Chapter 17

27 3 0
                                    

"Kailangan mo ba talaga 'tong gawin?" tanong ni Calvin habang nakatingala sa akin.

Abala kong tinitingnan ang sariling kabuuan sa isang whole body mirror mula sa kwarto ko. Suot ko ang isang mustard long sleeve na terno ang kulay itim na pencil skirt. Naka-flat shoes lang din ako.

Nakaayos na ako't lahat; light make up lang ang ginawa ko. Tuyo na rin ang buhok ko sa sobrang aga kong mag-ayos. Hindi lang ako mapakali katitingin sa salamin. Kinakabahan kasi ako at ito ang magiging unang araw ko sa Dela Vega Publishing House.

Oo, babalik na ulit ako roon. Tinanggap ko ang alok ni Sir Melvin at nakakahinayang naman kung palalampasin ko iyon. Trabaho iyon, kailangan kong makaipon hindi lang para sa sarili ko, para na rin sa itataguyod kong pamilya kasama si Calvin.

"Hindi naman nakakapagod sa Pub House, Calvin. Magdamag lang akong nakaupo roon, nagre-review ng mga stories na ipinapasa online. Paminsan-minsan ay tumatayo para kumuha ng tubig, o 'di kaya ay kape—"

"Bawal ka nang magkape, hindi ba?" agap niya, kaya dagli akong natawa.

"Oo nga pala."

"At hindi na kagaya sa munisipyo sa Isla Mercedes na pwede kitang puntahan at bantayan. Hindi ako matatahimik dito, Verra," pahayag ni Calvin.

Dinungaw ko siya kung saan nakaupo ito sa dulo ng kama. Akap-akap niya ang baywang ko na para bang ayaw talaga akong pakawalan. Natawa na lang ako dahil mukha siyang batang nagmamakaawa sa nanay niya na huwag nang pumasok sa trabaho.

"Calvin, makinig ka, magtatrabaho ako para sa atin. Para sa magiging pamilya natin," malumanay kong sambit.

"Kaya naman kitang buhayin, Verra. Kaya kong ibigay lahat sa 'yo." Lumamyos ang kaniyang mukha, tila ba nasasaktan na kailangan ko pa itong gawin.

"Alam ko iyon, Calvin. Pero alam mo rin na hindi ako mapapakali rito sa bahay kung tatambay lang ako buong maghapon."

"Pwede tayong mamasyal araw-araw para hindi ka maburyo."

Napangisi ako. "Gagastos ka pa para riyan. Ito, at least, susweldo pa ako."

"Delikado sa baby natin. Hindi rin magtatagal ay lalaki ang tiyan mo. Bawal ka nang magsuot ng masisikip na damit."

Tuluyan na akong namaywang sa harapan ni Calvin at ako ay naiinis na. Ura-urada naman siyang umayos ng upo. Nagulat pa ako nang itaas niya ang blouse ko, kasunod nang paghaplos niya sa tiyan ko na hindi pa naman ganoon kahalata ang umbok.

"Baby, please, tulungan mo ako sa Mommy mo. Ayaw niyang makinig sa akin," anang Calvin habang nakatitig sa tiyan ko.

Tuluyan na akong humagalpak ng tawa. Hindi ko rin talaga matiis iyong pagkainis sa kaniya. Madali lang para sa kaniya na patawanin at pasayahin ako kahit sa maliliit at mumunting bagay.

May kung anong humaplos pa sa puso ko sa paninitig ko kay Calvin, nasa palad niya ang baby namin. Bakas sa kaniyang mga mata ang tuwa at excitement sa paglabas ng anak namin. Maging ako man din, kahit natatakot pa sa katotohanang lalabas iyon sa pwerta ko ay excited na rin ako.

Hindi nagtagal, ano man ding pagpipigil sa akin ni Calvin ay wala rin siyang nagawa. Matapos magpaalam kay Mama na papanhik na ay pareho na kaming lulan ngayon ng kotse niya patungo sa Pub House.

Malakas ang tibok ng puso ko, malamang sa sobrang kaba. Nakatulala lang ako sa labas ng bintana kung kaya ay hindi ko rin namalayang nakahinto na pala ang kotse sa harap ng Dela Vega Publishing House.

Maagap akong nilingon ni Calvin. Dumukwang siya sa pwesto ko at siya na rin ang nagtagal sa pagkaka-lock ng seatbelt ko. Nabalik ako sa reyalidad. Nagkatinginan kami ni Calvin. Nagtatampo man din ang itsura niya ay ngumiti pa rin siya.

Nights Of PleasureOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz