Probinsiyana 26

4.2K 243 8
                                    

Third Person

Sa isang liblib na lugar ng Witchville ay walang tigil sa pag-iyak ang isang bata. Umuulan ng malakas kaya dumadaloy sa paligid ang dugo na nagmumula sa naghihingalo niyang mga magulang.

Tahimik silang namumuhay sa kanilang lugar ngunit bigla silang nilusob ng mga bandidong kalahi niya rin.

Ang kanyang ina ay isang simpleng
Witch at ang kanyang ama naman ay isang mahinang Caster lamang. Kaya nang nangyari ang paglusob ay kabilang sila sa mga hindi nakaligtas.

"Ina! Imulat mo po ang mga mata mo! Diba po...babasahan niyo pa ako ng...ng magandang kuwento?" humihikbing wika ng bata kaya napangiti ng mapait ang kanyang ina.

"K...at...us. Di..ba...marunong ka nang mag..basa? Diba...magaling...na ang anak...ko?"

"Opo, ina! Tulad ng gusto mo ay pinag-igihan ko ang aking pag-aaral. Ngunit gusto ko pong ikaw ang magbasa sa akin. Gustong gusto kong marinig ang boses mo bago ako matulog."

"Ma..hal...na- -" Hindi na natapos ng ina ang kanyang sasabihin dahil tuluyan na siyang naging halaman at tuluyang nalanta.

Ito ang nangyayari tuwing namamatay ang mga gumagamit ng mahika. Kung ang mga bampira ay nagiging abo, at ang mga taong-lobo ay nagiging buhangin, sila naman ay nakadepende sa klase ng mahikang ginagamit nila tuwing nabubuhay pa sila.

"INAAAAAA!!!! AMAAAAAA!!!" walang humpay na sigaw ng bata nang makita niya ring natupok ang katawan ng kanyang ama.

Alam niyang naglaho na sila nang tuluyan.

Bigla siyang napatingin sa napakadilim na kalangitan na tanging mga kidlat lang ang nagbibigay ng katiting at panandaliang liwanag.

"TATANDAAN KO ANG GABING ITO HANGGANG SA AKING HULING HININGA! IPAGHIHIGANTI KO ANG AKING MGA MAGULANG! AKO AY MAGIGING MALAKAS AT WALANG KAPANTAY!"

Tulad ng kanyang pangako noong gabing iyon, ginawa niya ang lahat upang mabuhay. Mahirap man para sa kanya ang lumaking walang mga magulang, nakaya niya ito.

Napakadilim ng daang kanyang tinahak. Ilang beses nang nalagay sa alanganin ang kanyang buhay ngunit nagawa niya itong malagpasan lahat.

Sa halip na magpadala siya sa kanyang estado, ginamit niya itong inspirasyon upang maging mas matatag. Upang maging mas magaling. Upang maging mas malakas. Upang maipaghiganti ang nasawi niyang mga magulang.

Isang lalaki ang kumupkop sa kanya. Isang kakaibang Caster na nagpakilala sa kanya bilang isang Cursecaster. Sa mga panahong iyon, bago pa lang ang mga tinaguriang Cursecaster.

Sila ang mga Caster at Mages na mas pinagtutuonan ng pansin ang mundo ng mga sumpa. Dahil gumagamit sila ng bahid ng Dark Magic ay itinakwil sila ng karamihan, ngunit patuloy silang nabuhay. Patuloy silang lumakas. At patuloy silang namayagpag.

Hanggang sa dumating na sa tamang edad si Katus at nag-iba na ang lahat sa kanya. Mula sa mahina at kaawa-awang bata ay naging isa siyang kilalang Cursecaster. Lalo pa noong namatay ang kumupkop sa kanya at siya ang napag-iwanan ng lahat ng ari-arian nito.

Ngunit lingid sa kaalam ng lahat, ang tinitingalang si Katus ang pumatay sa kumupkop sa kanya. Habang lumalaki kasi si Katus sa poder nito ay madalas siyang makaranas ng kapangahasan at kalapastangan mula rito. Doon siya namulat sa kakaibang anyo ng buhay, mas masalimuot, mas masahol, mas malaswa, mas kahindikhindik, mas karumaldumal, at mas marahas.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nahumaling siya sa buhay na kanyang kinagisnan.

Naghangad siya ng mataas. Isinantabi niya muna ang paghihiganti at ginugol ang panahon sa pagpapalakas.

Binasa niya ang lahat ng aklat na laman ng malaking aklatan ng kumukop sa kanya. Ginawa niya ang lahat upang matutunan niya ang iba't ibang klase ng mahika. Kahit ang mga pinagbabawal na uri ay sinubukan niyang alamin. Gumamit siya hindi lang bahid ng Dark Magic, kundi ang kabuoan nito mismo.

Tulad ng inaasam niya ay naging malakas nga siya. Namayagpag ang kanyang pangalan at kinatakutan siya ng iilan.

Muli, binuhay niya ang paghihiganti sa kanyang puso na matagal nang nakahimlay.

Hinanap niya ang mga bandidong pumaslang sa kanyang mga magulang. At nang malaman niyang may katungkulan na ang mga ito sa mataas na konseho ng mga salamangkero ay mas naglakas-loob siyang paghigantihan ang mga ito.

Gusto niyang ipamalas ang kanyang taglay na kapangyarihan. Gusto niyang mas makilala siya at katakutan.

Isang araw, sa gitna ng pagpupulong ng mga konseho ay mag-isa niya silang nilusob.

Pinagtawanan siya ng lahat dahil akala nila ay nahihibang lang ito. Ngunit hindi nila inaasahan ang sumunod na naganap.

Isa-isa niyang pinaslang ang labindalawang malalakas na konseho nang wala manlang kahiraphirap. Maging ang mga walang kinalaman sa pagpatay sa kanyang mga magulang ay pinaslang niya rin.

Tumatak ang kaganapang iyon sa kasaysayan ng kanilang lahi. Naisulat siya iilang lathain at patuloy na dumadaloy ang kanyang pangalon na tila isang batis na walang katapusan.

At oras na marinig nila ang kanyang pangalan, kakaibang takot at pangamba ang kanilang nararamdaman. Dahil alam nilang panganib ang dala ng pangalang iyon. Ang pangalan ng tinaguriang pinakamalakas na Cursecaster sa kasaysayan.

Ang pangalang, KATUS CONSTANTINE.

Meant To BeOnde histórias criam vida. Descubra agora