Heneral Mabaya

3 0 0
                                    



Punó na ang puno ng naghaharing mga duklay,

'di na magkauugnay ang nalipol na mga sangay,

naglalaban ang palaban at walang labang kulay,

sa gitna ng walang kalutasang pagwagayway.

Saan ka sa kulay ng bahagharing tugon sa kadiliman,

sa pag-agos ng naglulupasay na katawan?

Naririyan pa ba ang tingkad ng kabutihan,

o sadyang yapak na lang pakay ninyo sa karapatan?

Sa bayang sinakop ng nakaraang pyudalismo,

alipin sa katayuan at henerasyon ng bakal na kamao.

Kaming ninanais ang pagkakapantay-pantay ng tao,

sa likod hinahampas sa bawat galaw ng buto-buto.

Iba't ibang kulay ma'y masining kung itanghal,

mabaya sa makabayan, rinig ang mga pagal,

tungkod ng hingal sa paghinga ng hangal,

pagbaha ng kulay-dugo sa minsang pagsinghal.

Boses namin ang inyong bigyang pansin,

si Heneral Mabaya ang dapat paghariin;

kulay ng karapata't ito ang layunin:

iwagayway ang tama, mapayapang lupain.

Luna at PlumaWhere stories live. Discover now