Andress 74 | Ang Angkan ng mga Tagabantay at Ang Sagradong Kweba

129 13 15
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Angkan ng mga Tagabantay at Ang Sagradong Kweba ||

Naka-uwang lamang ang aking bibig habang kami'y naglalakad ni Guro papasok sa kweba. Ganap nang sumapit ang gabi at kalat na ang dilim ngunit sa tulong ng mga sulo na nakadikit sa bawat sulok ng kweba, hindi namin naging problema ang paglalakad sa madilim na paligid.

Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa mga nalaman ko; sa kung saang lugar kami naroon. Hindi ako makapaniwala na ang mahiwagang gubat na aking nakita sa labas at ang kweba na ito na aming pinasok ay nasa isang dimensyon pala na naghihiwalay sa aming mundo at sa mundo ng mga mortal.

Ang sinabing iyon ni Guro ay isang rebelasyon na para sa akin dahil buong buhay ko ay tanging ang ibang mahihiwagang lupain lamang sa buong Sansinukob ang nalalaman ko, hindi ko alam na may ibang mundo pa pala at nasa isa sa mga ito ako ngayon. Ngunit ang malaman na ang kweba na nilalakaran namin ngayon ay ang nagsisilbing himlayan ng katawan ng Reyna ng Dilim na walang iba kundi si Morgana ay labis-labis na para sa akin. Hindi kapani-paniwala ngunit tunay.

"Sagrado ang lugar na ito, Andress at alam mo ba na ito at ang buong dimensyon na ito ay nilikha mismo ni Merlin upang dito ikulong at itago ang kanyang kapatid. Sa dimensyon na ito, tanging ang mga pinahintulutan lamang ang makapapasok tulad nating mga Tagahawak at ang mga Tagabantay. Wala pa sa kampon ni Morgana o ibang nilalang ang nakakapasok dito mula noong nilikha ito ni Merlin," wika ni Guro. Dali-dali akong humabol sa kanya dahil nakakalayo na siya, hindi ko kasi maiwasang tumigil sa paglalakad at pagmasdan ang mga ukit sa paligid na talaga namang kapansin-pansin.

"A-ang akala ko po ba ay nasa libro nakakulong si Morgana? Hindi po ba, ayon sa kwento, si Morgana ay ikinulong ni Merlin sa mismong libro na na iniingatan niya noong huling pagtutuos nila?" aking mga katanungan. Ako ay bumabase lang naman sa mga kwento ng matatanda at sa ilang libro na aking nabasa.

"Tama ang kwento na ikinulong nga ni Merlin si Morgana sa libro ngunit, hindi ang buong katauhan ni Morgana ang kanyang ikinukong," sagot ni Guro na lalong gumulo sa aking isipan. Akmang magsasalita at magbabato pa sana ako ng mga katanungan upang malinawan nang tumigil si Guro.

"Sasagutin ko ang iyong mga katanungan ilang sandali lamang, Andress, sa ngayon, magbigay galang muna tayo sa mga piniling Tagabantay," ani Guro bago siya marahang yumuko sa kanyang harapan.

Hindi ko alam kung kanino nagbibigay galang si Guro, wala namang ibang tao sa kanyang harapan. Ngunit ilang sandali lamang ay bigla akong nakaramdam ng kilabot, parang biglang kumapal ang hangin sa loob ng kweba at parang may ibang presensya kaming kasama. Ilang sandali lamang, anim na puting usok ang sumulpot at nagpaikot-ikot sa aming dalawa, nang makita ko ang mga ito ay dali-dali akong yumuko tulad ni Guro. Sila na siguro ang tinutukoy ni Guro na mga Tagabantay.

"Hindi niyo na po kailangan gawin ang bagay na iyan, kagalang-galang na Tagahawak," wika ng isang tinig mula sa aming harapan. Nang umayos na ng tayo si Guro ay tumayo na rin ako ng maayos.

"Karapat-dapat lamang na bigyang paggalang ang angkan na hinirang ng aming ama na si Merlin. Ang inyong tungkulin ay walang pinagkaiba sa amin," malalim na wika ni Guro sa anim na nilalang na nakatayo sa aming harapan.

Sila ay nakasuot ng purong puting roba at may manipis na puting usok na lumalabas sa kanilang katawan. Ang kanilang mga mata ay purong puti lamang na nagliliwanag, napakalinis nilang tignan at nakakakilabot ang kanilang presensya.

Mula kay Guro ay pumaling ang ulo ng nasa harapan papunta sa akin, medyo nabigla ako kaya napa-atras ako. Ilang sandali lamang ay naging purong puti usok ang kanyang katawan at mabilis na lumipad patungo sa akin. Nang lumapag ang usok sa aking harapan ay muling nabuo ang kanyang porma.

ANDRESSNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ