Chapter 9

633 54 0
                                    

Sa munisipyo ay hindi ko alam kung paano ko pa maihaharap ang mukha sa mga katrabaho ko, lalo sa mga taong naging close ko na. Sina Ma'am Darlene, Ma'am Every at Ma'am Cris. Hiyang-hiya ako sa nangyari.

Hindi ko rin alam kung dapat ba akong humingi ng tawad sa naidulot kong gulo kay Mayor, na sa totoo lang ay hindi ko naman kasalanan. But then, ako iyong naging puno't dulo kung bakit nagkaganoon, kaya marapat lang din na humingi ako ng paumanhin.

Ayoko namang magtrabaho na may ilangan sa kapwa ko katrabaho. Iyon nga rin ang rason ko kung bakit ako umalis sa Dela Vega Publishing House dahil hindi ko kinaya. Ngayon ay saan pa ako pupulutin kung hindi ko ibababa ang pride ko?

Mag-isa ako ngayon rito sa tanggapan ng munisipyo, oras pa ng trabaho kaya marahil ay hindi pa lumalabas sina Ma'am Darlene. Hindi ko pa sila nakikita ngayong araw. Baka nga tambak din sila ng trabaho dahil sa nagdaang fiesta ng Isla Mercedes.

Tahimik sa lobby. Kinuha ko na lang iyong pagkakataon na magtrabaho nang matiwasay. Hindi ko namalayan ang oras. Pumatak ang alas dose. Nagsimulang maglabasan ang mga tao sa loob.

Nag-angat ako ng tingin upang salubungin ang paglabas nina Ma'am Darlene, pero naubos na lang yata ang tao sa loob ay hindi ko sila nakita. Nangunot ang noo ko. Tumayo naman ako para pumasok at silipin sila.

"Ma'am Darlene," untag ko nang mabungaran siya, saktong palabas na pala siya.

"Tara na, Ma'am Darlene," ani Ma'am Every at bahagya pang hinatak si Ma'am Darlene sa kaniyang braso.

"Saan po kayo kakain? Sasama po ako!" mabilis kong agap, kapagkuwan ay pilit silang sinabayan na maglakad.

"Hindi na, Verra. Papunta kasi kami ngayon sa bahay ni Ma'am Darlene, roon kami kakain ng tanghalian," sabat ni Ma'am Cris kaya napahinto ako.

Napatingin ako kay Ma'am Darlene. May hawak siyang lunch bag, naroon ang pagkain niya. Samantalang sina Ma'am Cris at Ma'am Every ay tanging wallet at cellphone lang ang dala nila; wala silang baon.

Sa totoo lang, kaya ko rin sila naging close ay dahil hindi naman nagkakalayo ang mga edad namin. Mas matanda sila ng kaunti sa akin, pero pare-pareho naman kami ng vibes kaya napagpalagayan ko na rin sila ng loob sa maikling araw na nandito ako.

"Sige po, sasama ako," maligaya kong sambit ngunit mabilis na umiling si Ma'am Every.

"Gusto ni Ma'am Darlene na kaming tatlo lang. Hindi ba, Ma'am Darlene?"

Nilingon ni Ma'am Every si Ma'am Darlene, noong una ay nag-alangan pa ito. Hindi mawari ang kaniyang mukha. Kalaunan nang marahan siyang tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Ma'am Every.

"Oo, kaming tatlo lang, Verra," segunda niya.

Umawang ang labi ko, ganoon pa man ay tumango rin ako at ngumiti. Hindi na sila nagsalita pa. Tangkang maglalakad ulit sila nang magsalita ako, dagli ko ring nahawakan ang kamay ni Ma'am Every.

"Siya nga po pala, pasensya na sa nangyari kagabi. Hindi na po iyon mauulit," malumanay kong pahayag.

Isang beses akong nilingon ni Ma'am Every. Pinasadahan niya ako ng tingin pamula ulo hanggang paa bago niya dahan-dahan na hinila ang braso. Dumulas ang pagkakahawak ko sa kaniya.

"Dapat lang naman, Verra. Kasi nakakahiya talaga iyong ginawa mo, na after ng incident ay nawala ka bigla. Ni hindi ka man lang din humingi ng tawad sa mga taong naiwan doon, lalo kina Mayor na sobrang nadismaya at naputol ang kasiyahan," matapang at dere-deretsong wika ni Ma'am Every.

"Mag-ingat ka na lang din, Verra. Kasi inaanak ni Mayor iyang si Bianca Tumbali," dagdag ni Ma'am Cris. "At ayaw lang din naming madamay. Baka sabihin na tino-tolerate namin iyang ginagawa mo."

Nights Of PleasureWhere stories live. Discover now