Andress 8 | Ang Munting Kaibigan

500 32 19
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Munting Kaibigan ||

Mataas na ang sikat ng araw nang ako ay magising. Medyo masakit pa ang ilang bahagi ng aking katawan lalo na ang aking tadyang at likod, hindi pa nakatulong sa kalagayan ko ang ilang pasa at sugat na iniinda ang halos buong katawan ko.

Ilang oras pa ang pinalipas ko habang ako'y nakahiga at nakatingala sa kawalan. Tanging musika lamang na likha ng kalikasan at ng mga nag-aawitang mga ibon ang tanging maririnig sa paligid. Ngunit sa paglipas lamang ng ilang oras ay binasag din ito ng mga hikbing hindi ko na kinayang pigilan.

Hindi ko maiwasang maluha habang nagbabalik sa aking isipan ang mga nagdaan; ang mga paghihirap ko at ang mga pasakit na kinaharap ko. Napapatanong na lamang ako kung bakit... kung bakit sa dinami-dami ng masasamang loob ay ako pa ang nakakaranas ng ganito? Tama lang ba itong pinagdadaanan ko? Nararapat ba sa isang tulad ko? O ito nga ba talaga ay sumpa na hinding-hindi ko na matatakasan pa?

Ang masaklap na katotohanan na paulit-ulit na suma-sampal sa akin ay ang sinapit ng aming baryo. Ito'y walang duda na dahil na naman sa aking sumpa. Kung pwede lang... kung pwede lang na hilahin pabalik ng oras at makiusap ay mas gugustuhin ko na lang na layuan, saktan ng pisikal at emosyonal at pagtulakan ng lahat 'wag lang mangyari ang sinapit ng aming baryo. Ngunit wala na, huli na at nangyari na. Wala na ang aming baryo.

Ilang mga taga-baryo ang nakita kong inalisan nila ng buhay. Ilang tahanan ang kanilang sinira at sinunog. Mga wala silang awa! Kahit naman na hindi naging maganda ang pagtrato ng halos buong baryo sa akin, kahit na pinagtangkaan nila akong sunugin ng buhay ay 'di ko pa rin naman gustong humantong sila sa ganito. Ang kamatayan na dapat ipapataw nila sa akin ang tinamasa naman ng ilan sa kanila at pakiramdam ko 'yun ay dahil ulit sa'kin.

Nakadagdag pa sa bigat ng aking dala at dinidibdib sina Lola Gana at Manong Gaper na hindi ko alam kung ano ang parehong kalagayan ngayon. Nagpaiwan si Manong Gaper para bigyan kami ng oras ni Lola Gana na makatakas at iniwan ko naman si Lola Gana na nanghihina sa gubat para lang mailigtas s'ya. Ginawa ko 'yun para hindi na s'ya madamay pero wala pa ring kasiguraduhan kung ano ang kalagayan nilang dalawa ngayon at 'yun ay dahil pa rin sa akin.

Sa tahimik na sandali, putulin man ng paulit-ulit na paghikbi ay patuloy lamang ako sa pananalangin na sana- sana ay ligtas lang sila ganu'n din si Ama. Ang lahat ng nangyari ay hindi na maibabalik pa at maiiwasan kaya't ang tanging magagawa ko na lamang ay manalangin.

Isang malakas na pag-ihip ng hangin ang nag-udyok sa'kin na dumilat. Dahil sa pag-galaw ng mga puno, ilan sa mga sinag mula sa mataas na araw ang nakalagpas at direktang tumama sa aking mukha kaya't nahihirapan man ay pinilit ko na ring bumangon.

"Argh!"

Halos umikot at magdilim ang aking paningin nang gapangan ng kirot ang buo kong katawan nang subukan kong bumangon, ganu'n pa man ay nagawa ko namang gumapang palapit sa punong nasa tabi ko lang at doon ko isinandal ang aking katawan.

Ilang mabibigat at malalalim na paghinga ang aking pinakawalan bago tuluyang umalis ang kirot. Nang sa palagay ko ay ayos na saka lamang ako tumayo sa tulong na rin ng punong sinasandalan ko.

Paika-ika at halos hatakin ko na lamang ang aking kaliwang paa para lamang makausad. Sa tuwing kumikirot ang mga sugat sa aking katawan lalo na ang kaliwang hita ko ay sandali muna akong tumitigil at sumasandal sa mga punong nadadaanan ko.

ANDRESSWhere stories live. Discover now