Chapter 14

34 4 0
                                    

"Kaya nagagalit ako sa tatay mo at bakit iniwan niya kayong lahat sa akin!" patuloy na palatak ni Mama habang kumakain ako. "Pero hindi ko naman hiniling na sana ay may kunin siya sa inyo, hmp!"

Napangiti ako. Saglit akong nag-angat ng tingin kay Mama. Nakapamaywang siya at hindi na maipinta ang kaniyang mukha. Panay ang panenermon niya. Alam kong galit pa rin siya sa akin, pero hindi naman ako nito nilayasan sa kusina.

Naroon lang siya nakahilig sa gilid ng lababo, tila ba binabantayan ako at tinitingnan kung may kailangan pa ba ako, o kung may gusto ba akong kainin. Suot niya ang mahabang duster, nakapusod ang kaniyang buhok at mukhang patulog na rin.

"Mahigit twenty five years na akong biyuda at sa loob ng taong iyon ay puro pasakit ang dala niyo sa akin! Kaya hindi niyo ako masisisi kung bakit ako ganito! Buong buhay ko na wala ang ama ninyo ay inalagaan ko kayo, ni hindi ko na inisip na mag-asawa pa ulit, para kahit man lang ay may katulong ako sa buhay. Pero mas inisip ko pa rin ang kapakanan ninyong magkakapatid."

Sa lahat ng sinasabi ni Mama ay paulit-ulit lang akong tumatango. Una pa lang ay naiintindihan ko naman siya. Siguro ay nagalit din ako na ganoon ang trato niya sa akin, pero valid naman lahat ng nararamdaman ni Mama sa kabila ng mga pinagdaanan niya sa buhay na wala si Papa sa tabi niya.

"Gusto mo rin bang gumaya sa akin, Jinky?" utas ni Mama dahilan para saglit akong huminto sa pagkain. "Ang magpalaki ng anak na wala ang ama ay sobrang hirap. Baka hindi mo kayanin."

Hindi ako nagsalita. Bagkus ay nagpatuloy ako sa pagkain at isinawalang bahala ang sinabi niyang iyon.

"Kaya sino ba ang nakabuntis sa 'yo? Hahanapin natin! Ayaw man niya o gusto ay kailangan ka niyang panagutan!"

Ayoko pa munang magkwento kay Mama patungkol sa nangyari sa akin sa Isla Mercedes. Alam ko na tanggap na niya ako, pero alam ko ring tatawanan lang niya ako. Magagalit siya at aabot hanggang bukas ang sermon niya sa akin.

Masyado akong napagod sa buong araw kong pagbiyahe at gusto ko na lamang din na matulog. Matapos kong maligo at magpalit ng ternong pajama ay naupo ako sa dulo ng kama. Tinutuyo ko pa ang buhok ko.

Si Mama naman ay buhay na buhay at nagawa pa niya akong sundan dito sa loob ng kwarto ko. May dala siyang kape na halos umalingasaw ang aroma nito sa paligid dahilan para pisilin ko ang aking ilong.

"Ma, bukas na ako magkukwento," impit kong sinabi ngunit tinarayan lang niya ako.

"Oo, hindi ko naman sinabing magsalita ka! Binabantayan lang kita, kaya sige na, matulog ka na riyan!" angil ni Mama.

"Hindi po ako makakatulog at masakit sa ilong 'yang kape niyo."

"Diyos ko, ang arte," bulung-bulong niya, pero saglit ding lumabas upang iwan doon ang kape niya.

Muli siyang bumalik sa loob, sa pagkakataong ito ay pumwesto siya sa gilid ng kama. Nakahiga na ako at balak nang matulog. Hindi naman na rin nagsalita si Mama, tunay na gusto lang niya akong bantayan.

Dahan-dahan akong pumikit habang yakap ko ang isang unan sa dibdib ko. Hindi ko alam kung hanggang anong oras akong binantayan ni Mama, o kung dito na rin ba siya sa kwarto natulog.

Tinanghali ako ng gising kinabukasan, kaya hindi ko nalaman ang sagot. Mahaba man din ang naging tulog ko ay ramdam mo pa ring inaantok ako. Balak ko pa sanang bumalik sa pagkakatulog kung hindi ko lang naririnig ang ingay mula sa sala.

Marahan akong umahon mula sa pagkakahiga ko. Tinanggal ko ang kumot at sandaling tinupi iyon. Nagsuot ako ng tsinelas at masyadong malamig ang sahig sa araw na iyon dahil na rin sa magdamag na pag-ulan kagabi.

Nights Of PleasureWhere stories live. Discover now