Andress 7 | Ang Lahing mula sa Kalikasan

522 39 7
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Lahing mula sa Kalikasan ||



Takbo lang ako nang takbo, hindi ko alam kung nasaan na ba ako pero patuloy lang ang aking mga pagod na paa sa paika-ikang pag-usad makatakas lang sa kamay ng panganib na nakasunod pa rin sa akin.

Nang makaramdam ng pagod ay panandalian akong tumigil at sumandal sa katawan ng malapit na puno. Hingal na hingal ako habang hawak-hawak ang aking kaliwang braso upang pigilan ang patuloy na pagdurugo ng sugat na aking tinamo. Nasugat ito kanina ng isang matalas na sanga habang tumatakas ako sa mga humahabol sa akin.

Matapos makapagpahinga ng ilang sandali ay muli akong nagpatuloy sa pagtakbo. Hindi ako pwedeng tumigil at makampante dahil alam kong nasa paligid pa rin sila at nakasunod pa rin sa akin.

Madilim pa rin ang paligid, sa palagay ko ay nasa kalagitnaan pa lamang ng gabi pero sa tulong naman ng liwanag mula sa bilog na buwan ay nagagawa pa naman nitong tanglawan ang aking dinaraanan.

Habang ako'y tumatakas sa mga humahabol sa akin at tumatakbo palayo sa aming baryo ay walang ibang tumatakbo sa isipan ko kundi sila Manong Gaper at Lola Gana. Iniisip ko kung ligtas lang ba si Lola kung saan ko s'ya iniwan at si Manong Gaper... ano na kayang nangyari kay Manong Gaper? Sana ay maayos lang s'ya; sila nila Lola.

Dahil sa pag-alala ko kanila Manong at Lola ay hindi ko na naman napigilan na maluha. Sila na lamang kasi ang meron ako at ngayon ay mag-isa na lang talaga ako.

Dala ng walang tigil na pag-agos ng aking mga luha ay hindi na naging malinaw sa akin ang paligid, hindi ko napansin ang isang naka-angat na ugat dahilan para ako ay mapatid at nagpagulong-gulong.

"Argh!"

Napasigaw ako ng malakas dahil sa pagbagsak ko ay naitukod ko ang kamay kong may sugat. Kagat-labi ko na lamang na tiniis ang sakit at hapid habang humihikbi. Kahit na anong gawing kong pigil sa aking sugat ay patuloy pa rin ito sa pagdugo.

Ngunit sa kabila ng hapdi na aking nararamdaman ay muli kong pinilit na bumangon at tumakbo lalo na nang makarinig ako ng mga kaluskos at tunog ng mga nababaling mga sanga na tila naaapakan.

At hindi nga ako nagkamali, bago pa man ako makalayo ay nagsulputang muling ang mga naka-itim na manto na humahabol sa akin.

"Nandito siya!" sigaw ng isa sa kanila.

Hindi na ako nagtangka pang lingunin sila, binilisan ko na lamang ang aking pagtakbo.

"Hindi mo na kami matatakasan! Sumuko ka na, bata!"

Matapos ang pagsigaw ay isang pagsabog ang sunod kong narinig. Napahawak na lamang ako sa aking ulo nang sumabog ang isang puno sa harapan ko, ang tanging tumama lamang sa akin ay ang mga nadurog na sanga at balat ng puno.

Hindi ko alam kung ano ang balak nila sa akin, kung bakit nila ako hinahabol pero ang nasa isip ko lang ngayon na dahilan ay ang kapangyarihang meron ako.

Patuloy sila sa pagbato ng kung ano na tumatama lang sa malalapit na puno sa akin. Mukhang 'di nila ako balak patamaan, mas mukhang balak lang nila akong patigilin at hulihin ng buhay.

"'Wag mo ng pagurin ang sarili mo, bata. Sumuko ka na lang sa amin at ipinapangako kong hindi ka namin sasaktan!" sigaw ng isa sa kanila habang patuloy sila sa pagbato ng bola ng enerhiya.

ANDRESSWhere stories live. Discover now