Sandalang Dakila sa 'Sandaang Pagkabangga

15 0 0
                                    

Tuluyan mang nadawis yaong mga abâng paparo,

Sa lipad niring buhay na pinagsaklukban ng yelo.

Silang apuhap ang nektar, katarungang sinasamo,

Na hinablot ng naghaharing laywang huramentado.

Akayin Mo ang paparong pinagal ng alimpuyo,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


'Pagkat dinig ng langit ang bawat palahaw sa baba,

Kung kaya't nasunod yaong masaklap na itinakda,

Nang malinis bawat tupa sa karungisan ng salà.

Silang paaamuhi't bigyan ng p'wang sa Kan'yang lungga,

At doon na sisimulan ang magarbong paghahanda,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


O, kaming abâng lingkod na minsan sa Inyo'y lumabag,

Sa bawat katuruang nasilayan ngayon sa hapag.

Mapangrahuyo ang labas, sinusubok aming tatag,

Kung ano ang kikilingan, sa karimla'y walang palag.

Buksan Mo ang aming mata nang bukas ay 'di na hungkag,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


Nasa arawan ng sampayan ng sumpa— kaming sal'wal,

Basá ng mga luha, natutuyo na't nasasakdal.

At, muling bubuhos ang langit ng yelong makakapal,

Nadatnan ng singaw; bukás 'sasampay na hinihingal.

Patuyuin Mo ang bawat luha at pusong pinagal,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


Sakáyan ng musmos sa katotohanan ang pamanhik

Sa t'wing nauuhaw, paroroon sa ilog na hitik.

Kung saan madaratnan ang tunay na pagkasasabik

Sa biyayang hatid na kasiyahan, walang paghibik.

Turuan Mo akong languyin ang paraisong siksik,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


O, nawa'y pasukin Mo ang bagáng napunó ng sakit,

Hipan ang sigwang dito'y nanahana't rumaragitnit.

S'yang modernong barabas, sa kanila'y t'yak na pumiit,

Nagmay-ari ng katawang 'di sa kan'ya— mapanakit!

Paalisin Mo ang bayrus na sa mundo'y namilipit,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


Lumipas ang Kapaskuhang tila tayo'y nagsi-idlip,

Nagdiwang sa kabila ng mga delubyong nanghagip,

Hinagis ang malas sa sant'waryong dagat na masikip,

At doon, wala na siyang puwang sa ati'y sumilip.

Sa langit, tanglaw ka, Ama; proteksiyon ang kalakip,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!


At ngayong Bagong Taon, damhin ang pag-asa't pag-irog,

Ng Anak na binisita sa sabsabang walang tugtog.

Sa tingkad ng tanglaw sa taas, matatakot ang kulog,

Magpapalakpak ang buwan, magsisiluhod ang hamog.

Nagtalikod na ang taon, ngayo'y may bagong pasabog,

O, Anak ng D'yos, sa Iyong pagbaba sa sanlibutan!

• Piyesa na Ipinasa Sa Diwang Malaya noong Enero 15, 2020 •

Luna at PlumaWhere stories live. Discover now