniya at tumayo na ako nang mabuhat ko ang mga pinamiling inilapag ko kanina. Ngunit bago pa ako humakbang ay nagsalita uli siya.

"Puwede pong ako na magbuhat nung isa tito?" Sabi nito at natuwa naman ako.

"Sige ba." Sagot ko at ibinigay sa kaniya ang pinakamaliit na bag na binitbit ko.

Walang ano-ano ay karaka na siyang pumasok kaagad sa loob ng bahay at dumiretso sa kusina kung saan naroon ang kaniyang lola.

Bagaman bata sa kaniyang edad, Napakamatulungin niya, napakamasiyahin at higit sa lahat napakamapagmahal na bata.

Hindi man napunta si Chlea sa isang lalaking mag-aalaga sa kaniya, naalagaan naman niya nang mabuti ang kaniyang mga anak, naturuan ng mga mabubuting bagay at minahal niya nang tunay.

Napakahirap lamang isipin na malaking kasinungalingan ang nagawa naming lahat sa kanilang magkapatid.

Naging mapagsamantala kami. Sinamantala namin ang kanilang kawalan ng muwang para paniwalaan nila ang mga bagay na pawang kasinungalingan.

●●●●●

Muli akong nagpaalam sa kumpaniyang pinagtatrabahuhan ko na medyo mahuhuli muna ako sa pagpasok ngayon.

Narito ako sa sala nina Chlea kung saan namamalagi ang kaniyang magandang silid, ang kaniyang malambot na higaan na pinalilibutan ng mga magagandang bulaklak at mga nakakasilaw na mga kandila.

Tinutulungan ko ang mama niya na mag-ayos ng mga gamit ni Chlea na kailangan nang isama sa kaniyang puntod sa araw na ihatid na namin siya sa kaniyang huling hantungan.

"Lola, tito. Bakit ganito ang higaan ni mama. Hindi po ba mainit sa loob?" Biglang tanong ni Jessica na kanina pa pinagmamasdan ang kaniyang ina sa loob ng kaniyang magandang silid.

"Nako Jessica. Marapat lang na mainit ang higaan ng mama mo para hindi siya lamigin habang nagpapagalig." Karakang sagot ng mama ni Chlea kay Jessica at nakangiting tumingin sa akin na para bang nagsabi lamang ng isang biro sabay angat ng kaniyang mga kilay.

"Kailan po ba siya gagaling lola?" Isa pang tanong ni Jessica habang patalon-talon sa tabi ng kabaong ng kaniyang ina.

"Miss ko na po kasi si mama lola." Sunod nito at bigla na lamang tumabi sa kinauupuan ko nang mapagod sa kakatalon.

Hindi ako mapakali habang iniisip ang mga sinasabi niya kaya agad ko siyang binuhat. Nanlaki naman ang kaniyang mga mapupungay na mata nang iangat ko siya sa ere na nakakandado ang mga paa sa aking mga braso.

"Halika at tingnan mo ang mama mo Jessica." Sabi ko habang inilalapit siyang buhat-buhat ko.

Nagkaroon ng kaunting katahimikan sa pagitan naming dalawa na pawang pati ang mga bisita sa labas ay natahimik din.

Walang emosyon ang nahinuha sa mukha ni Jessica kundi tanging pinagmasdan lamang niya ang kaniyang ina.

"Napakaganda niya diba." Sabi ko at bigla siyang napatingin sa akin.

Gulat ang kaniyang mukhang iniharap sa akin. Inisa-isang tiningnan ang lahat ng parte ng aking mukha at muli, nagsalita siya.

"Crush niyo po ba si mama ko tito Jimuel?" Seryosong sambit niya sa akin at bigla akong napabaling sa mama ni Chlea.

Nagngitian kami nang saglit ng lola niya at muli kong hinarap si Jessica. Tuliro, at sadiya sigurong nagulat sa sinambit ko kanina na napakaganda ng kaniyang ina.

"Oo Jessica. Crush ko ang mama mo noon kasi tulad mo, napakaganda niya. Hindi ba?" Masayang sabi ko at nakita kong ngumiti siya nang bahagya. Kaniyang ibinaling ang atensiyon sa kaniyang ina.

"Huwag niyo po aagawin siya kay papa namin tito ha." Inosenteng giit niya at napatawa nalang kaming dalawa ng kaniyang lola.

Kung alam lamang ni Jessica kung ano ang naging nakaraan namin ng kaniyang ina, siguro ay hindi niya aakalain na magagawa kong agawin ito kay Jess na siyang dahilan kung bakit naramdaman ni Chlea na hindi ako naging sapat para sa kaniyang pag-ibig.


JESSICA

Wasn't Enough #Mus-alonlymAward20Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon