Andress 17 | Paglalakbay-diwa

379 27 11
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Paglalakbay-diwa ||


Tapos ko na lahat ng gawain dito sa kubo, halos nalinis ko na nga bawat sulok maging ang taniman ko ng gulay sa labas ngunit ang isipan ko ay 'di pa rin matahimik.

Kagabi pa ako tuliro at 'di nakatulog ng maayos matapos umalis nila Enthon at Kuya Rigor.

'Tungkol sa mga nawawalang bata.'

Paulit-ulit iyong nagbabalik sa aking isipan. Sa tuwing ipinipikit ko ang aking mata ay laging nagbabalik sa aking balintataw ang mga kabataang nakita ko sa isang 'di maipaliwanag na pangyayari kahapon.

Hindi ko sila masyadong napagtuunan ng pansin dahil sa biglaang pagsulpot ng isang itim na nilalang. Ngayon ko lang napagtanto ang mga kabataan.

Wala na sana akong isipin na ganito kung hindi lang bumuhos ang malakas na ulan kagabi. Ang aking huling natatandaan sa tila paglalakbay-diwa ko ay ang madilim na kagubatan, umuulan at ang mga nagtatakbuhan na kabataan at mga Bandido.

Iniisip ko na lamang na ito ay panaginip ngunit ang dahilan ng pagsundo kay Enthon kagabi at ang biglang pagbuhos ng ulan ay tila naging mga malinaw na patunay na totoo ang aking nakita ng mga mangyayari pa lang.

Kagabi pa ako inuusig ng aking konsensya, gusto kong kumilos at gumawa ng paraan para tulungan ang mga kabataan na ngunit hindi ko alam kung paano at saan ako magsisimula. Nakita ko sila ngunit 'di ko naman matukoy kung nasaan sila naroon kaya hindi rin ako makakakilos.

Lumipas na ang tanghali, maging ang pagkain ay hindi ko na masyadong naintindi dahil sa mga tumatakbo sa aking isipan.

Kung pumunta kaya ako sa Santuario ngayon at ipagbigay-alam ang aking nalalaman?

Kagabi ko pa nga iyon gustong gawin pero ayaw tumila ng ulan. Kaninang madaling araw nga lang yata ito tumila ngunit nakatulog naman ako kakahintay na ito'y tumila.

Naisip ko na rin kung paano ko sila mapapaniwala sa mga sasabihin ko. Ako nga mismo ay halos 'di makapaniwala sa mga nakita ko. Paano ko kaya ito magagawang maipaliwanag sa kanila ng maayos? Wala ni isa sa kanila ang nakakaalam pa ng kung anong kakayahan ang meron ako at sa palagay ko naman ay walang magagawa ang kakayahan ko sa mga iniisip ko ngayon.

Matapos ang ilang sandali ay tumayo na rin ako matapos makapag-desisyon.

Kailangan kong kumilos. Kailangang may gawin ako.

May kung ano na tumutulak sa'kin na gawin ang tama kahit na wala akong ideya sa dapat kong gawin. Alam ko sa mga oras na ito na nasa kamay na ng mga Bandido ang mga kabataan na 'yun dahil ang huling natatandaan ko ay nahuli sila ng mga ito.

Wala akong pinagkaiba sa kanila. Kung ano man ang gagawin sa kanila ay s'yang dapat rin na gagawin sa'kin ngunit sa tulong ni Enthon ay nandito pa rin ako at ligtas.

Ako naman.

Kahit na sa maliit na paraan gusto ko ring tumulong sa paghahanap sa kanila.

Siguro nga ay wala akong magagawa para bawiin sila mismo sa mga Bandido ngunit ang maibigay ang maliit na impormasyon na alam ko kahit na sa palagay ko ay wala rin namang linaw ay malaking tulong na para mailigtas sila. Kung may mas makakatulong sa kanila 'yun ay walang iba kundi ang Santuario.

Suot ang isang mahabang abohing manto na binigay sa'kin mula sa Santuario ay naglakbay na ako pababa ng burol. Balot pa rin ng hamog ang paligid marahil dala ng halos walang tigil na pag-ulan kagabi kaya't medyo basa ang damo at malamig ang paligid. Ang araw nga ay 'di pa rin sumisilip sa makakapal na ulap sa kalangitan, tanghali na ngunit malamig at makulimlim pa rin.

ANDRESSWhere stories live. Discover now