Chapter 10

606 52 2
                                    

Totoong wala na akong naging pakialam pa sa paligid ko. Sa natitirang oras ko sa munisipyo ay inabala ko ang sarili sa trabaho. Hanggang sa dumating ang oras ng uwian. Kaagad akong tumayo matapos kong ayusin ang lamesa ko.

Bitbit ko na ang sling bag ko. Saglit lang akong nagpaalam sa guard na nasa labas bago dere-deretsong nilisan ang munisipyo. Hindi na ako nagpaalam. Total ay wala na rin naman na silang pakialam pa.

Bakit pa ako mag-aaksaya ng panahon na ipagpilitan ang sarili ko? Kung hindi ako kawalan sa kanila, ganoon din sila sa akin. Kung ano man ang ipinapakita nila sa akin ay iyon din ang ibabalik ko sa kanila.

"Verra!" maagap na pagtawag sa akin dahilan para mapahinto ako sa paglalakad.

Nang malingunan ko iyon ay nakita kong si Ma'am Darlene iyon na kalalabas lang din. Lakad-takbo ang ginawa niya para lang lapitan ako. Nangunot ang noo ko habang hinihintay siyang makalapit sa akin.

"Nakalimutan mo ito sa lamesa mo," mahinang sambit niya at saka pa inilahad sa harapan ko ang lunch bag ko.

Mabilis ko iyong kinuha. "Salamat, Ma'am."

"Walang anuman." Tipid siyang ngumiti, naging alanganin din ang itsura niya na para bang gusto pa niyang dumugtong.

"Mauna na po ako," casual kong pahayag.

Tumalikod ako ngunit napatigil ulit nang hawakan niya ang braso ko. Muli ko siyang nilingon at maiging tinitigan. Lumikot ang dalawang mata niya. Kalaunan nang mapabuntong hininga siya at bahagyang yumuko habang hawak pa rin ako.

"Pasensya ka na, ah? Kung hindi kita maipagtanggol sa kanila. Totoo na ayaw ko lang ding madamay. Sa ilang taon na nagtatrabaho ako rito ay kilala ko na si Mayor Velasquez. Alam ko kung ano ang mga gawain niya sa mga taong hindi niya gusto, o bumabangga sa kaniya. Siguro ay ganoon din sina Ma'am Every at Ma'am Cris, natatakot lang din sila na mawalan ng trabaho," mahabang wika niya.

Tipid naman akong ngumiti. "Wala iyon."

"Pasensya ka na talaga—"

"Ma'am Darlene!" malakas na pagtawag sa kaniya ni Ma'am Every, kasabay nito sa paglalakad si Ma'am Cris.

Bago pa man sila makalapit sa pwesto namin ay ibinalik ko ang tingin kay Ma'am Darlene. Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa braso ko. Baka lalo pa siyang mapasama kung sakali. Ayoko naman ding mangyari iyon.

Kahit papaano ay napatunayan ko na sa kanilang tatlo, si Ma'am Darlene ang naging totoo kong kaibigan. At naiintindihan ko kung lalayo siya sa akin dahil ayoko rin naman talagang madamay siya.

"Mauna na ako sa inyo."

Mabilis akong tumalikod at tinungo kung saan parating naka-park ang motor ko. Hindi na rin ako nagulat nang makitang naroon si Calvin. Nakaupo siya roon habang matamang naghihintay sa akin.

Nang magtama ang mga mata namin ay kaagad sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Tumuwid din ito sa kaniyang pagkakaupo. Napangiti ako, kalaunan nang huminto ako sa gilid niya at saka siya tinapatan.

"Hindi ka umuwi?" takang pagtatanong ko nang mapagtantong baka nga tumambay lang siya rito sa nagdaang oras.

"Oo, hindi na."

"Sana ay umuwi ka na muna. Ang tagal mong naghintay," palatak ko rito.

"Ayos lang, Verra. Nakipaglaro na lang ako ng basketball kanina habang hinihintay kang mag-out," malambing niyang sinabi habang titig na titig sa mukha ko.

Kumibot ang labi ko para sa panibagong ngiti. Hindi na ako nagsalita. Pumwesto ako sa likod niya para umangkas. Umusog siya ng kaunti, saka naman niya kinuha ang dalawang kamay ko at siya na mismo ang gumiya roon para yakapin ko siya.

Nights Of PleasureWhere stories live. Discover now