Andress 101 | Tungkulin laban sa Puso

93 12 16
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Tungkulin laban sa Puso ||


Maliwanag na paligid ang unang bumungad sa akin nang imulat ko ang aking mga mata. Wala akong ibang makita kundi puting kapaligiran lamang ngunit ang aking inaapakan ay tubig, tila ako'y nakatapak sa ibabaw ng payapang karagatan na walang hangganan.

Hindi ko alam kung nasaan ako at kung paano ako napunta sa payapa at napa-aliwalas na lugar na ito. Ang naaalala ko lamang ay ang pagsabog ng malakas na liwanag kanina nang itarak ko sa dibdib ni Ahriman ang espadang likha sa aking liwanag. Matapos no'n ay nahuhulog na lamang ang aming katawan hanggang sa nagising na lamang ako sa payapang kawalan na ito.

Nag-aalangan man, sinubukan kong ihakbang ang aking paa. Nang hindi ako lumubog bagkus lumikha lamang ng maliliit na alon ang naging yapak ko sa ibabaw ng tubig, nawala ang aking takot na baka ako'y lumubog.

Lumakad ako sa ibabaw ng payapang karagatan na nabubulabog lamang sa bawat hakbang na aking gagawin. Wala akong ibang maramdaman sa paligid kung kaginhawahan at kapayapaan lamang.

Sa aking paglalakad-lakad sa tila walang hanggan na asul na karagatan, sa kauna-unahang pagkakataon mula ng ako'y dumilat, isang bangka ang aking nakita sa 'di kalayuan.

Sandali akong tumigil upang pagmasdan ito at ang taong nakasakay rito. Hindi ko makita ang kaniyang mukha dahil nakatalikod ito. Ngunit base sa kaniyang katawan at sa mahaba't tuwid nitong buhok na kasing puti ng kaniyang kasuotan, alam kong matandang lalaki ang misteryosong tao na nakasakay sa bangka.

Sa ilang sandali ng aking pagkakatulala, isang pagbati mula sa kaniya ang aking narinig.

"Kamusta, Andress?" Dahan-dahan na humarap sa akin ito at binigyan ako ng ngiti na pinuspos yata ang aking puso sa sobrang dalisay.

Hindi ako nakakibo o nakagalaw man lang sa aking kinatatayuan. Pilit ko kasing kinikilala ang kaniyang mukha kung sino ba siya at bakit niya ako kilala. Ngunit wala ni isang malinaw na kasagutan ang lumitaw sa aking isipan.

Maya-maya ay mahinang tumawa ang matandang lalaki bago ito muling tumalikod sa akin.

"Halika't samahan mo ako rito sa bangka, aking anak," paanyaya nito. "Dahan-dahan lamang ang lakad upang hindi mabulabog ang mga isda."

Ilang sandali rin akong nanatiling nakatayo lang at tahimik na nakatitig sa likuran ng matandang lalaki. Hindi na rin ito nagsalita pa matapos niya akong talikuran, tahimik na lang din itong nakatutok sa kung anomang ginagawa niya.

Hindi ko kilala ang matandang lalaking ito, ngayon ko nga lang siya nakita ngunit natagpuan ko na lamang ang aking sarili na marahang humahakbang palapit sa bangka. Wala naman kasi akong maramdaman na panganib sa kaniya at isa pa, siya lang ang tanging tao na nandito sa kawalan, kung may mapagtatanungan ako ay siya lang 'yun.

Tulad ng pakiusap niya ay puno nga ng pag-iingat at marahan akong lumapit at umakyat sa bangka na kaniyang sinasakyan, bahagya itong umuga ngunit konti lamang. Nang ako'y makasampa, roon lang ako nilingon ng matandang lalaki na kasalukuyan pa lang namimingwit.

"Mukhang nakakapagod na gabi ang pinagdaanan mo, Andress," anito. Sandali lang niya akong nginitian bago ito muling bumaling sa pamimingwit.

"May isa pa akong pamingwit diyan, kunin mo at samahan mo akong mangisda."

Walang sali-salitang, tumalima ako at niyuko ang mahabang pamingwit na nasa lapag ng bangka. Matapos lagyan ng pamain ang taga nito ay inilublob ko na ito sa tubig tulad ng kaniya.

Katahimikan.

Napakasarap sa pakiramdam ng kapayapaang hatid ng kapaligiran. Wala akong ibang marinig kundi ang aking paghinga at mahihinang tilamsik ng tubig. Sa sobrang kapayapaan, hindi ko namalayan na napapikit na pala ako.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon