Andress 76 | Hinahangad o Kasusuklaman

112 12 16
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Hinahangad o Kasusuklaman ||


Nakatayo ako ngayon sa harapan ng babae na may bitbit ng pulang tela kung nasaan nakapatong ang isang matalas na gintong punyal. Nakatitig lamang ako sa patalim, hindi ko maiwasang isipin ang kakaibang sakit na maaaring gumapang sa akin mamaya oras na hiwain ko ang aking palad gamit ang matalas na punyal na ito.

Matapos huminga ng malalim ay kinuha ko na ang punyal at itinapat ang talim nito sa aking palad. Ipinikit ko na lamang ang aking mata bago ko ginalaw ang patalim upang sugatan ang aking palad. Napakagat labi ako nang maramdaman ko ang hapdi kaya dali-dali kong ibinalik ang punyal at lumapit kay Tata Tabian.

Itinapat ko ang aking may sugat na palad sa nagbabagang uling at ipinatak ang aking dugo, tulad ng nangyari sa lahat ay umusok ito. Ngunit ilang sandali lamang ay biglang nagliyab ang kanina lamang ay nagbabagang uling.

Dali-daling ibinaba ni Tata Tabian ang hawak niyang palanggana upang hindi mapaso ng apoy. Nagtataka ako at nagulat sa nangyari lalo na ang lahat ng nakasaksi. Ilang sandali lamang, ang pulang apoy ay naging puti bago nito iniwang abo ang uling.

"Tapos na ritwal, na-selyo na ng dugo ni Andress ang makasaysayang pagtatag ng Union," lahad ni Tata Tabian bago ito lumuhod at kinuha ang palanggana. Ang puting buhangin at abo ng uling ay nag-halo na.

"Andress, lumapit ka muna at ilubog ang kamay mo sa tubig," tawag sa akin ni Ginang Kasseda. Tumalima naman ako at inilubog ang palad kong sinugatan ko.

Ginhawa ang aking naramdaman at tila nanlamig ang aking sugat nang ilubog ko ito sa tubig, nang iahon ko ito ay wala na ang sugat. Matapos paghilumin ng mahiwagang tubig ang aking sugat ay umalis na rin sila Ginang Kasseda.

"Maraming salamat sa lahat, ngayon, pormal ng iisa ang bawat bayan at baryo. Ang adhikain nating tulungan at gabayan ang isa't-isa nawa ang laging mamayani. Mabuhay ang lahat!"

Masigabong palakpakan ang muling umulan sa pagtatapos ng pagsasalita ni Pinunong Keba'an.

Muling nagpatuloy ang kasiyahan at ilang mga pagtatanghal pa ang aming napanood. Walang mapaglagyan ng saya ang bawat isa na nagkukwentuhan at nagsasayawan sa saliw ng tugtugin.

Sa gitna ng kasiyahan ay bigla natigilan ang lahat nang isang Sirkulo ang biglang sumulpot at nagliwanag sa harapan kung nasaan ang mga nagsasayaw. Dala ng pagtataka ay umatras ang mga ito at bumalik sa kanilang mga kinauupuan.

Mula sa aming mesa ay tumayo naman si Gurong Plabio bago bumaling sa akin.

"Oras na, Andress."

Natensyon ang aking katawan sa katagang kanyang sinabi, ang lahat ay tahimik na nagpapabalik-balik ng tingin kay Guro at sa akin. Matapos ianunsyo ni Guro na dumating na ang oras na ipapasa na nya ang libro ay isa-isang tumayo mula sa kanilang kinauupuan ang lahat habang kami'y naglalakad palapit sa Sirkulo.

"Itinadhana na ng kapalaran ang tagpong ito, Andress. Saksi ang lahat maging ang asul na buwan, ang pagpapasa ko ng libro sa'yo ay magaganap na."

Tumingala ako upang pagmasdan ang bukas na bubungan ng kweba at namangha ako na nasa itaas ko mismo ang bilog na asul na buwan. Tila ba'y sinadya ni Guro na idaos ito sa gabing ito at maging ang pagbukas niya sa itaas ng kweba at ang paglitaw ng Sirkulo, ang lahat ay talagang pinaghandaan niya.

ANDRESSWhere stories live. Discover now